Kailangan ng todong pagsuporta ng Department of Health (DOH) ng mga pilot province para sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Act at kabilang dito ang dagdag-pondo para sa pagsasaayos ng mga primary health care facility at pagsasanay ng mga health worker.
Ito ang sinabi ni Sorsogon Governor Chiz Escudero kasabay ng kanyang pagbubunyag na hindi lahat ng 33 pilot provinces na kasama sa pagpapatupad ng UHC ay may sapat na pondo para sa kalusugan para magkaroon ng maaasahang health care provider network (HCPN) na siyang hinihingi ng UHC Law.
“Makikita sa pandemic response ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa buong bansa kung kaya o handa ba ang isang lokalidad para sa UHC implementation. Ang mga mayor at governor, gusto naman nilang gastusan ang kalusugan ng kani-kanilang nasasakupan pero ang tanong pa rin palagi, may sapat ba silang pera para dito?” ani Escudero.
Sa nakalipas na halos tatlong taon, ang Sorsogon, na isang pilot province, ay tuloy-tuloy sa pagsasaayos ng pundasyon nito ng HCPN at sa katunayan, ISO-certified na ang lahat ng siyam nitong public hospital subalit maraming probinsiya ang naubos ang kanilang pondo para sa paglaban sa COVID-19.
Lumilitaw sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank na mahigit kalahati ng lahat ng rural health units sa Pilipinas ay walang kagamitan habang kulang-kulang naman sa tao ang mga district hospital kung kaya napipilitan ang mga pasyente na magpagamot na lamang sa mga private hospital.
“Kapag ganito, talo na agad ang UHC ngayon pa lang. Kung ninanais at desidido ang gobyerno na matiyak ang kalusugan ng lahat ng Pilipino, dapat buhusan talaga nito ng pondo ang ating public health facilities, lalo na iyong unang takbuhan ng mga tao—ang barangay health stations at rural health units. Kahit naka-devolved na sa LGUs ang health services pero ang totoo nito, hindi pa rin ito gagana kung walang funding support ng DOH,” ani Escudero na tumatakbo para sa bagong termino sa Senado.