Sinabi ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat palakasin ng gobyerno ang kampanya nito sa paghimok sa mga di-bakunadong indibidwal na piliin ang magpaturok ng COVID-19 vaccines upang maprotektahan ang kanilang mga sarili at ang mga pamilya nila imbes na ipagpilitan ito sa kanila dahil walang namang batas sa bansa na nagsasabi na mandatory na magpabakuna.
Ipinaliwanag ni Escudero na naka-emergency use authorization o naka-EUA pa rin hanggang ngayon sa Food and Drug Administration ang lahat ng bakunang mayroon sa Pilipinas kung kaya hindi ito puwedeng ipagsapilitan sa mga mamamayan.
“Naka-EUA pa ang mga bakunang ito at ibig sabihin lang, may mga clinical trials pa bago magawang mandatory ng gobyerno ang vaccination,” ani Escudero na kumakandito para sa Senado. “Kapag nakapasa na ang mga bakuna sa lahat ng pagsusuri at pag-aaral na dinaanan ng mga ito, doon lang mangyayari na maging parte ito ng isang polisiyang pagkalusugan na maaaring ipatupad gamit ang police power ng gobyerno.”
Dahil sa kawalan ng nasabing mandato, sinabi ng dating senador na tutukan na lamang muna ng pamhalaan ang paghimok sa mga di-bakunadong indibidwal at pati na ang pag-abot sa mga Pilipino na kasali sa target population subalit hindi pa rin nababakunahan hanggang ngayon.
“Let us talk to the them and convince the unvaccinated to get vaccinated instead of forcing them to do so. Ang maganda ay makumbinsihan tayo sa bisa at proteksyon na ibinibigay na bakuna, at huwag magpilitan o magtakutan,” ani Escudero na fully vaccinated at may booster na rin.
“Ako po ay para sa vaccination at dapat na magtulungan tayo at gawin natin ang lahat upang makumbinse ang kapwa na magpabakuna na rin,” dagdag niya.
Sa pinakahuling opisyal na numero, nasa 55.6 milyon sa mga mamamayan ang fully vaccinated habang mahigit limang milyon naman sa mga ito nakapagpa-booster na.