Ngayong panahon na ng eleksiyon at malapit nang mag-umpisa ang kampanyahan, pinaaalahanan ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pambansang gobyerno at mga lokal na pamahalaan na bilhin na ang mga kinakailangang kagamitan, serbisyo at produkto upang hindi maipit ng procument ban ang pagtugon ng bansa sa pandemya.
Sa ilalim ng Circular 03-2021 ng Government Procurement Policy Board (GPPB), wala nang iisyung mga notice of awards para sa mga proyektong may kaugnayan sa pabahay, mga gawaing pambayan, at pagpapaunlad panlipunan mula Marso 25 hanggang Mayo 8.
“Nasasaamin nang mga lokal na pinuno at pati na mga kalihim ng mga kagawaran kung papayagan naming maparalisa ang ating paglaban sa COVID-19 nang dahil lang sa 2022 elections, lalo’t pumapalo ng 25,000 ang impeksyon araw-araw. Hindi dapat matigil ang epektibong pandemic response nang dahil lang may procurement ban. Paghandaan natin ito ngayon pa lang,” ani Escudero na kumakandidato para sa Senado.
Ayon kay Escudero, ang pinamamahalaan niyang probinsiya, na nasa Alert Level 3, ay nagsimulang bumili ng home care kits sa pag-uumpisa pa lamang ng pandemya noong 2020 at ipinamimigay nila ang mga ito ngayon sa mga mild at asymptomatic COVID-19 patient. Dahil napaghandaan, aniya, hindi punuan ngayon sa mga ospital ng probinsiya kahit may nangyayaring pagtaas sa numero mga kaso ng COVID-19 dito.
“Alam naman natin three years ago pa na may eleksyon at may mga paghihigpit at limitasyon ang puwedeng magawa ng kada ahensya ng pamahalaan. Kaya kami sa lalawigan ay nag-early procurement para hindi abutan ng election ban ang bidding ng mga proyekto na kailangan dumaan naman talaga sa proseso. Hindi dapat ma-delay ang anumang programa, proyekto at lalung-lalo na ang COVID-19 response dahil lamang sa kampanya,” ani Escudero.
Hinimok ni Escudero ang Commission on Elections (COMELEC) na payagan nito na mapagtuloy ang ilang social welfare projects, tulad ng testing at teleconsultations para sa mga nagka-COVID-19, kahit panahon na ng kampanya.
“Dahil may pandemya ngayon at kita naman ng lahat na matapos ang dalawang taon ay wala pa rin tayong sapat na kahandaan, sana ay huwag ng hadlangan ng COMELEC ang mga ahensya na nagbibigay-tulong at kapakinabangan sa nakararaming tao,” aniya.
Kung papayagan ng COMELEC, maaaring isama ng GPPB sa listahan ng mga exempted sa procument ban ang mga tinutukoy na serbisyo ni Escudero.