CHIZ: LUWAGAN ANG REKISITOS SA TULONG-PINANSYAL PARA SA MGA KOOPERATIBA

 

Inihiyag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat luwagan ng gobyerno ang rekisitos at iba pang kahingian sa pagtanggap ng tulong at subsidiya ng maliliit na kooperatiba kung tunay na ninanais ng bansa ang pagsulong nang walang maeetsa-puwera matapos ang pandemya.

Ayon sa senatorial aspirant, nangangailangan ng agarang tulong ang mga kooperatiba, lalo na ang sektor ng agrikultura kung saan nandito ang mga pinakamahirap na Pilipino, upang makasulong ang mga ito.

“Nagsimula ang kooperatiba sa sektor ng agrikultura pero naiwanan na ito ng mga kooperatiba sa iba’t ibang sektor kabilang na ang transport at credit. Ang agrikultura ay nananatiling kulang ang suporta mula sa pamahalaan ngayon,” ani Escudero.

Nasa sektor ng agrikultura ang mahigit 30% ng populasyon ng bansa.

“Marapat tingnan natin muli ang mga batas, mga polisiya na medyo estrikto kaugnay sa pagbibigay ng tulong sa mga kooperatiba. Naranasan ko iyan bilang gobernador—na ang kwalipikado lamang para makatanggap ng pondo ay ‘yung may mga track record na, ‘yung may magandang performance. Sa ibang salita, ‘yung may dati nang puhunan at dati na ring matagumpay. Hindi nagka-qualify ang maliliit; ‘yung malalaki pa rin ang nagku-qualify,” anang beteranong mambabatas.

Aniya, nababalewala dahil dito ang nilalayon ng Republic Act 9520 o ang “Philippine Cooperative Code of 2008” na maging behikulo ang mga kooperatiba para sa pagtutulungan ng mga mamamayan sa pagkamit ng pag-unlad ng kabuhayan at panlipunang hustisya.

Sinabi niya na nakamandato sa batas na dapat gabayan ng gobyerno ang mga kooperatiba para makakuha ang mga ito ng tulong-pinansiyal subalit dahil sa mahihirap na rekisitos para rito, hindi rin nakakatanggap ng tulong ang mga mas nangangailangan nito.

“Nahihirapan yung kooperatibang nagsisimula pa lamang dahil wala silang track record. Dahil wala silang maipakitang pruweba na kaya nilang gamitin ng tama yung pondong ibibigay sa kanila ng pamahalaan. Marapat tingnan ng masusi ang polisiyang iyan upang sa gayon maakay natin yung mga bago at maliliit pa lamang na kooperatiba na lumaki tulad ng maraming kooperatiba na naging matagumpay at napakarami ng pagmamay-ari at assets,” ani Escudero.

Dapat din, aniya, na buhusan ng pondo ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura kung saan nakatanggap lamang ito ngayong taon ng Php103.5 bilyon, pondong hamak na maliit kumpara sa ibang kagawaran.