BISERBISYONG LENI

 

ELY SALUDAR (ES): OK nasa linya na po natin mga kasama na po natin via Zoom si Sorsogon Governor Chiz Escudero. Gov, magandang umaga po sa inyo.

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Ely, magandang umaga po sa inyo. Sa lahat ng ating mga taga-subaybay, magandang umaga po sa inyong lahat at Happy New Year, Ely. Belated.

ES: Opo, at siyempre tayo po’y napapanood at napapakinggan din sa RMN Cebu, RMN Davao, RMN Cagayan de Oro, at RMN Naga. So, ano pong mensahe nyo sa kanila Senator, Governor?

CHIZ: Well, gaya ng sinabi ko Ely sa pagbati sa pagpasok ng bagong taon, taong 2022. Alam ko may pandemya at nasa gitna pa rin tayo ng pandemya pero maniwala tayo at panghawakan natin ang pananampalataya na matatapos, lilipas at magwawakas din ang pandemyang ito at sana sa huling pagbukas ng mundo, mas magandang kapaligiran ang ating makita dulot na rin ng panahon na mahaba-haba dulot ng hindi tayo nakakaikot sa bansa.

ES: OK, Governor para po sa kaalaman ng ating nanonood at nakikinig, kumusta po muna diyan sa Sorsogon? Iyong kaso po ng COVID at iyong ating COVID response sa ating mga kababayan?

CHIZ: Mula zero noong Pasko at New Year, sa loob lamang dalawang linggo, Ely, pumalo ng mahigit 600 ang kaso ng COVID-19 sa aming lalawigan. Rason na para i-classify na ang Alert Level 3 sa katapusan ng Enero ang aming lalawigan katulad ng ibang probinsya. Pero, mahalaga para sa amin, basta nananatiling intact at hindi nagko-collapse ang aming healthcare system, hindi namin kailangan magpanic o mag-aburido.

Halimbawa, ang hospital occupancy rate namin ay nasa 43% lamang at ang DTMF, isolation at ang quarantine facility namin ay nasa 12% lamang ang okupado. Ang pangunahing rason Ely, ay dalawa: una, 2020 pa lamang, meron na kaming home care kit na inilunsad para sa mga mild at asymptomatic at hindi na kailangan ma-ospital. Pangalawa, pribado o pampublikong ospital man, wala kang karapatang magpa-ospital kung mild o asymptomatic lamang. Hindi tulad ng nakikita natin, halimbawa sa ibang siyudad sa Metro Manila, ang mga mayayaman kahit wala namang nararamdaman ay ospital kaagad kapag nagpositibo.

‘Yung mga may malalang karamdaman may kinalaman man sa COVID o hindi, hindi na tuloy nakakapunta sa ospital at nagiging rason na lumala ang sakit nila o ikasawi pa nila.

ES: Opo. So, meron po tayong panuntunan- paghihigpit na kung papasok sa ospital kung mild lang naman pauuwiin na Governor para huwag mapuno ang mga ospital para po sa mga malala?

CHIZ: Opo. Taong 2020 pa lamang ginawa na po namin ‘yan bagaman hindi tumaas ng ganito kataas ang aming mga kaso. Nanatiling ganyan pa rin ang polisiya namin at nag-a-apply ito, Ely, pampubliko man o pangpribadong ospital. Meron nga akong kakilala, nagkasakit ng COVID, na-confine sa ospital ng kulang kulang isang buwan ang ginawa niya Ely, nirentahan niya na lang iyong kwarto ng ospital para kung sino man daw na kamag-anak niyang magka-COVID ay hindi na po kailangang mag-antay pa. Hindi naman po nararapat ‘yun at hindi dapat pinapayagan ‘yan.

ES: Opo. OK, so diyan po sa Sorsogon ay- kasi dito po sa Metro Manila at ibang mga lugar, pinag-uusapan kasi ang DOTr diba meron ding “no vaccination, no ride” policy at bawat LGU dito sa Metro Manila meron po silang kaukulang mga ordinansa. Diyan po sa Sorsogon, ano po iyong mga panuntunan dito sa mga hindi pa bakunado?

CHIZ: Hindi ako sang-ayon na ginagawang mandatory ‘yan, Ely. Kailangan magpabakuna, ako mismo nagpabakuna pero hindi puwedeng gawing mandatory iyan dahil EUA pa rin ang bakunang ito. Ibig sabihin emergency use authorization pa lamang. Hindi pa tapos ang clinical studies para gawing mandatory ito tulad ng ibang bakuna.

Halimbawa sa polio, sa ibang mga karamdaman na tapos na ang clinical trial, ‘yan puwedeng gawing mandatory para sa mga bata. Pero hangga’t EUA ang isang gamot o bakuna, hindi po ‘yan by basic policy ginagawang mandatory. Dapat ang gawin na lang po nila magbigay ng insentibo sa mga magpapabakuna at disincentive sa mga hindi magpapabakuna.

May isang limitasyon lang Ely, para sa akin. Puwedeng gawin ‘yan ng pribadong sektor dahil pribado nga sila, pwede silang mamili kung sinong papayagang pumasok sa restaurant nila, sa mall nila, o sa eroplano nila. Pero kapag ang pinag-usapan natin ay public utility vehicle, ang pinag-usapan natin ay gusali ng pamahalaan, kapag ang pinag-usapan natin ay serbisyong bigay ng pamahalaan hindi po puwedeng gawin iyan.

ES: Papaano ho iyong mga may transaksyon sa tanggapan ng pamahalaan tapos hindi bakunado, kasi hinahanapan po ng vaccination card. So, parang lumalabag po ito sa karapatan, Governor?

CHIZ: Para sa akin illegal at unconstitutional iyan at malamang may magsasampa ng kaso sa Korte Suprema katulad sa Amerika. Sa Amerika, ngayon tatlong linggo nang pinagdedebatihan ng Korte Suprema ng Amerika ang mga mandated vaccine regulation at legislation na isinagawa sa Estados Unidos. Asahan natin, ‘yan din po ang mangyayari po dito.

ES: Siguro dito Governor, kasi, ako nagmomonitor din ako. Sana mas maganda maipabatid sa mga tao na ‘yung mga hindi bakunado, ‘yun ang pinagmamalasakitan natin kasi wala silang proteksyon. Di’ba sabi dito kapag hindi ka bakunado wala kang proteksyon laban sa COVID at malaki ang posibilidad na tamaan ka ng mas malala kumpara sa mga bakunado. Dapat ang palitawin dito, palutangin pagmamalasakit ito ng gobyerno dapat bakunado ka. Kung hindi ka bakunado, diyan ka muna sa bahay para hindi ka mapanganib di’ba? Dapat ganoon. Dapat gawing pagmamalasakit, Governor.

CHIZ: Alam mo Ely, noong nagdaang taon, ewan ko kung nakita mo, mahigit dalawang bilyon ang ginastos para sa political ad ng iba’t-ibang kandidato. Kung nagastos na lamang sana ‘yung perang ‘yun o hindi man ang gobyerno mismo gumastos ng parehong pera. Anim na trilyon naman ‘yung inutang natin. Para magpalaganap ng ganyang klaseng kaalaman, impormasyon at paghikayat sa ating mga kababayan na magpabakuna na.

ES: Opo. OK, at siguro kayo babalik ho kayo sa Senado at unahin muna natin, meron ho ba kayong na mga sabihin lang natin na encounter diyan po sa bilang Gobernador na puwedeng baguhin? Iyong sistema at kailangang batas kasi napakaimportante. Maganda sa inyo Governor no, na lahat, halos lahat ho, naging Senador, naging congressman tapos naging Gobernador.

Alam ninyo po sa baba. Alam ninyo po ang mga problema na pu-puwedeng i-korek po sa national. So, bilang gobernador, ano po ba iyong mga naging- dapat ganito iyong mga ganito na mga kakulangan na pupuwedeng gawin ninyo kapag kayo po ay nasa Senado?

CHIZ: Pangunahin at magiging pangunahing layunin ko Ely, bigyang buwelo ang mga lokal na pamahalaan. Tinuro ko ang Local Government Code sa UP College of Law.  Ilang amendment na ang naipasa namin sa Local Government Code pero ilang mga tanikala – ilang mga tali, ‘ika nga, na pumipigil sa local government units na gawin kung anong nararapat para sa kanilang kababayan ay nasa mga regulasyon pala ng ng DILG na dapat ipinagbabawal.

Halimbawa, Ely, alam mo ba na bagaman may IRA kami; nagpapasa kami ng sariling budget. Ang budget pala ng kada lokal na pamahalaan, probinsya man o siyudad, ay dapat aprubahan ng DBM.

Wala sa batas iyan. Wala sa Saligang-Batas  iyan; pera namin ‘yan. Hindi ‘yan galing sa national government. Bakit sila magdidikta kung paano namin gagastusin ‘yung pera? Sino bang mas may alam kung anong kailangan ng aming kababayan? Sila ba na mga kalihim na nandito lamang sa NCR o kami na babad sa aming mga lugar at distrito at probinsya?

Ang hiling ko madalas sa mga kalihim at secretary. Tumayo man lang kayo, dungawin naman ninyo ang kalagayan namin mula sa malayo. Hindi ‘yung nakaupo lang kayo palagi sa mga airconditioned ninyong mga kuwarto at nagmamarunong para diktahan kami kung ano ang dapat puwede at hindi namin puwedeng gawin.

Sa Totoo lang Ely, napakaraming best practices ang mga gobernador at mayor sa buong bansa. Talo at malayo ang mga ginagawa ng DOH at ang IATF sa ngayon. Na kung bibigyan buwelo lang kung sana sa mga lokal na pamalahaang ito, malayong mas magiging maganda ang COVID response ng ating bansa. Pinagtagpi-tagpi lang na response, ika nga, ng iba’t ibang probinsya at siyudad.

Sa totoo lang, kung may babaguhin tayo pero magbabago naman ng kusa hindi na dapat manatili pa at tatagal ng isang minuto si Sec. Duque dahil hindi maganda at hindi maayos ang kanyang ginagawang pamumuno sa COVID response ng ating bans, PhilHealth man, DOH man, o IATF man na lahat ‘yan ay pinamumunuan niya.

ES: Opo. OK, ‘yung dito sa issue naman po Senator, Governor, iyong sa IRA. ‘Di ba ‘yung sa Mandanas ruling at parang ito hindi pa malinaw sa implementasyon dito at mukhang nagbabanggaan din dito sa national government?

CHIZ: Pinag-aralan ko ‘yan, Ely. Alam mo, nung bumisita na si Vice President Robredo na take-up ko ‘yan sa kanya. Na may malaking problemang darating sa taong 2023. Tumaas ang IRA ng mga lokal na pamahalaan- anywhere between 18 % to 25% sa taong 2022 dahil sa Mandanas ruling. Isinama na kasi ang koleksyon ng Bureau of Customs sa pinagpaparte-partehang IRA ng barangay, munisipyo, siyudad, at probinsya.

Subalit, pagdating ng 2023- dahil nakabase po iyan sa internal revenue ng tatlong taong nakaraan. Bagsak po ang IRA ng mga lokal na pamahalaan dahil bagsak din po ang ekonomiya natin ng taong 2020, noong pumasok ang COVID. Ang mawawala lang po ay humigit kumulang 28%.

So, ika nga, inangat ka sa dalawampung palapag, 20th floor ng taong 2022 biglang dumating ang 2023 ibabagsak ka lang pala sa 1st floor ulit.

Malaki ang dapat na gawing adjustment ng national government para maayudahan ang mga lokal na pamahalaan para patuloy na umikot ang ekonomiya lalung-lalo na sa mga malalayo at mahihirap na mga lugar. Pangalawa Ely, ang ipinasang executive order ni Pangulong Duterte na nag-devolve ng function dahil nga nabawasan iyong pondo nila. Dahil lumaki ang share ng mga lokal na pamahalaan, medyo hindi yata tama at makatarungan.

Dahil noong inisa-isa ko, humigit kumulang Php655-B ang dagdag na IRA sa lahat ng LGU sa buong bansa. Pero ang mga dinevolve ng mga function sa national government, ang halaga Ely, base sa 2021 Budget ay Php1.4-T o doble. Maliwanag, naghugas kamay na lamang ang gobyerno dahil sa pagbawas ng pondo nila pero hindi kakayanin ng mga lokal na pamahalaan gawin iyung trabahong ipinasa nila dahil sa pondo na lamang, dati na pong kulang.

ES: Opo. So, Governor pupuwede ho ba ito na mapigilan kung kayo po ay mabalik na po sa Senado? Kasi, napaka-importante, maging kawawa po rito parang ipinasa na ng lahat,  iyong pasanin sa LGU, sa bawat mga probinsya?

CHIZ: Executive order po lamang ‘yan. Puwede ‘yang i-reverse, palitan, i-amend at i-repeal ng susunod na presidente. Kung hindi man po ay mas matutugunan o masasagot ‘yan sa unang budget. Simple lamang po ang gagawin ng Kongreso, popondohan po ‘yung mga item na iyan at hindi po hahayaang manatiling zero sa budget ang mga dinevolve na proyekto tulad na lamang ng programa sa agrikultura, programa sa irigasyon, programa sa transportasyon, programa sa kuryente. Wala pong LGU na tatagal na pondohan po ang mga pagnanais at mga pangangailangan sa mga sektor na iyan.

ES: Opo. OK. Governor, ano pa po ba ‘yung mga agenda ninyo- mga legislative agenda dito po sa papasok na 19th Congress kung kayo po ay manalo? Pero, siyempre mukhang talagang mananalo kayo dahil nangunguna kayo sa mga survey. Hindi, sa mga survey talagang ano naman, kumbaga subok na kayo sa pagiging senador at talagang nagtatrabaho. Pero kung saka-sakali naman, ano po yung mga karagdagan pa na mga legislative agenda na isusulong po inyo, Senator?

CHIZ: Dalawang bagay iyong aspeto, Ely. Una, taunang budget dahil ang pinaka-importante at mahalagang batas na pinapasa ng Kongreso, Senado man o Kamara ay ang taunang budget.

‘Yan ang magsisilbing tulay para muling bumangon ang ekonomiya, bumalik ang mga trabahong nawala at malagyan ng karampatang pondo ang mga sektor at mga pangangailangan na dapat naman talaga pinagbibigyan ng pansin. At pangalawa, ang pagtitiyak dahil bahagi ng trabaho ng Kongreso ‘yan, na mapapanagot ang dapat managot ang nag-abuso at nagsamantala. Dahil sa panahon ng pandemya hindi katanggap-tanggap Ely, hindi masisikmura ng sinumang Pilipino ang anumang uri ng pagsasamantala na isinagawa ninuman- nasa pamahalaan man o nasa pribadong sektor habang naghihikahos, nawawalan ng trabaho, kulang sa makain at hindi makagalaw halos ang ating mga kababayan. It is simply wrong and unacceptable and I will not stand for it, Ely.

ES: Opo. OK, siyempre ngayon, talagang nakatutok din ang lahat dito po sa COVID response ng ating gobyerno dahil sa ito wala namang mag-aakala na darating ito. Papaano po papalapit na ang eleksyon? Ngayong election period na at actually umiiral na rin po iyong gun ban. Pero pagdating ng kampanya ay magkakaroon na ng mga pagbabawal ‘yan ‘di ba sa paggamit ng pondo. So, papaano po kaya ito Senator at maapektuhan ‘yung COVID response ng gobyerno kung saka-sakali kasi maraming kandidato ngayon?

CHIZ: Well, dapat pinlano na po nila ‘yan katulad sa aming lalawigan, Ely. Nag-early procurement kami para hindi abutan ng election ban ang bidding ng mga proyekto na kailangan dumaan naman talaga sa proseso para hindi po ma-delay ang anumang programa, proyekto at COVID response po ng aming lalawigan. Sa parte ng national government at bawat lokal na pamahalaan, ganyan din po sana ang kanilang ginawa. Alam naman nila na three years ago pa na may eleksyon, magkakaroon ng election ban at may mga paghihigpit at limitation ang puwedeng magawa ng kada-ahensya ng pamahalaan.

ES: Opo. OK. So, may binabanggit kasi, na-interview ko rin si Atty. Romy Macalintal kung saka-sakaling ganyan, puwede raw ipasa ‘yung ibang mga responsibilidad sa Philippine Red Cross kung sakali. Kasi, kung mga tungkol po sa pandemya, ‘yung mga pondo na hahawakan?

CHIZ: Possible ‘yun, Ely. Ang problema lamang, pribadong entity pa rin at korporasyon ang Red Cross. Nagkataon lang, nagtiwala tayo lahat at maaasahan talaga ang Red Cross. Pero meron pa rin pong prosesong pagdadaanan ‘yan. Subject pa rin po sa COA ‘yan. Bago maibaba ang anumang pondo sa isang pribadong asusasyon, organisasyon o korporasyon tulad po ng Red Cross.

ES: Opo. At siyempre alam naman po natin na hindi rin naging maganda ang relasyon sa Red Cross at ang Pangulo kasi baka magbatuhan lang ng mga alegasyon, Senator. At baka ang maging kawawa, taong-bayan, maipit.

CHIZ: Tama ka. Nasubaybayan natin lahat ‘yan, Ely, na nagbabatuhan na ng putik ang Senado at ang Malacanang. Hindi po magandang makita o tingnan sinuman ang nagsimula sa gitna ng pandemya na ang babangayan ang ating mga leader.

ES: Opo. Dito Senator sa mga pangyayaring ito, kasi lahat tayo nabulaga. Buong mundo ay may mga kailangan pa bang batas kung saka-sakali na magkaroon pa ng baka susunod pa na mga krisis na pangkalusugan o pandemya? Para naka-ready na tayong lahat at ang gobyerno at hindi na nabubulaga sa mga ganito?

CHIZ: Alam ninyo, mahigit walong taon na ang lumilipas. Naghain ng panukalang batas si Senator Miriam Santiago na nagbibigay sana ng sapat na kahandaan para sa ating bansa kaugnay ng mga pandemya tulad nito. Wala namang nag-aakala na mauulit muli ‘yung Spanish Flu na nangyari mahigit isang daang taon na ang lumilipas.

Pero kung naisabatas sana ‘yon, magbibigay ito ng kahandaan sa bansa natin at harapin anumang uri, kapareho man o magkakaiba na pandemya tulad ng COVID-19. Kabilang at pangunahing na doon Ely, ang pagpalakas sa RITM at sa surveillance disease section ng Department of Health. Para sa gayon ay maging handa tayo at mauna tayo pagdating sa kaalaman at paghanda kung may darating man na susunod pa na pandemya o susunod na naman na virus na kakalat sa buong mundo.

ES: Opo. So, dito po yung mga panukala na ‘yan ni yumaong Senator Miriam, yung Public Health Emergency, handa n’yo po bang isulong muli, buhayin ito Senator?

CHIZ: Opo. Dahil kinakailangan po ‘yan. Hindi lamang dahil may pandemya ngayon at sana patapos na. Pero para magkaroon tayo ng sapat na kahandaan din. Halimbawa na lamang Ely, nagulantang tayo na kailangan pala yung RT-PCR machine. Hindi lang naman ginagamit ‘yun para sa COVID. Marami pang ibang silbi ‘yan.

Makalipas ang dalawang taon hanggang ngayon, hindi pa rin tayo umaabot sa testing capacity na habol at kinakailangan natin. Imbes gawan ng paraan ng DOH at ni Sec. Duque ay tila kabaliktaran pa ang ginawa at binawasan pa ‘yung testing, nilimitahan pa ang testing at hindi na po hinire uli yung mga contact tracers na sa palagay ko ay maling direksyon. Hindi po istratehiya ang tawag diyan, Ely. Ang tawag diyan ay pag-abandona, pagtakbo pauwi at pagsuko na kaugnay ng pakikipaglaban natin sa pandemyang ito.

ES: Opo. Ako nga, pinipilit ko Senator ‘yung COVID home test kits sana aprubahan kaagad ng FDA kasi nagliparan na sa online. Para mabigyan ng proteksyon ‘yung ating mga kababayan na makakuha ng mga fake, dapat aprubahan na ito para tayo mismo alam na natin kung positive o hindi. Hindi na tayo–

CHIZ: Simple lang naman Ely, aprubahan nila ‘yung mga anti-gen kits na accurate na maaasahan. Pangalawa, para gamitin sa pangpribadong sector, hindi man opisyal tulad ng dala ng DOH. Pangalawa, ang halaga ng isang RT-PCR machine ay humigit kumulang sampung milyong piso. Bigyan mo ang kada-probinsya ng isa, wala pang isang bilyon ‘yun. Bigyan mo ng sampu ang kada-probinsya, wala pang sampung bilyon ‘yun. Sampung bilyon lamang, Ely. Ulitin ko, nilalamang ko dahil anim na trilyon ‘yung inutang natin. Ano ba naman ‘yung sampung bilyon para magkaroon tayo ng mass testing capability na libre sa bawat lalawigan ng ating bansa.

Sa buong Bicol halimbawa, dito, iisa lamang ang RT-PCR machine na libre. At ‘yun ay nasa Albay. Wala na pong ibang RT-PCR machine at lahat ng probinsya sa Bicol, anim po yun, pumipila dun sa Albay sa RT-PCR facility nila para magpatest kaya nahuhuli po ang testing, dalawa, tatlong araw ang hinahantay, pila pa. Ano ba naman po ‘yung sampung bilyon, kayang-kaya naman po ng pamahalaan ‘yun kung gugustuhin lamang talaga.

ES: OK. At siyempre ngayon panahon po ng eleksyon. Ano po ang nakikitang mga hamon sa pangangampanya sa gitna po ng pandemya, Senator?

CHIZ: Well obvious naman, hindi pa lumalabas ang guidelines ng COMELEC kaugnay sa anong klaseng kampanya ang papayagan nila. Pangalawa, maglabas man ng guidelines ang COMELEC, ang protocols at rules ng pagpasok at ng mga puwedeng gawin ay iba-iba sa kada ciudad at probinsya sa ating bansa.

Napakahirap pong mapahi nyan. At ang pinakahuling gustong mangyari ng isang kandidato, maging ugat pa siya ng pagkalat ng COVID sa isang lalawigan o siyudad na bibisitahin niya. Pangatlo, may dagdag na hamon din sa akin dahil national ang kampanya pero may trabaho akong kailangan gampanan dito sa Sorsogon. Kaugnay ng pagiging gobernador pa rin.

So, ika nga Biyernes Sabado Linggo, Sabado, Linggo lang siguro ako makakaikot sa ating bansa dahil sa dami ng papeles na kailangan parin pirmahan at bagay na kailangan na dapat tutukan bilang gobernador ng lalawigan. Hindi tulad ng ibang kumakandidato, Ely, na wala namang position pinanghahawakan at bente-kwatro oras pwede po silang mangampanya.

ES: Opo. Pero dito po kasi may mga agam-agam na baka talagang lalala ng husto ito pong kaso ng COVID. Baka hindi matuloy ang eleksyon? So, puwede ba ito Governor?

CHIZ: Illegal po, bawal, at unconstitutional ‘yan. Hindi po pinapayagan o kinikilala ng Constitution at mga election laws natin ‘yan. At nakita na po natin ‘yan sa America. Nag-eleksyon po sila sa kabila ng pagkakaroon ng mahigit dalawang daan hangga’t apat na daang libong kaso ng COVID kada-araw.

Natuloy at tinuloy po nila ang kanilang halalan. Nung una pa lang, ang sinabi ko na sa COMELEC na sana’y ikonsidera nila ang dalawa o tatlong araw na halalan para hindi mag-ipon ipon ang tao at magsiksikan at maging super spreader ‘yung araw ng eleksyon. Or ayusin nila yung mga presinto para kakaunti lamang ang nasa kada presinto upang sa gayon ay matuloy ang halalan ng maayos dahil importante man ang tugon natin sa pandemya. Importante din, Ely, na magkaroon tayo ng proseso para mapalitan at magkaroon ng mga bagong leader sa ating bansa, mula pangulo hanggang konsehal ng munisipyo.

ES: Opo. OK. At ‘eto ‘yung adulting video naman, kasama n’yo ang inyong may-bahay kung saan pinag-usapan niyo pala ‘yung mga money matters, pre-nup.

CHIZ: Nanonood ka, Ely ha.

ES: Ano ba ito para sa ating mga listeners at ating mga nanonood? Ang dami, ang dami ngayon sa ating Facebook Live dito sa VP Leni Robredo, kinukumusta po kayo. Ano ba ito, Senator? Iyong mga usapan na ganito, napakaganda rin sa ating mga kababayan ito.

CHIZ: Actually, nang nagsimula pa lamang ang YouTube ni Heart, nagsimula siya nang tinatawag na “Adulting with Chiz” na mga video. Kung saan nag-uusap lamang kami at nagtatanong siya ng ilang mga katanungan. Hindi siya scripted, Ely, para sa gayon mas normal at natural din ang mga kasagutan.

Ang mararaming nagkagusto mula nung una niyang ginawa, mahigit dalawa-tatlong taon na ang nakalipas kaya regular na rin po niyang ginagawa ‘yun. Depende na lamang kung ano ‘yung mga tanong na hihilingin o ang gustong malaman ng kanyang mga followers sa kanyang channel.

Malaking karangalan para sa akin Ely, ang maging bahagi nun at mabigay din ‘yung nasa isip ko kaugnay sa ilang bagay. At nakakataba ng puso na maraming natutulungan at nagpapasalamat.

ES: Ayon, OK. So, sa ngayon napakarami po ng ating mga mensahe na natatanggap dito po sa ating Facebook Live. At Senator, ano pong mensahe ninyo lalo na po maraming nakikinig at nanonood sa atin sa ibayong dagat, ‘yung ating mga kababayan doon na sumusubaybay dito po sa Pilipinas?

CHIZ: Well, tulad po ng sinabi ko, tanggapin nyo ang aking pagbati sa pagpasok ng Bagong Taon at sana maniwala at manalig tayo na matatapos, lilipas at magwawakas din ang pandemyang ito. Dalangin din natin sana mabigyan tayo ng pinag-ibayong lakas pa para harapin ang mga bago pang hamon at pagsubok na maaaring ibato sa atin ng tadhana bilang isang bansa, bilang isang lahi. Pero nandiyan palagi ang pinag-ibayong lakas, basta nagkakaisa, nagtutulungan at medyo binabawasan po natin ang away at bangayan.

Sa pagtatapos ng halalan at pagpasok ng halalan, sana wag po ninyong sayangin ang inyong kapangyarihan at karapatan na bumoto at pumili ng mga leader po na may kakayahan, na tunay na alam at kayang magbigay ng siguradong desisyon at siguradong aksyon sa mabibigat po nating problema. At dagdag ko pa Ely, sana pagkatapos ng eleksyon, huwag nating tingnan ‘yung ating katabi, kamag-anak o kaibigan depende sa kung sinong sinuportahan at binoto nya sa nagdaang halalan. Dahil ang mananalong presidente ng ating bansa na pagtitiwalaan ng mayorya ng mga Pilipino, siya po ay tatayo bilang pangulo ng bumoto at hindi bumoto sa kanya, ng gusto at ayaw sa kanya.

Ang sinumpaang tungkulin po nya, pagsilbihan ang bawat isa sa atin. Sa muli Ely, maraming salamat sa pagkakataon. Gayon din ang aking pagpapasalamat kay Vice President Leni sa pagkakataon na makausap kayo at maging bahagi ng inyong programa sa umagang ito. Pagbati na lamang muli, magandang umaga po at maraming salamat.