Pinasalamatan ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ngayong araw ang tandem nina Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza, na tumatakbo para sa pagka-presidente at bise presidente ayon sa pagkakasusunod, sa pag-endorso sa kanyang kandidatura sa Senado sa May 2022 National Elections.
“Ako po ay nagpapasalamat kay Senator Manny at kay Buhay Party-list Rep. Atienza sa pag-eendorso sa aking kandidatura. Salamat sa kanilang tiwala,” ani Escudero, na ninanais makabalik sa Senado, kung saan naglingkod siya nang dalawang buong termino.
“I am humbled by this endorsement by Senator Pacquiao. Alam mo na tunay na may puso siya para sa mahihirap at may palaging malinis na intensiyon para sa pagsulong ng ating bansa,” dagdag ni Escudero.
Inihain ni Escudero ang kanyang certificate of candidacy, sa pamamagitan ng kanyang election lawyer na si George Garcia noong Oktubre 1, ang unang araw ng paghahain ng COC ng mga kandidato para sa mga pambansa at lokal na puwesto sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay Escudero, muli siyang tumatakbo para sa Senado upang ialay ang kanyang mayamang karanasan bilang isang public servant sa susunod na administrasyon sa pagsolusyon sa bumabagsak na ekonomiya at lumalalang problemang pangkalusugan dahil sa COVID-19.
Kapag nahalal sa Senado, sinabi ni Escudero na kanyang isusulong ang mga batas na magpapalakas at magbibigay-kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan, lalo’t naranasan niyang maging gobernador ng Sorsogon.
“Dapat po na may sapat na representasyon ang LGUs sa Senado at ninanais ko po na ako ang unang maging kakampi at kapanalig nila,” ani Escudero.
Tumatakbo sina Pacquiao at Atienza sa ilalim ng ticket ng regional political party na Promdi o ang Probinsya Muna Development Initiative na itinatag ng yumaong Cebu Gov. Lito Atienza.
“Tayo naman ay nagkakaisa sa ating hangarin na makapaglingkod ng tapat sa ating mga kababayan regardless of our political affiliation. Tulad ng sabi ko, sa dami ng problemang kinakaharap natin, dapat po sama-sama, dapat po tulong-tulong,” ani Escudero na nagbalik kamakailan lamang sa Nationalist People’s Coalition.