CHIZ SA DOH: SOLUSYONAN ANG PANGINGIBANG-BANSA NG PINOY NURSES

 

Hinimok ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang Department of Health (DOH) na agad na tugunan ang pag-aalisan ng mga healthcare worker para magtrabaho sa ibang bansa kung saan mas maganda ang kanilang suweldo at mas maayos ang kanilang kondisyon sa trabaho.

Ginawa ni Escudero ang kanyang pahayag sa gitna ng pangamba na ang pangingibang-bansa ng mga Pinoy nurse ay maaaring maging sanhi ng tuluyang pagkaparalisa ng healthcare system ng bansa, lalo’t tumitindi ang pampublikong krisis pangkalusugan.

Bago ito, nagbabala ang Private Hospital Association of the Philippines (PHAPI) na maaaring magkaubusan ng hospital staff sa susunod na anim na buwan dahil marami sa mga ito ang naghihintay na lamang ang kanilang plane tickets paalis ng bansa.

Ang nasabing babala ng PHAPI ay nasabay pa sa pag-aalisan ng mga nurse at doktor mula sa mga ospital ng gobyerno dahil palaging naaantala ang pagbibigay sa kanila ng iba’t ibang allowance at benepisyo.

“Malubha na nga ang sitwasyon sa ating mga ospital ngayong pandemic, tapos nasasabay pa rito ang pag-alis ng ating mga health workers dahil, siyempre, kailangan nilang isaalang-alang ang kinabukasan ng kanilang pamilya. Para masagip ang ating healthcare system habang maaga pa, dapat na tugunan na agad ito ng ating health authorities,” ani Esudero na isang beteranong mambabatas.

Ayon kay Escudero, nangunguna ang Pilipinas sa pagkakaroon ng magagaling na nurse subalit dalawa sa bawat limang nursing board passers ay iniiwan ang kanilang propesyon dito upang mag-abroad.

“Ang ating mga nurses ay overworked, underpaid, at unprotected lalo na ngayong pandemic,” ani Escudero. “Kung magtatagal pa ito, baka tumaas ang tyansa na maparalisa ang ating healthcare system at maantala ang serbisyo publiko. Buhay nila at buhay ng ating mga kababayan ang nakataya rito.”

Sa isang pag-aaral, lumalabas na ang mid-level nurses sa Pilipinas ang may pinakamababang suweldo sa Php40,381 kada buwan kumpara sa limang bansa sa ASEAN: Vietnam, Php67,000; Indonesia, Php79,000; Thailand, Php83,000; Malaysia, Phpp97,000; at Singapore, Php263,000.