CHIZ: HINAY-HINAY LANG SA PLANONG PAGPARUSA SA LGU PARA LANG MAABOT ANG NAT’L VACCINATION TARGET

 

Nanawagan si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa pambansang gobyerno na maghinay-hinay sa plano nitong pagparusa sa mga lokal na pamahalaan na hindi makakayang mapabilis ang kanilang programa sa bakuna at hindi magagawang abutin ang kanilang target sanhi ng mga problema sa logistics at manpower.

Sinabi ni Escudero na hindi patas ang gobyerno kung paparusahan ang mga lokal na pamahalaan na sa tingin nito’y “mabagal” sa pagbabakuna sa kani-kanilang nasasakupan para lang maabot ang national target na 1 milyon o higit pang doses kada araw.

“Maging makatarungan sana sila sa panahong na binibigay sa amin,” anang beteranong senador sa isang panayam sa radyo kung saan kanyang iniisa-isa ang mga problema na nakakaapekto sa vaccination program sa iba’t ibang lokalidad.

Idinagdag niya na inabot nang walong buwan ang National Capital Region (NCR) sa pagbakuna sa 88% ng populasyon nito kung kaya hindi naman makatuwiran na bigyan lang ng dalawang buwang palugit ang mga lokal na pamahalaan para makompleto ang kani-kanilang vacciation program, lalo’t may mga probinsiya pa ngang hindi nabibigyan ng mga bakuna.

“Walong buwan ang Metro Manila bago narating ang porsyentahing ‘yan,” ani Escudero. “Ang binibigay sa amin matapos kaming bigyan ng sapat na bilang o doses ng bakuna ay humigit kumulang tatlong buwan lamang hanggang December 15. So, pagtabihin mo man ‘yon kahit kailan walang magsasabing makatarungan ‘yung comparison na ‘yun.”

“Kung tinigang ninyo kami sa bakuna noon tapos ngayon biglang bubuhusan ninyo kami ng bakuna at hinuli ninyo kami sa lahat, biglang mamadaliin ninyo kaming tapusin ng Disyembre? Halos imposible naman yata ‘yun dahil pagtagpi-tagpiin mo man, mas maraming duktor, nurse, midwife sa NCR at mayayamang siyudad kumpara sa mga lalawigang hindi tulad nila,” pagbibigay-diin ni Escudero.

Pinatotohanan pa ni Escudero, bilang gobernador ng Sorsogon, na noong nagsimula ang pagbakuna sa NCR, nasa 1,000-2,000 doses lang kada linggo ang natatanggap ng kanilang probinsiya.