Nananalig si Sorsogon Governor Chiz Escudero na ang pilot run ng limited face-to-face classes na pinayagan ng Department of Education (DepEd) simula November 15 ay gagawin din sa mga COVID-free area habang nagtutuloy-tuloy ang pagbuti ng krisis pangkalusugan sa buong bansa.
Kasabay nito, pinasalamatan ng dating senador ang DepEd sa pagsama sa Buenavista Elementary School sa Sorsogon City sa napiling 100 elementary schools para sa nationwide pilot run.
“Kami sa lalawigan ng Sorsogon ay nagpapasalamat sa DepEd pagkakasama ng isa nating paaralan para sa pilot run ng limited face-to-face learning. I hope they could eventually expand the list and include more schools from Sorsogon,” ani Escudero.
“Matagal ko nang panawagan sa IATF at sa DepEd na sana ay mas palawakin pa ang limited classes na ito. Katulad sa amin dito sa Sorsogon, mahigit 50 porsyento ng barangays ay hindi naman apektado ng COVID-19. Pwedeng magklase subject to rigid health protocols,” pagbibigay-diin niya.
Nagbigay na ng go signal si Presidente Rodrigo Duterte na payagan ang ibang paaralan na makasali sa pilot run at hinihimok naman ng DepEd ang mga eskuwelahan sa buong bansa na simulan na ng mga ito ang self-assessment bilang paghahanda sa pagpapalawig pa ng face-to-face classes.
Iniulat ng Sorsogon Provincial Information Office (SPIO) sa gobernador na naging maganda ang takbo ng pagbubukas ng pilot classes noong Lunes kung saan pumasok ang 30 estudyante ng Grades 1-3 o 10 kada grade.
Pinakitaan din ng SPIO ang dating senador ng mga litrato ng balik-eskuwela halos dalawang taon mula nang magkapandemya sa bansa noong March 2020.
“Ang nasabing pilot face-to-face classes sa nag-iisang elementary school sa lalawigan ay pinaghandaan ng mga magulang at mga guro sa pamamagitan ng pagpapabakuna at patuloy na pagsunod sa standard health protocols na ipinapatupad ng local na pamahalaan, DOH at IATF,” ang laman ng ulat ng SPIO kay Escudero.