Nag-top 3 si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa listahan ng “most preferred senatorial candidates” sa pinakabagong pre-election survey na ginawa ng Pulse Asia mula October 28 hanggang November 1, 2021.
Si Escudero, na naglingkod sa Senado simula 2007-2019, ay nakakuha ng 57.3% voter preference at sinusundan ang mga nangungunang sina broadcast journalist Raffy Tulfo (68.4%) at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano (59.9%).
Sa nasabing survey, pinapili ng Pulse Asia ang mga respondent ng 12 senatorial aspirants na kanilang iboboto kung ngayon idaraos ang May 2022 elections.
Noong nakaraang linggo, pumangalawa naman si Escudero sa survey na isinagawa Social Weather Station mula October 20-23 kung saan 51% ng mga respondent ang nagsasabi na iboboto siya sa May 2022 National Elections.
Si Escudero, na tumatakbo sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition, ay nag-number 1 sa Third Quarter PAHAYAG survey ng Publicus Asia kung saan 60% ng mga respondent ang nagpahayag na iboboto siya sa eleksiyon sa susunod na taon.
Ang pagtakbo sa Senado ng beteranong mambabatas ay sinusuportahan ng tandem nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto, ng grupo nina Sen. Manny Pacquiao at BUHAY Party List Rep. Lito Atienza, at pati nina Vice Pres. Leni Robredo at running mate nito na si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.