PANUNTUNAN PARA SA 3-DAY VACCINATION DRIVE SA SORSOGON, INISYU NI CHIZ

 

Nilagdaan ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang Executive Order (EO) 32-2021 na naglalaman ng mga panuntunan para sa lahat ng lokal na pamahalaan ng probinsiya sa pagsuporta sa “Bakunahan, Bayanihan National COVID-19 Vaccination Days” mula Nobyembre 29-Disyembre 1.

Sa EO, pinagtibay ni Escudero ang buong pagsuporta ng pamahalaan ng probinsiya sa tatlong araw na vaccination drive sa buong bansa sang-ayon sa Presidential Proclamation 1253 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa nasabing tatlong araw na kampanya sa bakuna, tina-target ng pamahalaan na mabakunahan ang tinatayang 15 milyong kuwalipikadong Pilipino sa lahat ng lugar sa bansa.

“Buong-buo na sinusuportahn ng pamahalaan ng probinsiya ng Sorsogon ang tunguhing ito at nilalayong gabayan ang operasyon nito sa probinsiya na dati nang naglabas ng mga panuntunan sa kung papaano mapapabilis at mapapalawak ang pagbabakuna sa lokal,” anang gobernador sa EO na pinirmahan niya noong Miyerkules.

Inatasan ni Escudero ang lahat ng alkalde na suportahan ang programa at himukin nila ang lahat ng tanggapan at ahensiya ng lokal na pamahalaan na magtalaga at/o payagan ang lahat ng kani-kanilang healthcare workers sa sumali sa aktibidad.

Base sa EO, tina-target ng probinsiya na bakunahan ang 53,586 na mga Sorsoganon araw-araw sa 14 munisipalidad at isang lungsod sa tatlong araw na vaccination drive.

Sa huling numero noong Nobyembre 23, nabakunahan na ng Sorsogon ang 60% ng target population nito o katumbas nang 356,433 indibidwal.

“Patuloy ang ating maigting na kampanya upang makahikayat pa ng mga magpapabakuna at nang mas tumaas pa ang bilang ng mga bakunado sa lalawigan bago matapos ang kasalukuyang taon,” ani Escudero.