Nangangamba si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa patuloy na pagdami ng mga pribadong ospital at pati na ang tinatawag na “tertiary hospitals” na nagkakalasan sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil sa daan-daang milyong pisong pagkakautang ng ahensiya.
Nananawagan si Escudero sa PhilHealth, na may hawak ng National Health Insurance Program ng bansa, na resolbahin na agad nito ang problema sa unpaid claims upang maiwasan ang pagkakalasan ng mga ospital at upang maipakita rin nito ang kakayanan sa pagpapatakbo ng programa na napakaimportante para sa kalusugan ng mga mamamayan.
“Papaano mabibigyan ng universal health care ang mga Pilipino kung patuloy na nilalayasan ng mga ospital ang PhilHealth? Siguradong mapipilayan dito ang pagpapatupad ng Universal Health Care Act dahil importante ang private hospitals sa pagkakaroon ng masasandigang health service provider network, lalo na sa mga siyudad at bayan na walang public tertiary hospitals,” ani Escudero.
Kahit na nagbibigay ang mga ospital ng dokumentasyon para makapag-reimburse sa PhilHealth ang mga pasyente, hindi naman ito uubra para sa mahihirap na pasyente na walang kakayanang magpaluwal sa kanilang gastusing medikal, anang gobernador at senatorial aspirant.
“Kung ang mga malalaking ospital mismo ay pipiliing kumalas sa PhilHealth dahil hindi sila makasingil, paano pa ang mga mahihirap na walang koneksyon o panahon para mag-follow up ng mga claims nila? Kaya nga tayo may PhilHealth para mabawasan ang babayaran natin at hangga’t maaari ay walang out-of-pocket expenses ang mga pasyente,” aniya.
Nitong umpisa ng buwan, pitong malalaking ospital sa Iloilo ang kumalas sa PhilHealth dahil may utang sa kanila na Php545 milyon ang ahensiya habang sa Metro Manila naman, ang Far Eastern University-Dr. Nicanor Reyes Medical Foundation ang unang pribadong hospital na hindi nag-renew ng accreditation sa PhilHealth dahil sa unpaid claims na nagkakahalaga ng Php200 milyon.
Nagbabala ang Private Hospitals Association of the Philippines Inc. na may mga ospital sa Quezon, Isabela, at General Santos ang inaasahang kakalas na rin sa PhilHealth sa kaparehong rason at nangangahulugan lamang ito na lalong darami ang mga pasyente sa buong bansa ang kailangan munang magbayad nang buo bago isauli ng PhilHealth ang kanilang pera.
“Kailangang ma-explain ng PhilHealth kung bakit nagkakautang-utang sila sa mga ospital. May budget naman sila para magawa nila ang kanilang mandato na siguruhin ang kalusugan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng insurance coverage at dito pa naman nakaangkla ang health reforms na nilalaman ng UHC Act,” ani Escudero.