Makaraan ang pagsasabatas ng Republic Act 11215 o ang “National Integrated Cancer Control Act” noong Pebrero 14 dalawang taon na ang nakalilipas, sinabi ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat tiyakin ng pambansang gobyerno na maibibigay at makararating ang ipinangakong tulong-pinansiyal sa sinumang pasyenteng may kanser na nangangailangan nito.
Ayon sa dating senador, dapat trabahuhin ng Department of Health (DOH) ang agarang paglabas ng Php529.20 milyong Cancer Assistance Fund para sa gastusin sa paggamot ng kanser at iba pang kasama rito tulad ng diagnostics at laboratories.
“Dalawang taon na tayong nakatutok sa COVID-19 ngunit huwag nating kalimutan na ang kanser ay nananatiling isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino. Ngayong pandemya, lalong humirap at lumala ang kondisyon nga mga may kanser dahil sa kakulangan ng mga ospital na kaya silang tanggapin sa gitna ng pandemya,” ani Escudero na nagbabalik-Senado.
Mula Enero-October 2021, natukoy na pang-apat ang kanser sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa sumunod sa ischemic heart diseases, cerebrovascular diseases, at mga kamatayang sanhi ng COVID-19, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Binigyang-diin ni Escudero na ang kondisyon ng mga indibidwal na may kanser ay lubhang napakadelikado kapag nagka-COVID-19 sila kumpara sa mga pasyenteng may COVID-19 pero walang kanser, base sa isang ulat ng Cancer Coalition of the Philippines.
“Habang patuloy tayong namumuhay sa ilalim ng hindi matapos-tapos na health crisis, hindi natin puwedeng ipagsawalang-bahala ang mga kagyat na pangangailangan ng mga cancer patients at pati na mismo ang mga nag-aalaga sa kanila na ang iba’y nawalan din ng trabaho dahil sa pandemya. Dapat tiyakin natin, lalo’t napakahirap ng panahong ito, na makukuha nila ang kanilang mga gamot at lunas nang mabilis at libre,” ani Escudero.
Bukod sa Cancer Assistance Fund, mayroon ding inilaang Php786.956 milyon ngayong 2022 para sa Cancer Control Program kung saan gagamitin ang pondo na pambili ng mga medisina at ibang gamot laban sa kanser habang mayroon pang Php33.68 milyon para sa Philippine Cancer Center na tungkuling pangunahan ang cancer research sa bansa.
“Oras po ang isa nating kalaban sa sakit na ito at alam ‘yan ng mga mismong may sakit at pati na ng mga nag-aalaga sa kanila. Ang isang araw na pagpalya sa pag-aruga sa kanila o sa pagbibigay sa kanila ng cancer treatment is one day closer to death. Isaisip at isapuso sana ito ng DOH upang maging mabilis sila implementasyon ng batas,” ani Escudero.
Ang kasalukuyang buwan ay National Cancer Awareness Month.