Isa na namang grupong politikal mula sa Bicol, ang Bayani Hanggang Wakas (BHW) Partylist, ang nadagdag sa lalo pang lumalakas na boses ng pagsuporta sa kandidatura ni Sorsogon Governor Chiz Escudero para Senado.
Sa isang pahayag, sinabi ng party list na nakabase sa Legaspi City na iniendorso nito ang balik-Senado ng beteranong mambabatas dahil sa kanyang epektibong pamamahala laban sa COVID-19 sa buong probinsiya ng Sorsogon.
“Inihahayag ng BHW Party-list ang aming buong pagsuporta sa pagbabalik sa Senado ni Governor Francis ‘Chiz’ Escudero. Kaisa niya kami sa kanyang pagnanais na makatulong sa pagsolusyon sa mga problemang pangkalusugang dulot ng pandemya,” anang grupo na ang adbokosiya ay “Sigurado ang Kalusugan ng Barangay.”
“Ang kanyang di-matatawarang paglilingkod bilang senador nang dalawang magkasunod na buong termino bago siya naging gobernador ng probinsiya ng Sorsogon ay nagbigay-dunong at karanasan sa kanya pagdating sa paggawa ng mga batas at sa pamamahalang lokal na makatutulong nang malaki upang lalo niyang mapagsilbihan ang mga mamamayan kapag nahalal uli siyang senador, dagdag nito.
Kinakatawan ng BHW Partylist, na kabahagi sa Halalan 2022, ang mga barangay health worker, medical frontliner, at ang mga marginalisadong mamamayan.
Buo ang kompiyansa ng party-list group na magkakaroon uli ang Senado ng isang napakahusay na mambabatas dahil sa magandang track record ni Escudero bilang isang senador noon at bilang isang gobernador ngayon.
Nito lamang huli, nakuha rin ni Escudero pag-endorso ng mga party-list group sa Region 5 na Alliance for Resilience Sustainability and Empowerment (ARISE) at Kusog Bikolandia, at pati na ng iba pang malalaking party list tulad ng An Waray at Magdalo. Sinuportahan din ng Federation of Free Farmers (FFF), isang non-government organization na kinabibilangan ng 200,000 miyembro, ang kanyang muling pagtakbo sa pangka-senador.
Si Escudero ay kinuha sa senatorial slates ng mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza.
Personal din siyang pinili ni UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte at pati na ng mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP.