CHIZ: SORSOGON MAGTATAYO NG TAHANAN PARA SA LGBT MEMBERS NA WALANG TIRAHAN

 

Malapit nang magkaroon ng tahanan sa Sorsogon ang walang tirahan at mga abandonadong miyembro ng lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT).

Inanunsiyo ni Sorsogon Governor Chiz Escudero noong Huwebes na matutupad na ang kanyang pangarap na proyekto para sa mga abandonado at matatandang miyembro ng LGBT community dahil mayroon nang lupa ang pamahalaang probinsiya na mapagtatayuan ng santuaryo para sa mga gay.

“Malapit nang maitayo sa Sorsogon ang isang ‘Home for Homeless Gays’,” ang post ng beteranong mambabatas sa kanyang Twitter account.

Si Zaldy Jebulan, isang mabuting Samaritano na taga-Sorsogon City, ang nag-donate sa pamahalaang probinsiya lupa sa Bgy. Roro bilang pagsuporta sa proyekto ni Escudero para sa gay community na parte ng kanyang adbokasiyang “Diversity and Inclusion.”

Nagpasalamat ang beteranong mambabatas sa kagandahang-loob ni Jebulan at sa pagsuporta nito sa pagnanais ng pamahalaang probinsiya na maisulong ang kapakanan ng lahat ng tao sa Sorsogon.

Nilalaman ng Deed of Donation ang bukas-palad na pagkakaloob ni Jebulan ng kanyang lupa upang maumpisahan na ng pamahalaang probinsiya ng Sorsogon ang pagtatayo ng isang tahanan para sa mga “homeless gays” na may kalsada diretso sa highway.

“Thank you, Mr. Zaldy Jebulan, sa inyong donasyong lupa kung saan matutupad na rin sa wakas ang aming bisyon/plano,” ang isinulat ng gobernador sa Twitter nang ibahagi niya ang mga litrato ng pirmadong Deed of Donation.

Si Escudero, na kumakandidato bilang senador sa Halalan 2022, ay matagal nang tagasuporta ng LGBT community at tagapagsulong ng pantay-pantay na oportunidad para sa lahat na hindi pinagbabasehan ang oryentasyong sekswal, paniniwalang pangrelihiyon, at kinaaanibang politika.

Noong senador siya noong 17th Congress, sinuportahan ni Escudero ang pagpasa ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Bill o kilala rin bilang

Anti-Discrimination Bill. Bago ito, noong 16th Congress, naging co-author naman si Escudero ng Senate Bill No. 2358, ang naunang bersiyon ng Anti-Discrimination Bill na naglalayong ituring na krimen laban sa humanidad at dignidad ng tao ang anumang uri ng diskriminasyon sa lipunan.