Ninanais ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na maging top producer ng abaca ang probinsiya sa likod ng pagbubukas ng bagong gusali at pasilidad ng Philippine Fiber Industry and Development Authority (PhilFIDA) sa bayan ng Juban kamakailan.
Ayon kay Escudero, makatutulong sa pagpapalawak ng pag-aaral tungkol sa abaca ang makabagong PhilFIDA tungo sa pagbabalik ng Sorsogon bilang top contributor sa produksiyon ng abaca sa buong Bicol.
Bukod sa bagong office building, ang bagong PhilFIDA complex sa Bgy. Cogon, mayroong bagong Sorsogon Tissue Culture Laboratory at apat na ektaryang abaca nursery farm. Ang PhilFIDA ay isang ahensiya sa ilalim ng Department of Agriculture.
“’Yung provincial nursery, more or less four hectares ‘yun kung hindi ako nagkakamali, ay inuumpisahan na. Talagang aayusin namin ito to maximize its potential. Plano namin dito na maging model and demo farm para sa Provincial Agriculturist Office at saka para sa seedlings ng Provincial Environment and Natural Resources Office,” ani Escudero.
“Minsan, dadalaw pa rin ako rito para makita pa kung ano ‘yung pwede kong magawa para gumanda pa at baka may mapulot akong aral sa inyo na mga eksperto at scientists at sa inyong Tissue Culture Laboratory,” dagdag ng beteranong mambabatas na kumakandidato sa Halalan 2022 para sa bagong anim na taong termino sa Senado.
Ang tissue culture ay isang makabagong teknik sa pagtatanim para makalikha ng maraming punla, umaabot nang hanggang 1,000, mula sa isang abaca sucker lamang, ayon kay PhilFIDA Regional Director Mary Anne Molina na nagsabi rin na magbibigay ang kanilang ahensiya ng technical assistance tungkol sa tissue culture sa mga magsasaka ng abaca sa probinsiya at iba pang stakeholder.
Ang complex ay bukas para sa mga magsasaka ng abaca, negosyante, researcher, at maging sa mga turista.
Ang abaca nursery farm at ang laboratoryo ay pinondohan ng pamahalaang probinsiya kung kaya pinasalamatan ng PhilFIDA regional director si Escudero para sa bagong simula ng probinsiya sa paghataw sa paglikha ng abaca.