Napakahalaga ng mas pinalaking pamumunuhan ng pibadong sektor sa iskemang Public-Private Partnership (PPP) ng pamahalaan para sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya at dapat na maging prayoridad ito ng susunod na administrasyon, ayon kay senatorial candidate at Sorsogon Governor Chiz Escudero.
“Dapat na humataw nang todo ng susunod na administrasyon pagdating sa PPP/BOT (Build-Operate-Transfer) nang sa gayon ay maipagtuloy ang paggawa ng mga kinakailangan pa nating imprastruktura at pati na ang Build, Build, Build na maganda naman. Kung sino man ang mamumuno sa bagong administrasyon, sana’y subukan nila gawing mas maging kaengga-enganyo ang PPP sa pamamagitan ng pagtupad sa mga naipangako sa private sector partners na mga insentibo ng programa nang hindi nadedehado ang ating taxpayers,” ani Escudero.
Sa ilalim ng batas, pinapayagan ang mga pribadong kompanya na puhunanan ang pagtatayo ng mga pampublikong imprastruktura kung saan sila na muna ang magpapatakbo sa loob ng itinakdang panahon bago nila ito ibigay sa gobyerno. Ang mga mamamayan ay nagbabayad sa paggamit ng serbisyo.
Ayon sa PPP Center, mayroong nakalinya sa kasalukuyan na 63 PPP projects na nagkakahalaga ng Php22.9 bilyon at ito ay ang Clark Tourism Enterprise Zone; San Pablo City Water District Septage Management; Metro Cebu Expressway; General Santos Sanitary Landfill; at ang operasyon at pag-maintain ng Pasig City Hemodialysis Center.
“Kinikilala naman ang private sector na isang pangunahing tagapagtulak ng pagsigla ng ekonomiya, na mas kailangan natin sa ngayon higit kailanman, lalo’t nakatutok at nakabuhos ang resources ng pamahalaan sa pagtugon sa hindi matatapos-tapos na health crisis. Saktong-sakto kung totodo ngayon ang pribadong sektor upang muling mapasigla ang ating ekonomiya,” ani Escudero.
Binigyang-diin ng beteranong mambabatas na magiging posible lang ang pagsali ng pribadong sektor sa mga pampublikong proyekto kung katiwa-tiwala ang gobyerno kung kaya napakahalaga ng 2022 National Elections sa pagbangon ng bansa matapos ang pandemya.
“Kung walang pera at baon sa utang ang gobyerno, may pera ang private sector at ang mga banko na pwedeng i-tap ng bagong administrasyon. Mas mainam ang option na ito kaysa magtaas na naman ng buwis na magiging pasanin na naman ng mga ordinaryong Pilipino,” aniya.
Nakalagay sa batas ang mga insentibo para sa pribadong sektor na kasali sa PPP, kabilang dito ang tax incentives at government subsidies at pati na ang minimal na regulasyon, at maaari pa, aniya, itong pagandahin subalit kinakailangan ding tingnan, aniya, ang pag-amyenda sa Build-Operate-Transfer Law upang malagyan ito ng probisyon na magbibigay-proteksiyon sa mga Pilipino mula sa mga tagang-singil sa paggamit ng mga naitayong pampublikong imprastrukura sa ilalim ng PPP.