Nag-number one si Sorsogon Governor Chiz Escudero mula sa hanay ng senatorial candidates ngayong Halalan 2022 sa isang bagong survey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP).
Sa isang pahayag na inilabas noong Martes, sinabi ng CEAP na si Escudero, na isang beteranong mambabatas, ay pinili ng 56% ng 3,089 respondents, na kinabibilangan ng mga mag-aaral, guro, pinuno at administrador, empleyado’t manggagawa, alumni, at iba pang tauhan na nasa age groups na 18-25, 26-35, 36-45, 46-55, at 56 pataas, sa isinagawang survey noong Enero 24-Pebrero 4, 2022.
Ang CEAP ay may mahigit 1,525 member-schools at may lampas 120 superintendents mula sa iba’t ibang Catholic schools sa bansa. Ayon sa asosasyon, makatutulong sa kanila ang nakalap nilang datos mula sa survey para sa pagsasagawa nila ng mga programa at aktibidad na may kinalaman sa halalan.
Si Escudero, na nagbabalik-Senado sa halalan sa Mayo 9, ay hindi natitinag sa kanyang numero unong puwesto bilang kandidato sa pagkasenador sa iba’t ibang pre-election surveys.
Nitong linggo lamang, numero uno ang naging ranggo ni Escudero sa pinakabagong Publicus PAHAYAG survey kung saan pinili siya ng 50.7% ng 1,500 respondents.
Isang dating senador sa loob ng dalawang termino, si Escudero ay tumatakbo na kabilang sa mga dala-dalang plataporma ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan at pagtulong sa pagbangon ng bansa mula sa mga epekto ng pandemya.
Si Escudero ay kinuha sa senatorial slates ng mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza.
Personal din siyang pinili ni UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte at maging ng mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP.
Sinusuportahan din ng mga party-list group ang kanyang pagbabalik-Senado at kabilang dito Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, Kusog Bikolano, at Magdalo.
Maging ang Federation of Free Farmers (FFF) na may 200,000 miyembro ay suportado rin ang pagtakbo ni Escudero para sa Senado.