STRAIGHT TO THE POINT

 

ATTY. RUPHIL BANOC (RB): Senator Chiz, maayong buntag!

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Atty. Ruphil maayong buntag, sa lahat ng listeners po natin maayong buntag, good morning! Kumusta na po kayong lahat?

RB: OK lang kami. Kumusta po kayo Governor ng Sorsogon?

CHIZ: OK naman, Ruphil! Unang pagikot ko’y dito sa kampanyang 2022, unang-una kong pinuntahan ang Cebu dahil hindi ako masyadong nakakapagikot dahil sa trabaho ko bilang Governor din ng Sorsogon.

RB: Oo, pero sa tingin ko kung hindi ka na magiikot OK naman ‘yung rating ninyo. Sigurado naman kayong babalik sa Senado, Senator.

CHIZ: Kailangan pa rin Atty. Ruphil kasi gusto kong makita ang iba’t ibang lugar ng ating bansa at ng malaman ang gagawin at gaya na sa pinaguusapan natin kanina bakas pa rin at kitang-kita pa rin ang epekto ng Bagyong Odette dito sa Cebu na marapat tugunan ng pamahalaan.

RB: Kumusta po ang epekto doon sa inyo?

CHIZ: Hindi kami ganoon tinamaan, Atty. Ruphil. Sa katunayan nagbigay ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon sa mga probinsyang tinamaan ng Bagyong Odette. At nagpadala rin kami ng personnel sa ibang mga lalawigan na malapit sa amin na tinamaan ng Odette.

RB: Pero ‘yung bumisita si VP Leni doon sabi niya OK lang daw pag, ‘yung tagalog term, lilisanin ninyo ‘yung Sorsogon dahil napaka-epektibo ng iyong pamumuno doon at bilang governor pero mas kailangan daw kayo sa Senado, Senator Chiz?

CHIZ: Nagpapasalamat ako kay VP Leni sa kanyang pag-endorso pero ‘yun naman ang isa sa mga rason ba’t ako muling tumatakbong pagka-Senador, Atty. Ruphil. Nakita ko na kahit anong galling, talino, o talento ang ibuhos ko sa aming lalawigan bilang Gobernador kahit mag-tumbling at magsasayaw pa ako at mag sirko, may hangganan ang mararating naming kung hindi aangat ang iba’t ibang lalawigan at ang buong Pilipinas dahil sa pandemyang ito.

RB: ‘Yung galing ka Senado nagpunta ka doon bilang isang governor ang daming changes na ginawa mo, ‘yung ISO, pati ‘yung iba pang, puwede ba namin malaman, Mr. Senator?

CHIZ: Otsenta porsyento na ng aming barangay nakonektahan na naming ng sementadong kalye, nag-ISO Certification kami, ang buong pamahalaang panlalawigan pang-anim lamang sa buong bansa out of 81 provinces. Inayos namin ang siyam na ospital at kami ang nangunguna sa pagpapatupad ng UHC Universal Health Care Law kung saan sa ngayon pa lamang ay libre ang lahat ng ospital namin kapag ikaw ay mako-confine, at pagpasok ng e-Konsulta fund ng UHC Atty. Ruphil pati out-patient ay ililibre na rin naming ibig sabihin ‘yung pagbibigay ng diabetes na gamot, hypertension, nagbubutis, nagpapasusong mga nanay, mga zero to five na mga bata, may asthma, may AIDS, libre na po ang maintenance medicine nila mula sa aming lalawigan.

RB: Ang ano, ‘no? Ang lawak dahil province na ito, you’re talking about province.

CHIZ: Province ang pinaguusapan natin. Ang populasyon naming at humigit kumulang 1.1 million na, Atty. Ruphil.

RB:  Kaya ba itong gagawin sa ating bansa, Senator Chiz?

CHIZ: Kaya kung magko-comply lamang sa requirements ng UHC. Gaya ng nasabi ko, kami ang nangungunang probinsiya kung saan ang UHC ay maipapatupad at ito ang makikita ninyo sa batas na ipinasa pa po namin noong ako ay nasa Senado.

RB: Oo nga ano. Itong ISO ninyo kaya bang gagawin sa iba rin?

CHIZ: Dahil pandemya, Atty. Ruphil, parang nag-exam kami. Parang nag-thesis defense kami. Parang bumalik ako sa kolehiyo. Pero kaya at nakapaganda ng epekto dahil naging mas epektibo iyong aming serbisyong ibinibigay sa aming  kababayan. Umikli ang mga proseso at kung may magnanakaw na empleyado, Atty Ruphil napakadaling makita at mahuli.

RB: Papaano ba? May example ka nito sa ISO ninyo at effective?

CHIZ: Ginawa namin ang proseso at lahat ng pamamaraan ng pamahalaan. Halimbawa, iyong pinakakumplikado kung paano gawin iyong annual investment program. May kumpletong step-by-step program na ginawa ang probinsiya kung paano makamit iyan. Pati Atty Ruphil, iyong paglinis ng aircon kada anim na buwan sa lahat ng building ng capitol ng pamahalaang panlalawigan, naka-schedule din iyon. Naka-identify. Iyong paghugas ng sasakyan, iyong pag-change oil. May sistema rin po iyon at may checklist para malaman na nagawa nga ba o hindi. Kung iyong maliit na bagay, Atty. Ruphil, may sitema, ano pa kaya iyong mas malaking mga bagay. Kabilang na ang mga trabaho ng Treasurer’s Office, Administration’s Office. Lahat iyan ng mga frontline offices naming, mas bumilis ang aming serbisyong nabibigay sa aming mga kababayan.

RB: Senator Chiz, naka-live po pala tayo ngayon sa himpilan natin na iFM. Nasa kabilang booth. Si DJ Mikee at iyong mga anchors natin diyan.

CHIZ: Walang kitaan ng mukha ngayon, Atty. Ruphil, kasi may mask lahat e.

RB: Baka pagkatapos ng interview pupunta ka muna doon sa iFM booth para picture taking lang siguro.

CHIZ: Yes, yes.

RB: So, itong mga napakagandang ginawa ninyo doon sa Sorsogon. Parang three years lang kayong nakaupo doon pero parang na-overhaul mo?

CHIZ: Napakinabangan namin ang pandemya, Atty. Ruphil. Na maraming sarado. Pero, habang sarado, hindi naman nagsara ang pamahalaang panglalawigan so, mas nakagalaw kami. Kahit iyong mga infrasracture projects, mas nagawa naming dahil walang pasok- walang eskuwela. Walang masyadong taong lumalabas. Kahit iyong mga kalye nagawa namin na walang sagabal at walang problema at mas mabilis.

RB: Iyong iba, ang sabi dahil pandemic, hindi makagalaw, pero iba ang nangyari doon sa inyo. Parang ginawa mong positive ang lahat na ng mga pangyayari.

CHIZ: Para sa gayon ay hindi maapektuhan iyong hanapbuhay at pangkabuhayan ng aming mga kababayan. So, tuloy ang suweldo lalong lalo na sa construction. Nagkaroon ng construction doon sa amin, Atty. Ruphil kung saan sumabay iyong private sector noong nakita nila na maraming kalye na ginagawa noon. Nakita nilang maraming gusaling ginagawa. Sumabay na rin sila at naengganyo na rin sila. Sa kabila ng pandemya, hindi nagutom ang aming mga kababayan dahil iyong trabaho- sa construction nga lang ay palaging nandoon at bukas para sa kanila.

RB: Mabuti at ikaw proven ka naman dito sa legislative function mo bilang isang senador tapos dito ka sa executive function buti na lang hindi ka sabihin mo na lang dito na lang ako sa executive.

CHIZ:  Dumami yung puting buhok, Atty. Ruphil. Mahirap na dahil si Heart, ‘yung asawa ko nasa Maynila, ako nasa probinsiya palagi baka pag uwi ko baka may iba ng tsinelas sa bahay.  So maganda nang malapit pa rin sa pamilya at mahal mo sa buhay.  Pagbaliktarin man.

RB: Oo pero sa tingin mo pagkaiwanan mo ‘yung Sorsogon baka ‘yung mga tao diyan parang ano din?

CHIZ:  Iyan ang tinitiyak ko ngayon, Atty. Ruphil. Maski ‘yung papalit sa akin na ipagpatuloy ang aking ginawa huwag nang bumalik sa dating ugali at huwag nang tanggapin ‘yung dating kaugalian na puwede na ang puwede na.  Ang iniiwan kong legasiya doon ay hindi na dapat puwede na ang puwede na.  Huwag lang gawin ‘yung trabaho mula alas-otso hanggang alas-singko kung kaya maidagdag pa iyon ang dapat nilang gawin.  At ang ISO ang isa sa naging susi at tulay para mabago ko ang kulturang kinaugalian na ng mga empleyado sa kapitolyo na inabutan ko noong akoý naging gobernador.

RB: Dahil meron kang kakilala doon na talagang sabi nila nafi-feel daw nila ‘yung mga changes ng kayo po ay naupo bilang isang governor diyan.

CHIZ:  Dahil ‘yung dating gobernador at pamilya niya, asawa niya, siya, anak niya humigi’t kumulang tatlumpu’t limang taon silang nanilbihan sa aming lalawigan na wala naman  talaga gaanong nakita kaya ‘yung pagbabagong nakikita nila ngayon maliit na pagbabago na-aapreciate na lalo pa kung malaking pagbabago, Atty. Ruphil.

RB: Kaya ‘yung mga tao doon sa Sorsogon parang ano sila iwanan mo daw sila.

CHIZ:  Hindi naman alam naman nila na hindi ko sila pababayaan.  Maski nasa makabalik ako sa Senado dahil kahit noong congressman ako, labindalawang taon ako sa Senado, hindi ko naman nabapayaan ang aming lalawigan pero nga lang iba pa rin kung ikaw gobernador dahil ikaw mismo ang magdidikta ng dapat at puwedeng gawin at hindi puwedeng gawin ng pamahlaang panlalawigan at munisipyo.

RB: OK pero dito tayo Senator Chiz sa umaabot ng ibang bansa sa kabilang dako naman.  11.7 ang utang ng Pilipinas last year sana sa sunod na presidential debates or forum masagot ito at maayos at malinaw ng ating mga kandidato.  Bilang isang beteranong senator palagay niyo ano ang dapat gawin sa susunod na pangulo upang ito ay mabayaran at matustusan?

CHIZ:  Alam mo, Atty. Ruphil kaya nagtataka ako kung bakit ang daming tumatakbong presidente sa bigat ng problema na halos walang solusyon aba ewan ko ba’t nag-aaway-away pa sila para lang maging presidente ng bansa.  Pero para sa akin, ang huling dapat gawin ng susunod na administrasyon ay magpasa ng bagong buwis.

Sa anumang bansang nagre-recover mula sa isang pandemya at economic crisis, hindi dapat taasan ang buwis. Kung ako’y makababalik sa Senado, hindi ko papayagang mangyari ‘yan ng anumang uri o anumang paraan.

Ang puwedeng pagkunan ay tatlo lamang. Una, magbenta ng pag-aari o asset o property ng pamahalaan. Pangalawa, pakinabangan, buksan, ika nga, at magbigay ng incentives para sa PPP at sa BOT. Tulad na lamang nung bagong tulay na ginagawa dito sa Cebu. Tulad na lamang ng elevated highways sa EDSA, sa Metro Manila. Lahat ‘yan, Atty. Ruphil life privately-funded. Hindi ‘yan pondo ng gobyerno pero nagagawa, napapakinabangan ng tao. So, buksan dapat ng gobyerno ‘yan dahil ang daming pera ng private sector ngayon at mga bangko na puwedeng mapakinabangan para tumuloy ang infrastructure projects natin at hindi manggaling sa buwis ng tao. Pangatlo, ayon sa huling pag-aaral isang trilyon ang nawawala dahil sa corruption sa ating gobyerno. Kabilang na diyan yung mga lagay sa permit, lagay sa lisensya, sa customs, sa BIR. Kalahati lang nu’n ang mabawi natin. May sapat tayong pera pambayad ng utang. Hindi lamang ‘yon. May sapat ba tayong pera para sa ibang social services.

RB: Oo, ito ang ano natin. Pero ‘yung mga, Senator Chiz, sa ngayon dahil gusto ng taumbayan kasi na malaman natin yung mga platform of governments ng ating mga tumatakbo.

CHIZ: Sorry nanghingi ako ng tubig, Atty. Ruphil.

RB:  Pero ‘yung problema, parang sa mga debate hindi dadalo ‘yung iba. Anong suggestion niyo upang dadalo ang lahat?

CHIZ: Karapatan ng kandidato ‘yan, Atty. Ruphil kung mag-attend sila o hindi. Parang sinabi mo na lang kanina. Panalo ka na kahit hindi ka naman na mag-ikot pero nag-iikot pa rin ako. Karapatan ng kandidato mag-ikot o hindi depende kung tingin niyang panalo na siya o hindi. Ika nga sa kasabihan Atty. Ruphil, “If it ain’t broke, why fix it.” Kung lamang ka na nga naman, baka madapa ka pa ‘pag nag-attend ka ‘di ba. So, depende ‘yan sa kandidato. Ang COMELEC ang sinabi hindi naman daw required mag-attend. Pero Atty. Ruphil may balik ‘yan dahil hinahanap ng ating mga kababayan na marinig ang plataporma, ang paniniwala, prinsipyo at ipaglalaban ang mga kumakandidato. So, may bawas at may kabawasan din ‘yan kapag ka hindi nag-a-attend ng debate. Pero karapatan po nila ‘yan base ‘yan sa istratehiyang ipinapatupad nila para manalo sa halalan.

RB: Talagang ang taumbayan gusto nilang malaman kung ano ang mga platform of government? Ano ang mga plano ninyo sa bansa kung kayo ay mahalal?

CHIZ: Kaya nga maraming nangungulit sa akin kung sino ba ang ie-endorso ko sa aming lalawigan. Ang sabi ko wala pa dahil wala pa naman akong naririnig na naglahad ng buong plataporma kaugnay sa gagawin nila kung sila nga’y magiging pangulo kung saka-sakali.

RB: Senator Chiz, sa pagpunta niyo sa Cebu, dahil ito ang pinakauna niyong pinuntahan. Anong mga activities ninyo ngayon dito sa Cebu?

CHIZ: May pagsasalitaan lamang kami dito na pagtitipon sa Cebu City. Tapos magpe-press-con kami, bibisita sa ilang media outfits para mas malawak na listeners ang makarating o marating natin sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ating mga kababayan.

RB: Sa pagbalik mo sa Senado, ano ang mga priority legislations po ang gagawin ninyo Senador Chiz?

CHIZ: Tatlo ang pangunahing nais kong tutukan, Atty. Ruphil; Una, ‘yong taunang budget na pinakamahalagang batas na pinapasa ng Kongreso. Para matiyak na ‘yan ay magiging tulay at susi sa muling pagbangon ng bansa. Pangalawa, papalakasin ko ang kapangyarihan at kalayaan ng mga local government units na nakita ko bilang gobernador ngayon, nakatali ang kamay ng mga local government units, samantalang sa totoo lang, Atty. Ruphil, mas alam ng lokal na pamahalaan kung ano ang kailangan at dapat gawin sa kanilang lugar kaysa sinumang magaling o matalino. Kahit gaano pa katalentadong national government official na madalas nakatingin lamang sa Metro Manila at sa NCR. At pangatlo, layunin ko din Atty. Ruphil na magpasa sa nakikita kong nangyari dito sa Cebu at marahil sa ibang lugar din dahil malayong mas mayaman naman ang Cebu sa ibang probinsyang tinamaan ng Odette na magkaroon tayo ng Odette Rehabilitation Bill. Bakit ba noong nangyari ‘yong Yolanda, agad-agad may Yolanda Rehabilitation Bill o Law? Bakit noong nangyari ‘yong Odette, ilang buwan na ang lumilipas ay tila walang ganoon? Tila inasa na lamang sa mga lokal na pamahalaan ang pagbangon, paglinis, pagbalik ng mga nasirang ari-arian at tila hindi na gaanong tumulong ang national government. Sa pangatlo, ‘yan ang nais kong bigyan ng tutok at diin para makatulong sa pagbangon mula po sa tinamaan ng Odette.

RB: Senador Chiz huling mensahe na lang po ninyo sa mga nakikinig sa ating broadcast ngayon. Alam ko you’re so busy pero may time ka pa rin.

CHIZ: Na-miss kita Atty. Ruphil.

RB: At least naka-visit ka pa rin dito sa himpilan natin.

CHIZ: Sa muli, pagbati sa ating mga listeners karangalan ko po na muling makapiling kayo at makasama at gayundin karangalan kong person ang makabisita dito po sa inyong istasyon at gayundin sa Cebu City at sa lalawigan ng Cebu. Maniwala po tayo, matatapos, lilipas at magwawakas din ang pandemyang ito at sana sapat pa rin ang ating lakas na harapin ang mga bagong hamon at pagsubok na maaring ibato sa atin ng tadhana. Sa darating na halalan, hiling ko po muli ang inyong tiwala at pagtulong upang sa gayon magkaroon tayo ng siguradong direksyon at siguradong solusyon sa mabibigat na problema ng ating bansa. Sa muli Atty. Ruphil, maraming salamat sa ating listeners. Pagbati na lamang, akong usbong daghang Salamat. Maayong buntag. Thank you and good morning!