Hinimok ni senatorial candidate at kasalukuyang Sorsogon Governor Chiz Ezcudero ang mga business process outsourcing (BPO) company na pag-aralan ang pagtatayo ng mga karagdagang opisina sa Mindano para dumami ang trabaho sa rehiyon.
Binigyang-diin ni Escudero na isa ang BPO sa mga hindi natinag na industriya sa panahon ng pandemya kung saan nakalikha pa ito ng 23,000 bagong trabaho habang ang iba ay nagbawas ng mga trabahador o nagsarado nang tuluyan.
“Naipakita ng BPOs na halos crisis-proof ito at ang ibig sabihin lang nito, they are the best sources of employment. Siguro’y puwede natin silang bigyan ng incentives para dalhin nila ang kanilang negosyo sa Mindanao at para magkaroon doon ng mga karagdagang trabaho,” aniya.
Nito lang Enero 2022, 6.4% ng mga Pilipino na nasa edad ng pagtatrabaho o working age ang walang trabaho (nasa halos tatlong milyon), ayon sa Philippine Statistics Authority.
Naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang pinakamababang lowest labor force participation rate o LFPR sa 55.6% na nangangahulugan na isa sa bawat dalawang tao ang walang trabaho. Hindi nahuhuli rito ang Zamboanga Peninsula na may 60% LFPR at Davao Region na may 59.5% LFPR naman. Ang pinakamahihirap na probinsiya ay nasa Mindanao rin.
“Kinikilala natin ang importanteng kontribusyon ng BPOs sa ekonomiya ng bansa subalit tulad din ng ibang industriya, mas nakatutok lang sila sa Luzon. If we can extend the employment opportunities to Mindanao then we can make economic recovery more inclusive,” ani Escudero na isang beteranong mambabatas.
Nasa 1.3 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa BPO industry subalit 27% lang dito o nasa 350,000 lang ang nakabase sa mga probinsinya, ayon sa IT & Business Process Association of the Philippines. Kumita ang BPOs ng $26.7 bilyon noong 2020 at inaasahang lalaki pa ito sa $29 bilyon ngayong taon.
“Nananalig tayo na ang 160,000 trabaho na inaasahang malilikha ng BPO sa 2022 ay hindi lang malilimita sa Luzon or Visayas. Siguro ay puwedeng makipagtulungan ang local government units sa mga BPO companies para sa job matching at skills development para naman maikalat natin ang mga employment opportunities sa lahat ng rehiyon,” ani Escudero na nag-iisang gobernador na kumakandidato para senador.