PRESS BRIEFING

 

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Hindi ako tutol sa pagtatayo ng isang sovereign fund.  Pero ang panawagan ko sa gobyerno at administrasyon na pag-aralan sana muna ng husto. Mga dalawang buwa ito dumadaan sa proseso pero napakarami pa rin butas, napakarami pa ring tanong, napakarami pang kailangan ipaliwanag bago ito lubusang maipasa.  Hindi simpleng pagkumpara ito sa ibang sovereign fund na sasabihin nila may limampu, walumpung bansang may sovereign fund.  Lahat ng sovereign fund may kani-kaniyang idiosyncrasy o pagkakaiba na dapat pumili din tayo ng bagay, angkop at sapat sa pangangailangan natin.  Kung ituturo nila ang Temasek ng Singapore, ang NIIF India puwede ko rin naman ituro ang One Malaysia Development fund ng Malaysia na nagkaroon ng maraming problema.  So huwag na tayo magkumparahan. Tingnan natin ‘yung sariling pangangailangan natin at iyon ang pagtuunan natin ng pansin.  Sa lumabas sa unang pagdinig kanina, marami pa palang kulang ‘yung pinapanukala nilang batas kaya ipaliwanag ko sa kanila.  Ito na ba ‘yung pinagtatanggol ninyo o hindi?  Noong una, ang sagot nila ay “oo;” bandang huli ang sabi nila kailangan punuan, kailangang pag-aralan, at kailangan pang dagdag na probisyon.

QUESTION (Q):  Sir, ibig sabihin, hindi well-studied ‘yung sinubmit nilang proposal?

CHIZ:  Well, para sa akin, posible naman talaga na kulang pa ang pag-aaral dahil unang beses natin ginagawa ito.  Subalit maging ganoon pa man, huwag nila kaming madaliin.  Kung hindi pa naman sila handa, wala sila sa lugar na madaliin ang Senado ipasa agad ito sa lalong madaling panahon.

Q:  Sir, ano ‘yung mga butas na nakita ninyo kanina?

CHIZ:  Marami.  Halimbawa na lamang, inoobliga nila ang Landbank, DBP na maglagay ng Php50-B at Php25-B, pero ni isang probisyon sa batas na nagsasabi ano ba ang mapapala ng Landbank at DBP.  Pinag-uusapan agad nila ang net earnings ng gobyerno na ibibigay sa social welfare projects na iinvest sa iba’t ibang proyekto ng pamahalaan.  Pero walang sinasabi ni ha-ni ho kung magkano ba mapupunta sa DBP at Landbank sa perang nilagak nila roon.  At may mga dagdag katanungan pa. Meron tayong, halimbawa, Agri-Agra Law na nagsasabi na dapat mag-invest ng pondo ang Landbank dahil Landbank naman talaga ang pangalan ng DBP sa agrikultura na binubuo ng sisenta porsiyento ng ating ekonomiya.  Lumulusot lamang ang Landbank at DBP dahil ayaw pumayag ng Banko Sentral na mag-invest ang Landbank at DBP sa iisang sektor lamang.  Dahil baka delikado raw ‘yung magiging fiscal position nung bangko, halimbawa, magka-bagyo o baha, ‘di lugi ang bangko.  Pero sa kaso ng Maharlika Investment Company o Fund walang silang pakialam at willing silang talikuran nito, kalimutan ito at sabihin okay lang maglagay kayo ng Php50-B diyan, OK lang maglagay kayo ng Php20-B diyan kung puwede naman pala gawin iyon.  Ang tanong ko, bakit hindi nila gawin sa sektor ng agrikultura na maliwanag na kailangan naman pala na maliwanag na gusto nating mangyari, maliwanag sa intensyon mismo ni Pangulong BBM dahil siya hanggang ngayon ang kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura sa ating bansa.

Q:  Sir, you have more risks than benefits of this…

CHIZ:  Not necessarily.  They have thus far been able to explain the benefits.  Halimbawa, magpapasok ang global recession mababa ang presyo ng mga stocks sa pandaigdigang merkado pero ang tanong kailan ba tataas iyon?  Kailan ba kikita?  Taunan ba natin bibilangin ‘yan?  Ang ginawang benchmark ng ating national treasurer na si Rosalia De Leon ay 6-4-7 na inaalok ng gobyerno sa government security so dapat kumita ang GSIS at SSS ng pinakamababa anim na porsiyento kada taon.  Ang tanong, paper gain ba ito kumita 6% pero hindi naman binenta iyong stocks kaya wala pa silang cash?  Nasa papel lang ba ‘yung kita? Hindi pa maliwanag pa rom iyon kaya iyon ang hinihingi kong paliwanag mula sa kanila.

Q:  Sir, ‘di ba, kapag pumapasok sa ganyang investment fund dapat klaro pati ROI (return of investment) ‘yung maging mag-invest?

CHIZ:  Dapat klaro talaga. Ang problema sa kasong ito hindi klaro. Kaya halimbawa ni wala sa panukalang batas kung magkano ba ang authorized capital stock ng korporasyong ito.  Blangko iypn.  Sinabi lang nila, Php50-B galing Landbnank, Php25-B galing DBP, 10% daw ng income ng PAGCOR. Baka mag-invest daw ang private sector.  Ang tanong magkano ‘yung authorized capital stock ng korporasyon.  Hindi tayo maaaring gumawa ng korporasyon na walang authorized capital stock.  Sa lahat ng tao alam dapat ang economic managers ng pamahalaan ‘yan.  Pangalawa, kung Php100-B ang tinataya nilang pondo ayon sa National Treasurer kanina at economic team, kung Php50-B galing sa Landbank at Php25-B galing sa DBP, hindi ba dapat ‘yung Board of Directors limampung porsiyento galing sa Landbank, dalawampung porsiyento galing sa DBP.  Binigyan lang naman ng tig-isang representative ang Landbank at DBP.  Binigyan nila ng limang kinatawan ang private sector ni wala pa namang nilalalagak na pondo ang private mula dito but may say sila sa kumpanya na wala naman silang stakeholders o taya o puhunan man lang na nilagak.   Ilang bagay lamang ang dapat na liwanagin pa sa mga susunod na araw o lingo.

Q:  Sir, may risks po ba kung ganyan na hindi naka-specify ang initial capital?  Anong risk po kapag hindi malinaw ‘yan sa law?

CHIZ:  Meron kasi kahit Banko Sentral ng Pilipinas batas din ang gumawa ng korporasyon na iyan, korporasyon ng Banko Sentral, nilagay sa batas kung magkano ang authorized capital stock ng Banko Sentral kung walang ganung probisyon ibig sabihin nun puwedeng magbenta kung anu-anong ari-arian ng gobyerno, ilagak diyan, kung ano pang kita sa anumang buwis, pwedeng ilagak diyan hindi maaari iyun.  Dapat predictable dapat sustainable kung anumang pera kung anumang pondo ang ilalagak natin diyan at dapat klaro mula sa simula at hindi iyon tulad pinapanukala nilang bahala na ang board of directors at ilagay na lamang natin sa implementing rules and regulations.

Q:  Sir, para magiging open to mismanagement o abuse pagnagkaganun?

CHIZ: Definitely, anything that is unclear is always prone to mismanagement and abuse.  Maganda mula’t mula dahil ilang beses natin ginagawa ito klaro na sa simula.

Q:  Sir, how do you find ‘yung assumption ng economic managers na kikita ‘yung investment fund?

CHIZ:  Shaky at best, shaky at best. They are comparing it to Indonesia, they are comparing it to Temasek who have been doing it for the longest time. If I am not mistaken Temasek was established in the late 70s napakatagal nang panahon marami na silang pagkakamaling dinaanan at kung ang iniisip natin ay kikita ito sa loob ng anim na taon, hindi ako siguradong kayang igarantiya ng economic managers ‘yon. Uulitin ko, kapag ka-may global recession sige mura ang presyo ng stocks pero ang tanong kailan ba aangat ‘yon para masabi mong may kita ka? Kumita ka man sa papel, ang tanong, ibebenta mo na ba? Kunyari, binili mo ng sampung piso ‘yong isang bumagsak na shares of stock, umakyat ng bente, tingin mo aabot pa ng singkwenta. Kumita ka na nga ng sampung piso pero kapag hindi mo pa binebenta hindi pa totoong kita ‘yon. Totoong kita lamang ‘yon kapag kabinenta mo na at nakuha mo na ‘yong sampung piso.

Q: So, Sir ‘yong benefits nun puwedeng hindi under this administration?

CHIZ: Posible. Posible ‘yon at sa computation nga nilang ginawa base sa bill pinaghahati-hatian lamang ng gobyerno ‘yung net income na ni hindi sinasama sa computation ‘yong dapat na kinikita ng Landbank, DBP at kung sino mang maglalagak ng pondo dito sa MIC o MIF – depende kung anong huling pangalan ang gagamitin nila.

Q: Sir, referring doon sa naipasa sa House, ‘yong sinabi niyo na nakikita niyo?

CHIZ: Na halos parehong bersyon naman na inihain dito sa Senado.

Q: Ni Senator Mark Villar po.

CHIZ: Halos pareho ‘yon.

Q: Sir, ‘yung doon sa tax exemptions kaya niyo ba ‘tong tanggapin? Kasi lahat ng exemptions-

CHIZ: Wala namang pagkakaiba. Babayaran ng MIC, MIF sa gobyerno, gobyerno rin naman ang may-ari ng MIC o MIF. Ang pinupunto ko lang sa kanila si Sec. Diokno, DBM secretary ng nakaraang administrasyon bahagi siya ng economic team. Polisiya noong nakaraang economic team ay ito; walang exemption, bayad lahat at kung may ibabalik man ang gobyerno sa kanila ibalik na lang ng gobyerno. Mas efficient na tax policy ‘yon kaysa magbigay ka ng exemption dahil pinanggagaling palagi ng napakalaking loophole at butas ang anumang tax exemption na ibinibigay.

Q: So, Sir kung may nagbotohan, you will vote against it?

CHIZ: Sa bersyong ‘yan, oo. Pero nang inaamin naman ng economic managers nang nagdepensa ng bill na bukas sila sa anumang pagbabago. Inaamin nila may kulang pa at may kailangan silang idagdag pa para makumpleto at maging ganap at kumpletong batas ito.

Q: Sir, if ever it comes down to the Senate it would be fast and different from what the House?

CHIZ: There is a big chance it will be different. Malaki ang pag-asang hindi pareho, malayo ang pagkakaiba at ‘yon ang tanging pag-asa sa tingin ko para makapasa ‘yan dito. Hindi papasa sa Senado sa paniniwala ko sa bersyon na kasalukuyan nating nakikita na pinasa at nanggaling sa Kamara.

Q: Sir, pagdating sa funding pabor ka doon sa privatization ng government assets and at the same time ‘yong dividend ng mga GOCCs?

CHIZ: Dumadaan sa taunang budget ang privatization. Anumang proceeds mula sa privatization pagpapasyahan ng Kongreso ‘yan kada taon kung saan ilalagay. Bahagi marahil puwedeng ilagay dito pero kung lahat man, Kongreso pa rin ang magdedesisyon niyan at hindi ang executive branch.

Q: Sir, should we lose money if things fall apart. Sabi po ni Senate President kahapon, na PL lang ‘yon it’s hardly a tenth in a Php19-T economy like the Philippines has?

CHIZ: Ang piso para sa akin ay piso pa rin. Ang isang daang piso ay isang daang piso pa rin. Kung pera mo ‘yang mawawala, ‘di bahala ka sa buhay mo pero pera ng taumbayan ‘to, pera ng sambayanan ‘to. Bawat piso dapat pinapahalagahan. ‘Wag dapat nating tignan na porket Php50-B lamang ito, Php100-B lamang ito sa Php19-T na GDP ng ating bansa ay puwede nang baliwalain ito. Hanggang saan tayo magsasabi na masakit na, hindi na puwede, bawal na, huwag na. Kapag umabot ba ng isang trilyon ‘yon na ang desisyon natin? Kapag Php50-B ba, OK lang? Hindi naman dapat ganoon. Dapat bawat piso pangalagaan naman natin ang pondo at kaban ng bayan ng mga opisyal ng pamahalaan.

Q: Sir, tapos ‘yung isa pang argument kasi kung magkakaroon naman daw ng parang very slim chances na mag-fail ang MIF o mamali ‘yong direction dahil may oversight committee naman or function ‘yung Congress.

CHIZ: Napakaraming oversight kaming nilikha, kabilang na dito, oversight committee ng EPIRA. Umubra ba ang EPIRA sa kabila ng pagkakaroon ng oversight committee? Mayroon tayong ACEF oversight committee para sa agriculture modernization, umubra ba? Hangang ngayon may problema pa rin naman tayo sa agriculture modernization sa kabila ng pagkakaroon ng oversight committee. Hindi naman garantiya ‘yon pero para sa akin ang pinakagarantiya, sumulat tayo ng kumpleto at ganap ng batas para maiwasan anumang misinterpretation, maiwasan anumang pagkakataon na magkamali o gumawa ng pagkakamali ang mga mailalagak sa puwesto sa MIF at MIC.

Q: So, Sir these Sir ‘yan na ‘yong mga i-introduce niyong amendments—

CHIZ: Sa tax exemptions? Sa exemption sa GCG? Sa pagliliwanag kaugnay ng ROI ng mga mag-i-invest diyan? Pinag-uusapan pa lamang natin Landbank at DBP. Paano ‘yung private investors? Ano rules and regulations ang magdedesisyon? Ano board of directors ang magdedesisyon? Paano kung magsabi ang board of directors, ay pakitain muna natin ‘yang private sector huli na munang kumita ang gobyerno, puwede ba ‘yon? Dapat maliwanag ‘yan simula’t simula pa lamang para maiwasan anumang hindi pagkaka-uunawaan. Para maiwasan anumang potensyal na pag-uusog ng sinumang maluluklok sa puwesto d’yan sa MIF or MIC.

Q: Sir, you think na papasa siya by first quarter as proponents want?

CHIZ: Within this year malamang mapapasa ‘yan in whatever shape, size or form. Tinitiyak ko lang na hindi ‘yan parehong kulay, hugis at itsura ng kasalukuyan nating nakikita sa panukalang batas sa Senado at inaprubahan ng Kamara.

Q: Pero hindi kakayanin, Sir, kung before break sa March?

CHIZ: Depende kailan ba nila masasagot ‘yong mga simpleng katanungan muna bago ‘yung komplikado. ‘Yung simpleng katanungan, ano ba ang guaranteed rate of return nila para sa mga GFIs particular na ang Landbank at DBP. Ayon sa DBP, kumikita sila ng 7 percent per annum ngayon sa kanilang investments. Ayon sa sa Landbank, kumikita sila ng 3.7 percent of average sa kanilang investments. Ang Government Security, 6 na porsyento ang garantisadong interes kada taon. So kalimutan na ang Landbank at DBP, itong MIF at MIC bumili na lang sila ng government bond may 6 na porsyento silang garantisado. So ang tanong, pinupwersa lang ba natin ang kamay ng dalawang bangkong ito na pagmamay-ari ng gobyerno o binibigyan ba natin sila ng parehas na laban para kumita ng sapat at tama para sa kanilang shareholders, stockholders at sa bangko nila.

Q: Kung ganoon ‘yung arguments, Sir, kailangan ba natin ‘yong MIF?

CHIZ: Dahil ginagawa ito ng ibang bansa para sa akin makabuluhang tignan din ito at suriin ito.  Pero huwag nating gawin dahil lamang ginagawa ng iba. Dapat masagot nila ‘yung simpleng tanong. Ano ba talaga ang gusto nilang gawin dito? Ano ba ang pakinabang natin? Magkano ba ang kita ng mga government corporations na mag-i-invest dito? Magkano ba ang kita ng mga pribadong indibidwal at kumpanya na mag-i-invest dito? Saan ba natin i-invest? Kulang pa ba talaga ‘yon? Ilang mga simpleng katanungan na dapat nilang sagutin. Huwag ‘yung kopya lang na porke ginagawa nung iba gagawin na rin natin. Dapat maliwanag sa isip nila ng economic managers natin para saan ba talaga ito. Ano ba ang nakikita nating puwedeng paggastusan nito na talagang kailangang punuan? Dahil kung social welfare ang pag-uusapan napakalaki na ng pondong ginagastos ng gobyerno para sa social welfare. At kung hihingi ng mas malaking rate of return ang pribadong sektor o mga bangkong nag-i-invest dito, baka mas mura pang umutang na lamang tayo kaysa magtayo tayo ng ganitong korporasyon.

Q: Sir, do you think the economic managers are themselves unclear—

CHIZ: Clearly. Remember the Secretary of Finance is in favor of this. He sits as chairman of the board of Landbank and yet Landbank’s position paper expresses concern about investing Php15-B in one corporation and concerns about not having a clear provision on ROI. He sits as chairman of the board of Landbank and yet Landbank to co-position. Clearly admitting that the law or the bill lacks in that respect.

Q: Sir, ‘yung timing na-mention niyo kasi yung global risk recession inexpect ‘yan and at the same time may budget deficit, malaki ‘yung utang so it’s about time na­—

CHIZ: Mayroong loanable funds ang Landbank na Php1.3-T, Php800-B na loanable funds ang DBP OK ‘yon. Pero hindi naman na dapat ilagay natin lahat ‘yan diyan. Uulitin ko may Agri-Agra tayo na dapat nagpapahiram sa sektor ng agrikultura. Imbes na magpahiram sa sektor ng agrikultura dahil takot sila na hindi makabayad ‘yung magsasaka, mangingisda. Imbes na magpahiram dahil takot sila baka magkabagyo, magkabaha, magkadelubyo. Ang ginagawa nila nagbabayad na lamang sila ng penalty imbes na magpahiram sa sektor ng agrikultura. Kung talagang gusto nating pwersahin, pwersahin natin ‘yung mga bagong pag-aari ng gobyerno. Magpahiram at magbukas ng loan window sa ating mga magsasaka at mangingisda para tunay na ma-modernize na natin ang sektor ng agrikultura, mapataas ang kita ng magsasaka at mapataas ang productivity agriculture center sa ating bansa para hindi tayo pilit na import pa ng import.

Q: Sir, kailangan pa bang baguhin ‘yung charter state tax para ‘yung investible funds mapapunta sa—

CHIZ: Matagal ng pinagdebatihan ‘yan. Noong chairman pa ako ng Committee on Banks pinanukala na 70% ng loanable funds ng Landbank ibigay sa sektor ng agrikultura. Tinutulan ito ng Bangko Sentral hindi raw puwede, bawal daw, hindi raw sound banking practice na ilagay ng isang bangko ang 70% ng kanilang loanable funds sa isang sektor lamang. Nagtutulungan na kung tamaan ito ng bagyo kalagitnaan ng delubyo baka malugi ang bangko at ‘yung mga pinautang nila sa sektor na ‘yon. Pero dito sa Maharlika Investment Funds sa Maharlika Investment Company, willing ang Bangko Sentral tumingin sa kabilang banda at talikuran yung kanilang basic na requirements patungkol sa bagay na ito. Hihimukin ko rin sila na tignan din ang pagpapahiram sa ilalim ng Agri-Agra Law. Kasabay nito dahil ang Agri Agro Law mas rektang tulong sa sektor ng agrikultura na pinakamalaking sektor at pinakamahirap na sektor sa ating bansa.

Q: Sir, paano ma-a-assure anong kailangan para ma-assure na hindi siya magiging prone to accuse?

CHIZ: Padaanin sa GCG. Ang tanging rason na binigay sa amin kanina kung bakit ayaw nilang padaanin sa GCG dahil daw sa delay. Ilagay natin sa batas unahin ito kung ‘yon lang naman ang problema. Ang kaibahan kasi yung advisory council ang komite na nais nilang buuin para isala o salain ang mga magiging miyembro ng board ng MIC, MIF ay puro co-terminus ang inappoint ng president. Siyempre ‘pag may inappoint at nominate ang presidente alangan namang palagan nila ‘yon. Hindi tulad ng GCG na may mga fixed term ang mga opisyal diyan at mas may kredibilidad para sakay hindi para may pinag-uusapan ang pakikialam o hindi man ang papel na pwedeng gampanan ng Philippine Competition Commission. Isipin niyo na lamang chairman ng MIC at MIF ang secretary of finance, chairman din siya ng Landbank of the Philippines.  Kumbaga may interlocking director hindi lamang director, chairmanship pa. Paano ngayon ang pagpapasya kaugnay sa paggamit ng pondo at kung sino unang makikinabang. Klaro na may potentially conflict of interest dun pa lamang.

Q: Sir, may conflict of interest?

CHIZ: Hindi planong pinag-uusapan ang i-a-appoint ng mga direktor mula sa pribadong sektor. Puwede pang mag-invest ang mga kumpanya na may kaunti silang pagmamay-ari. Wala rin sa panukalang batas ‘yon. Kailangan ding klaruhin sa panukalang batas ‘yon.

Q: Sir, anong nakalagay dun tungkol dun sa pagpili ng—

CHIZ: Irerekomenda na ng advisory council na bubuuin pa lamang. Hindi pa sinasabi kung sinong kukuha ng advisory council pero nandiyan na ‘yung point person.

Q: Sir, paano nga ‘yon kasi sabi nila lahat naman daw dadaan sa legislators kayo pa rin ng missing hindi pa rin sure kung ano ‘yung requirements para ma-appoint o ano ‘yung—

CHIZ: Ang nakalagay sa panukalang batas ilalagay sa IRR ‘yon. Hindi sinabi sa panukalang batas kung ano ‘yung mga requirements.

Q: Sir, regarding sa conflict-of-interest ano po ‘yung dapat gawin dun? Dapat ba hindi Secretary of Finance o dapat ba alisin siya dun sa pagiging chair ng ibang mga corporations?

CHIZ: To begin with, wala pa kami dun. Bakit nga ba siya ang chairman? Hindi naman kailangan siya ang chairman kung talagang ito’y patatakbuhin bilang isang negosyo para kumita tulad ng Temasek, halimbawa. Hindi chairman of the board ang Secretary of Finance ng Singapore sa Temasek.

Q: Sir, ire-raise niyo ‘yan?

CHIZ: No, bersyon natin ito. May kaniya-kaniyang bersyon kada bansa. Nais kong malaman saan ba galing ‘yung mga panukalang ‘yon? Saan ba galing yung mga ideyang ‘yan? Hindi naman puwedeng hinugot lamang galing sa hangin. Dapat naman sana may pinanggalingan. Kung may pinagkopyahan sila puwes ano ang pinagkahalintulad ng sitwasyon natin sa sitwasyon nila. Unang magandang marinig at malaman ‘yan mula sa kanila.

Q: For you Sir, sino dapat maging chairperson?

CHIZ: Para sa akin hindi kinakailangang Secretary of Finance. Because to begin with, Landbank should sit if you would only give proportional representation to Landbank equivalent to their capital contribution which is 50%. The Secretary of Finance, the chairman of Landbank is a government owned entity that should be suffusion given to a professional manager. Sa dami ng trabaho, kayo naman, ng Secretary of Finance. Sa kanya na ang Bureau of Customs, idadagdag niyo pa ito.

Q: Sir, tama lang ang desisyon ng Presidente?

CHIZ: Well, kung iyon ang panukala na siya ang gawing chairman para responsable talaga siya at kapag palpak siya lang ang sisihin. Sa dami rin ng trabaho ng pangulo baka hindi na niya matutukan ito. Iisang bagay na lamang, ang iisipin ninyo na nagkamali ang Kongreso na ang inilagay na chairman diyan ay pangulo. Inilagay diyan ang miyembro ng NDRRMC. Puro mga secretary at kalihim ng iba’t-ibang departamento kaya napakatagal gumalaw ng NDRRMC dahil puro secretary ang nandoon at ang ipinapadala ay puro proxy lamang kaya walang nagpapasahan  sa lalong madaling panahon.

Q: Sir, sa professional managers to be appointed pa rin by the president? I mean, ‘yung ideal scenario?

CHIZ: Wala naman puwedeng ibang pagkuhanan ng appointment. Palaging galing lamang naman sa pangulo. I’ll give an example, the members of the Philippine representatives to ADB, Philippine government representatives to Landbank and DBP are all nominated by the President through a letter of intent. Pero, siyempre kung sino ang ni-nominate ng presidente, siya na rin iyon. Iyon naman ang proseso. Not directly appointed. Nominated and confirmed by the board.

Q: Sir, sa ideal situation hindi puwedeng board tapos board members will elect kung sino iyong bet?

CHIZ: Puwede naman ganoon. Hindi kawalan iyon. Ganoon ang ginagawa sa mga pribadong kumpanya. Pero, usually iyong botohan sa board proportional sa capital   contribution stake at interest nila. Hindi katulad ngayon, kalahati ng pondo ng MIC, MIF galing sa Landbank, pero one seat lang sila. So, that system works if it’s proportioned to their contributions—capital contributions. Kung hindi, balewala din.

Q: Hindi siya free sa politics?

CHIZ: Hindi siya free sa politics at gaano kasigurado ang Landbank at DBP na mapoprotektahan ang capital nila? Samantalang mas maraming boto ang wala namang inilagay na kapital.

Q: Sir, isa na lang sabi kasi kanina noong nagtatanong si Senator Risa- both Landbank and DBP officials said na puwede naman talaga silang mag-invest kahit saan provided na approved ng Bangko Sentral. So, what it makes it special na MIF ang paglalagyan nila?

CHIZ: Kasi, idinidikta ng batas na doon sila mag-invest. They are free to invest in it once they create the corporation pero ito kasi sa panukalang batas, idinidikta ng batas na mag-invest sila sa specific company. Kung maaalala ninyo, ipinanukala noong nagsimula ang usapin tungkol sa Maharlika Investment Fund na ang pribadong sektor na ang ilalagay sa batas na mag-invest doon. Bawal naman yata iyon. Buti naman na nagising sila na bawal iyon. Hindi mo puwedeng puwersahin ang pribadong capital na mag-invest sa partikular na negosyo. That violates the very principle behind the pre-enterprise.

Q: Sir, isang tanong na lang tungkol sa ICC?

CHIZ: Hindi ako masyadong updated diyan.

Q: Sir, ire-resume na iyong pag-imbestiga sa allegedly crimes against humanity.

CHIZ: So, does that mean they rejected the position of the DOJ that we are currently doing our own investigation? Klaro para sa akin ang probisyon ng tratadong iyan. Bahagi man tayo o hindi bagaman nag-withdraw na ang Pilipinas. Bahagi man tayo ng tratado o ng treaty na iyon, nakasaad doon, puwedeng maghimasok at pasukan ng ICC ang anumang paglabag sa karapatang pantao kapag hindi ginagawa ng gobyerno iyong kanyang trabaho kaugnay sa imbestigasyon, pag-usig ng mga nagkakasala kaugnay sa paglabag sa karapatang pantaong binabanggit nila. So, marahil ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC ay hindi pagsunod o pagpapaniwala sa ipinaliwanag ng ating kalihim—DOJ secretary na mayroong ongoing investigation. But to my knowledge, there is an ongoing investigation being conducted by both the NBI and the Department of Justice as so far as extrajudicial killings associated with the drug war of the previous administration. This matter must be clarified to our Department of Foreign Affairs with the ICC at the proper time.

Q: So, in short, hindi pa sila dapat pumasok?

CHIZ: Hindi pa naman pumapasok ang imbestigasyon nila doon. Hindi pa naman dito. So, may panahon pa ang Department of Foreign Affairs at Department of Justice para gumawa ng representasyon para ipaliwanag: ito ba ay pagreject sa ipinaliwanag ni SOJ Remulla na mayroong imbestigasyon nagaganap kaya hindi pa sila dapat o puwedeng pumasok? Iyan ba ang ipinahihiwatig nila sa muling pagbubukas ng imbestigasyon at kung iyon nga ay may pagkakataon ang Pilipinas na humingi ng rekonsiderasyon sa desisyong iyon kung saka-sakali.

Q: Si former Senator Enrile, advisor ng president, ipapaaresto daw itong mga pupunta rito?

CHIZ: Hindi ko alam ang basehan. Kausap ko lamang si Manong Johnny kanina hindi iyon ang napag-usapan namin agad. I don’t know the basis of that because you cannot just arrest anyone. If at all, huwag ninyo na lamang bigyan ng visa.

Q: Sir, ano daw, interference daw?

CHIZ: I am not aware of any law that allows them unless their entry into the Philippines is illegal. So, the remedy for that would be the Bureau of Immigration.

Q: Huwag bigyan ng visa.

CHIZ: Huwag bigyan ng visa. Alamin kung ano ang purpose ng visit nila. If it is for a purpose that is in accordance with the interest of the country we can validly deny or refused a visa even in favor of the citizen of the country that is not required to obtain a visa.

Q: So, hindi kailangang umabot sa ganoong drama?

CHIZ: Hindi naman ganoon. Sa pamamagitan lamang ng pag-withdraw ng visa at pag-withhold ng entry, puwede naman iyon. Hindi na puwedeng dumating pa sa punto na magkaka-arestuhan at ipapakulong pa. Lalo lamang parang pinausok ng gasolina ang apoy.