JON IBANEZ (JI): Nasa linya na po ang isa po sa mga senador din na may agam-agam sa Maharlika Investment Fund. Nasa kabilang linya na po natin si Senator Chiz Escudero, chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education. Senator Chiz, good morning, Jon Ibanez po at David Oro live na tayo sa DWIZ at sa Aliw Channel 23, Sen.
SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Jon, David magandang umaga sainyo. Sa lahat ng ating mga tagasubaybay, magandang umaga din po. Long time no talk.
DAVID ORO (DO): Yes, Sir!
JI: Oo, ‘yon nga po.
DO: Maraming salamat po, Senador, sa inyong panahon at pagkakataon na ibinigay sa amin. Anyway, napakahalaga pa rin ho kasing usapin may kaugnayan dito nga sa Maharlika Investment Fund and mayroong isang panukala ang isa pang senador na tumututol dito, si Senator Koko Pimentel na magkaroon po ng referendum. Ano hong masasabi niyo dito, reaksyon Senador Chiz, Sir?
CHIZ: Hindi ko sinasang-ayunan ‘yan, Jon, David dahil, una, wala naman ‘yan sa batas na ipinasa ng Kongreso’t Senado. Kailangan mo ng batas bago maisalang sa referendum ang isang panukala bago ito maging epektibo. Sa katunayan Jon, David, ang alam kong ipinadaan lang sa referendum ay ang Saligang-Batas mismo kung saan kung maaalala mo noong February 2, 1987 ay nagkaroon ng plebesito ang buong bansa na ratipikahin ang Organic Law, Konstitusyon, Saligang-Batas ng bansa. Ang ibang mga panukalang batas na ni-ratify sa referendum ay ang paglikha ng bagong munisipyo o siyudad pero doon lamang sa mga lugar na apektado. Kung ang rason ni Senator Pimentel ay dahil sa malaking pondo, humigit kumulang Php100-B at authorized capital stock na Php500-B kung kaya’t dadaan ito sa referendum, ‘di bakit hindi niya ipanukala na dumaan na rin sa referendum ang kada General Appropriations Act na ipinapasa namin kung iyon ang pinag-uusapan.
DO: Opo.
JI: Wow. May effect po pala talaga ‘no ‘yong ganoong hakbang, Senator Chiz?
CHIZ: Oo at bakit hindi na rin hingiin na ‘yong pagbabayad ng utang na hindi dumadaan sa Kongreso ay dumaan naman ng Kongreso imbes na referendum kaugnay sa isang panukalang batas.
DO: So hindi referendum ang solusyon kundi mukhang Korte Suprema na po, Senator Chiz?
CHIZ: Doon sa mga tumututol dito, oo or pinag-ibayo ‘yong mga pagbabantay, pagmamantiyag at pagtiyak na hindi naman natin maiiwasan na may kademonyohan talaga, talagang madaling mabulag sa silaw ng pera ang ilang tao.
JI: Tama.
DO: Lalo na may pera.
CHIZ: Tiyakin lang natin sa pamamagitan ng masusing pagmamatiyag ay agad nating mapipigilan o mapapanagot ang sinumang mag-aabuso, magsasamantala sa pondo at korporasyon na ito.
JI: So ano po ang tindig ng Senator Chiz Escudero sa MIF?
CHIZ: Akala ko, magbobotohan ng kinaumagahan pa pero tinapos nila ng madaling araw. Maliwanag ang posisyon ko, nagsalita ako noong gabi at ang sinabi ko anumang bagay na minamadali madalas hindi maganda ang kinakalabasan. Madaliin mo kumain baka maimpatso ka, madaliin mong maligo baka may sulok ka ng katawan na hindi mo nakuskos.
Gayundin itong panukalang batas na ito dahil may nire-require ang Saligang-Batas kaugnay sa pagkakaroon ng test of economic viability na ni minsan simula’t simula hangang ngayon hindi napakita ng mga nagsusulong nito. Samantalang ni-require ng Saligang-Batas ‘yan dahil na rin, bunga na rin sa karanasan natin noong nagdaang administrasyon ni Pangulong Marcos kung saan maraming GOCCs na na-create na nabaon sa utang. Ang sabi nga ni Commissioner Ople ng Con-Con, si Blas Ople tatay ni Sec. Toots Ople doon sa Con-Con debate ang budget ng Pilipinas ay Php117-B noong 1986 ang utang ng GOCC na kailangang bayaran ng gobyerno ay humigit kumulang Php26-B. Halos 20% ng budget napunta sa pagbabayad ng utang ng mga GOCC na palpak at hindi naman talaga nakatulong sa bansa.
JI: So, Senator Chiz, malinaw na sinasabi mong ni-railroad itong panukalang ito, tama ba?
CHIZ: Hindi naman ni-railroad Jon, David minadali lang. May lumalabas nga sa pahayagan ngayon na may probisyong nadoble, hindi lang magkasunod, nadoble magkataliwas ang ibig sabihin ‘yong isa sinasabi ang crime sa ilalim ng batas na ito ay magpe-prescribe ng sampung taon. ‘Yong kasunod na probisyon ang sinabi naman ang offense sa ilalim ng batas na ito ay magpe-prescribe sa loob ng 20 taon. Hindi ko ho alam kung ano ang ibig sabihin nila sa pagkakaiba ng crime at offense at bakit 10 taon ‘yong isa at 20 taon ‘yong isa.
JI: Oo nga ‘no.
CHIZ: Uulitin ko pagkaminamadali palaging may nalalampasan. Bilisan mo lang ang paglalakad baka madapa ka, Jon at David.
JI: Opo. May sinasabi rin na parang mayroong mga dating inalis at inilulusot na maibalik, Senator Chiz.
CHIZ: Alam mo, in-adopt ng Kamara o ia-adopt ng Kamara ang bersyon ng Senado kung anuman ang pinasya naming hindi na ‘yon puwedeng baguhin pa at sinumang magbabago ng inaprubahan, pinagdebatehan maliban na lang sa tinatawag nating clerical errors. Ang clerical error ay pagkakamali lamang sa ingles, sa comma, sa period na hindi na po pupwedeng baguhin ‘yan at babagsak sa krimeng falsification of public document ang sinumang miyembro ng secretariat o sinumang congressmans o enador o sinumang tao na gagawa o susubok gumawa niyan.
Sa katunayan David, Jon, kapag ka ang isang bill ay pinirmahan na ng pangulo anumang pagkakamali kahit sa grammar, kahit sa spelling ‘yon na ‘yong batas. Ang tawag diyan ay enrolled bill theory. Kung ano ‘yong pinirmahan ng pangulo, ng speaker, ng Senate President ‘yan ‘yong batas hindi ‘yung corrected na batas.
DO: So dito ho ngayon sa pag-aapruba at pagpasa sa bill na ito, itong Maharlika Investment Fund, mukhang matatawag ho ba na tayo ay mukhang hostage na po tayo nito at wala na hong pag-asa maliban na lang po sa Korte Suprema. At ang isa pong problema ditong nakikita, tama ho ba Senator Chiz, na prone sa corruption at the same time ay ‘yung mga hahawak dito ay mga iilang tao lamang at considering the history ng ating bansa ay talaga namang tayo’y batbat ng kurapsyon, Senador, Sir?
CHIZ: Well, ang hindi ko nga maintindihan sa katunayan lang doon sa nagsasabing baka abusuhin ito, baka sasamantalahin ito ang sagot ng mga pumabor at nagsusulong nito ay hindi ‘wag kayo mag-alala matagal pa ‘to. Long-term investment naman ito. Aba’y kung long term pala ito, bakit natin kailangang madaliin ngayon? Matagal pa pala.
DO: Oo nga, ‘no. Walang logic.
JI: Parang kontra sa sinasabi nila.
CHIZ: Matagal pa pala bakit kailangan nating gawin agad. Dahil sa ngayon David, Jon, walang sovereign wealth fund na kumikita. Mababa ang presyo ng stocks ngayon, mababa ang presyo ng equities ngayon. Panahon ito para bumili at hihintayin mong tumaas bago mo ibenta kung saka-sakali. So asan ‘yung sinasabi nilang kita? Nasaaan ‘yung sinasabi nilang kailangan na ito ngayon para matugunan ang problema sa ekonomiya? Matagal pa ito at sa totoo lang ang tingin ko kung may makikinabang man dito ‘yan ang susunod na administrasyon at hindi ang kasalukuyang administrasyon.
JI: Oo. Sabi nga rin kasi noong tanungin si Senator Sherwin Gatchalian tungkol sa pagkita hindi naman daw madaliang kita ang sinasabi niyang tinitignan at ang reaksyon niyo naman, Senator Chiz, doon sa sinasabing maraming maeenganyong negosyanteng dayuhan dahil dito sa MIF?
CHIZ: Depende kung (inaudible) ayon sa panukala ng iba ay gagamitin ‘yan para bilhin muli ang NGCP, imbes na maengganyo baka matakot ang dayuhang negosyante dahil binabalikan natin ‘yong ating naunang desisyon na isapribado ang mga dating asset ng gobyerno. Kung muling magre-renationalize babalik ng gobyerno ‘yan muli sa kamay nila ay iisipin nila na kapag may namuhunan diyan baka mamaya pagdating ng panahon ay bawiin din at bilhin ulit at kunin ulit ng gobyerno ‘yan. Marapat at dapat tignan at pag-aralan, ‘wag padalos-dalos kaugnay sa pagbibigay ng panukala o kaisipan dahil imbes na magdulot ‘yan ng tamang kaisipan para may mamuhunan dito baka itulak natin silang palayo ng hindi natin nalalaman.
DO: So talagang medyo basa niyo dito, Senador, mukhang nakabitin tayo sa kawalan at kayo ho bilang dating chair ng Senate Banks, Financial Institution and Currencies Committee aba’y alam na alam niyo ho na itong hakbang na ito ay hindi kasiguraduhan para po mag-gain sa kabuoan ng ating bansa Senador?
CHIZ: Sinabi ko ‘to sa interpellation sa plenaryo. Hindi naman ako kagalingan sa math, pare-pareho lang tayo ng kakayahan pagdating sa math pero sa simpleng pananalita kung mag-issue ng bond ang gobyerno, magbabayad ang gobyerno ng interest sa halagang 6 o 6.5% para pondohan ‘yong mga gusto niyang gawin: kalye, tulay, social services, bagong ospital eskwelahan. Itong Maharlika Investment Fund at tinanong ko ito sa kanila na wala akong katanggap-tanggap na katugunang nakuha o nakita.
Nag-invest dito ang Landbank at DBP, nag-i-invest sila sa government security rin kung saan may bumabalik sa kanilang 6.5%. So siguro naman dapat ibalik din natin sa kanila ‘yan dahil pinuwersa natin silang mag-invest dito, pinilit natin sila. So, 6.5% parang nag-issue ng bond ang gobyerno pero nakalagay sa batas na may 2% overhead cost itong Maharlika. So, 8.5% na ang cost ng Maharlika. Idagdag po pa ‘yong inflation sa halagang 6% , sabi nila 4% lang daw sa susunod na 3 taon. O sige sundin natin ‘yang 4% nila, 4% plus 2% plus 6.5%, ‘di 12.5% ang cost ng doing business ng Maharlika Investment Corporation. Kung umutang na lang tayo, ‘di 6.5% lang ang binayaran ng taumbayan.
JI: Mas maliit.
DO: Oo nga.
CHIZ: Dito mas malaki ang kailangang bawiin bago kumita. Mas malaki ang kailangang bawiin bago may magamit sa serbisyo publiko. Hindi nila nabigyan ng sapat na sagot at tugon ‘yon. Ang halimbawa Jon, David, huli na lang ng sovereign wealth fund na pinag-isipan, pinagplanuhan at para sa magandang layunin ay ang UEA o ang Dubai Investment Fund, tinatag ito noong 1954. Nalaman kasi nila na mauubos na ang langis nila tulad ng nangyayari ngayon. Ang sabi nila, ‘yung malaking kinikita natin sa pagbebenta ng langis dapat umabot sa salinglahi, sa salinglahi at kung ilan makasampu, makadalawampung saling-hali. Hindi ‘yung ngayon lang makikinabang na henerasyon habang maramin tayong pera. So ngayon pa lang pag-isipan na natin na umabot ito sa mga susunod pang dalawampu, isang daang henerasyon. So inipon nila ‘yong malaking kita sa langis ‘yon ‘yong ginamit nila, ‘yong windfall profit doon para itayo ang sovereign wealth fund nila at alam mo kung saan sila nag-invest? Sa mahahaba at malalayong investment na kikita. Para nga kasi sa saling-lahi, klaro ang intensyon, klaro ang direksyon at alam mo kung saan sila nag-invest? Sa renewable energy, sa electric (inaudible)
JI: Futuristic talaga. Opo. Senator Chiz, as much as we want to, OK lang ba mag-part two tayo, Sir?
CHIZ: OK lang, Jon, David gawin niyo ‘yong mararapat kaugnay sa iba pang issue na kinakaharap natin ngayon.
JI: Correct. Marami pa tayong dapat talakayin, Sir. Maraming salamat po, Senator Chiz Escudero. Sa susunod na pagkakataon, bawi kami.
CHIZ: Salamat. Magandang umaga sa inyo.