UNANG HIRIT

 

MARIZ UMALI (MU): Sinabi ni Senator Francis Escudero na dapat mas maayos na tax collection ang pagtuunan ng pansin ng gobyerno kaysa magpataw ng mga bagong buwis. Pinuna rin niya ang pagiging sarado ng isang kalihim sa paniningil ng dagdag na buwis sa luxury goods and services. Kaugnay nito, makakapanayam po natin si Senador Chiz Escudero. Magandang umaga po sa inyo, Senator, si Mariz po ito.

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Mariz, magandang umaga sa iyo. Sa lahat ng ating taga-subaybay, magandang umaga po. Good morning.

MU: Senator, una sa lahat sabi niyo po ay hindi kayo pabor sa mga bagong buwis na pabigat lamang sa mga mahihirap. Ano po bang mga buwis ang tinutukoy niyo rito at ano po bang mga produkto o serbisyo ang posibleng madagdagan pa ng mga buwis?

CHIZ: Well, ayon sa inilahad ng Pangulo, buwis kaugnay ng internet services, buwis kaugnay ng pagbebenta gamit ang internet, ang pagtataas sa Road Users’ Tax, at pagtataas marahil sa VAT. Para sa akin dapat i-improve muna ‘yong collection, pakita muna nila kung saan nga ba nagastos lalo na ‘yong Road Users’ Tax na earmarked ‘yan, Mariz ibig sabihin para sa ikakaayos ng mga lansangan para sa mga motorista. Mahigit Php140-B na ang nakolekta mula sa Road Users’ Tax. Nasaan ba nagastos ‘yon? Kaugnay naman ng Value Added Tax, ayon mismo sa kalihim 40 percent lamang ang nakokolekta sa target nila sa VAT. Pwes, bakit hindi natin dagdagan ‘yong collection efficiency gawing 50 o 60 porsyento bago tayo mag-isip ng panibagong buwis na naman na ang magbabayad na naman, Mariz, ay ‘yong mga dating matitino, mababait at sumusunod sa batas na nagbabayad ng buwis kabilang na sa 40 porsyento at ‘yong 60 porsyento malamang hindi pa rin magbabayad ‘yan.

MU: Senator, ilang administrasyon na rin po kasi ‘yong nagsasabi na ayusin ‘yong o pagandahin ‘yong tax collection system. Ano pa po ba ‘yong problema sa nagkakaroon ng pagkukulang? Papaano po ito maayos at hindi po ba kailangan ng dagdag buwis para pondohan ‘yong 2024 National Budget, Senator?

CHIZ: Well, simpleng pananalita, Mariz, discretion always equals corruption. Minimize discretion you minimize corruption eliminate discretion you eliminate corruption. Sino ba ang inaatasan para mangolekta ng buwis? Hindi ba’t ang BIR. Sino ba ang inaatasan na mangolekta ng duties at iba buwis? Hindi ba’t ang Bureau of Customs. Hindi ba’t ‘yang dalawang ahensyang ‘yan ang pangunahing pinagmumulan ng graft and corruption sa ating pamahalaan dekada na ang lumilipas. So marahil ‘yon dapat ang matutukan muna bago tayo mag-isip na naman ng panibagong buwis. Ang pinakamadaling gawin, Mariz, magpataw ng panibagong buwis, ang pinakamahirap gawin kolektahin ng tama ‘yong umiiral na buwis sa ngayon upang sa gayon pantay na balikatin ng mga dapat nagbabayad ng buwis ‘yung buwis na sinisingil ng gobyerno sa ngayon at sa ilalim ng umiiral na batas.

MU: Paano pa po kaya magagawa ‘yan considering na ilang beses na ring pinalitan ‘yung leadership ng mga naturang ahensya na binanggit po ninyo pero ganito pa rin, it’s in the system ika nga, Senator?

CHIZ: Wala siguro sa liderato, nasa sistema. Tama ka, Mariz. Para sa akin gaya ng sabi ko i-identify ang areas of discretion, tanggalin o bawasan ‘yon. May nagpanukala nga dati, halimbawa, sa Bureau of Customs, Mariz palitan natin ‘yong mga la mesa nila, wala ng drawer dapat, palitan natin ‘yong mga uniporme nila wala na dapat mga bulsa. Simpleng pamamaraan na nagbibigay ng panibagong hudyat na bago na ang sistema at panibago na ang umiiral na liderato sa mga ahensyang ‘yan. Kung maalala mo, Mariz, noong pumasok ang EDSA Revolution, pinalitan ang kulay ng uniporme ng pulis na mula brown ginawang asul.

‘Yung simpleng pagbabagong ‘yon nagbigay din ng panibagong kaisipan, pag-iisip at pagtingin sa kapulisan matapos ang ilang taon ng Martial Law noong brown pa ang kulay ng uniporme nila. So mula sa simpleng la mesa o uniporme patungo sa pag-identify ng areas of discretion marahil mami-minimize natin ang corruption at pang-aabuso sa puwesto at marahil tataas ang tax take ng pamahalaan at hindi na kakailanganin pa na magpataw ng panibagong buwis na gaya ng sabi ko ‘yung matitino, mababait at dati pa ring nagbabayad ng buwis ang papasan at babalikat pa rin nito. ‘Yung hindi nagbabayad patuloy pa rin naman hindi magbabayad at lalamangan ‘yong matitino at mababait na nagbabayad.

MU: Senator, pinuna ninyo rin po ‘yong pagiging sarado si Finance Sec. Benjamin Diokno sa mungkahing taasan ‘yong buwis sa luxury goods and services. Ilalaban niyo po ba ito, itong panukalang buwis na ‘yan sa budget hearing sa Senado, Senator?

CHIZ: Hindi, Mariz, gaya ng sabi ko, collection efficiency ang dapat tutukan at hindi bagong buwis. Kinagulat ko lamang kung bakit agad-agad ito isinantabi at ang ginamit na ehemplo ay mga dyamante na madali raw itago at napakahirap daw kolektahin nun pero hindi lamang naman dyamante ang luxury good, may yate rin, may eroplano rin, may helicopter din, ‘yon siguro ang mahirap itago. Pangalawa, ang nakalagay sa ating saligang batas, ang taxation sa bansa ay dapat uniformed, equitable, at progressive na nakabase sa taxpayer’s ability to pay. Walang sinabi doon na kapag mahirap ng kolektahin ay ‘wag na natin ipataw. Gaya na lamang ng VAT: kung 40 percent lamang ang collection efficiency ng VAT at 60 percent ang nawawala, ibig sabihin mahirap kolektahin bakit hanggang ngayon may VAT pa rin at ayaw pa nilang bitiwan ang VAT. Hindi dapat nakabase sa hirap ng pagkolekta ang pagpataw ng buwis lalong lalo na kung mas malaki ang babayaran ng mas may kaya at mas maliit ang babayaran ng mas walang kaya. Ang VAT, Mariz, pantay na pinapatawan niyan ng buwis ang mayaman at mahirap. Hindi siya progressive na maituturing sang-ayon sa ating Saligang-Batas.

MU: Senator, sa Kamara naman po napuna ‘yong ng mga ahensyang humihingi ng mas mataas na confidential and intelligence funds, ‘no, para sa 2024. Napag-uusapan niyo rin po ba ito sa Senado? Maari niyo po ba kaming bigyan kung ano ‘yung pulso ng mga senador kaugnay nito.

CHIZ: Magsisimula pa lamang ang hearings ng Senado kaugnay ng budget itong darating na linggo sa paniniwala ko. Pero Mariz, tulad noong nagdaang taon, ang intelligence fund ay limitado lamang naman sa unipormado o law enforcement o law enforcement agencies natin tulad ng military at pulis. Ang confidential funds, binigyan ang iba’t ibang ahensya at nais naming makita ang utilization niyan bagaman sa executive session at hindi maaring ilahad sa publiko upang matiyak na ito nga ba’y nasusunod.

Hindi naman kinakailangan ‘yong partikular na operasyon pero detalyado ang requirement, Mariz, ng COA at DBM kaugnay ng pag-gamit ng confidential funds. Dapat mayroong requirement, may need, may necessity at dapat may report na ibibigay kaugnay ng requirement, need at necessity para sa confidential information. Hindi na naming kailangan alamin pa kung para saan ‘yon at kung ano ‘yung, partikular noon pero para makita lamang na sinusundan ‘yong proseso at procedure ng paggamit ng confidential fund. Hindi naman ‘yan pera na puwede lamang ibulsa at gastusin kung saan gusto ng mga ahensya. May proseso rin silang dapat sundin bagaman ito’y lihim at lingid at hindi kailangang ibulgar sa publiko.

MU: At syempre, Senador, babalitan niyo po kami kung may nakikita kayong o may makikita kayong red flags doon sa panukalang budget ‘no sa 2024 National Budget.

CHIZ: Definitely, Mariz. There is a definition that governance is all about allocating scarce resources. If you are able to allocate scarce resources then you governed properly. Ang National Budget, ang GAA, ang NEP, at ang GAB ang pinakamagandang instrumento at batas para makita, ginagamit nga ba ng tama ng gobyerno ang kulang at hindi sapat na resources na mayroon sila kada taon.

MU: Maraming-maraming salamat po sa inyong panahon at sa inyong impormasyong ibinigay sa amin, Senator Chiz Escudero. Magandang umaga po sa inyo.

CHIZ: Salamat. Magandang umaga rin sa inyo. Good morning.