CELY BUENO (CB): Makakapanayam natin via Zoom ang chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, Senator Chiz Escudero. Hi Sir, magandang tanghali o magandang hapon po.
SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Cely, magandang hapon sa ‘yo. Sa ating mga televiewers at listeners, magandang hapon sa inyong lahat. Isang mainit na pagbati. Cely, kasi naman maraming reeleksyonista na iyong tinututukan at binabantayan at palagi mong in-interview, kaming mga hindi reeleksyonista hindi mo gaano pinapansin.
CB: Hindi totoo ‘yan, Sir. Naging mailap ka recently. Good to see you, Sir. How are you? Kumusta ka po?
CHIZ: Mabuti naman naiinitan lang, Cely, tulad mo bagaman naka-long sleeves ka.
CB: Hindi ako naka-long sleeves.
CHIZ: Akala ko mahaba ang suot mo.
CB: Naku marami tayong pag-uusapan, Sir. Bilang chairman ng Committee on Higher Education, nag-file ho ng resolution si Senator Win Gatchalian seeking Senate inquiry doon sa sinasabi na parang degree or diploma for sale involving some foreign students diyan ho sa Cagayan. Although may mga umalma ho ‘yung mga local officials and then ‘yung mga taga-higher education dahil sabi dapat daw kunin ng tama ‘yung facts dahil mukhang may mali. So dahil may resolution na po ba, for sure sa inyong committee ‘yon, Sir, at wala kang choice kung hindi mag-conduct ng inquiry?
CHIZ: Well, Cely, ilang bagay ang nais kong liwanagin. Una, ‘yung nagreklamo ay isang part time UP professor na nagsasabing for-sale daw ang diploma. Nagpa-interview, hinikayat ng CHED, hinikayat ko din na maghain ng reklamo dahil kung walang formal complaint hindi ‘yan maiimbestigahan ng CHED. Ngayon, Cely, sabihin na nating nagpatawag ako ng hearing, pinatawag ko ang CHED, anong isasagot sa akin ng CHED? Hindi naman sila nag-iimbestiga dahil walang nagrereklamo. Ngayon, bakit hindi puwedeng gawin ng CHED na motu proprio ‘yan, na on its own sila na ang mag-iimbestiga? Dahil Cely, may involve dito na mas mataas na panuntunan na dapat binabantayan at sine-secure ng CHED at ‘yan ang tinatawag nating “academic freedom.” Halimbawa, Cely, may nagsabi, ang UP ay isang diploma mill, nagbabayad lamang ‘yong mayayaman diyan para mabigyan ng diploma hindi naman pumapasok. Automatic, puwede bang panghimasukan, patawag ang mga administrador ng UP? Hindi ba bahagi ng academic freedom ‘yon na may teacher na magbibigay ng uno? May teacher na kahit gaano ka kagaling hangang 2.5 ka lang.
May mga ganoon, bahagi na ng academic freedom ‘yon, Cely, kaya nga ‘yung mga curriculum hindi pinapakialaman ng CHED basta’t ito ay pumapasok sa minimum standards. Wala silang kapangyarihang pakialaman ‘yan dahil sa tinatawag nating academic freedom na ginagarantiya sa atin Saligang-Batas. Pangalawa, kung imbestigahan ko man ‘yan habang hindi pa, Cely, naghahain ‘yung mga nakakaalam, ‘yung mga nagreklamo, mga nagpa-interview sa media ng pormal na reklamo para may masagot naman ang CHED sa amin. Ang ipapatawag ko diyan, Cely, ay ang Bureau of Immigration. Dahil bago makapasok ang mga sinasabi nilang Chinese nationals na diploma mills o espiya pa nga sabi ng iba, bakit pinapasok ng Bureau of Immigration, Cely.
Masakit nga diyan, ewan ko ba dito sa Bureau of Immigration, magkikita rin kami sa hindi malayong hinaharap, Cely. Istrikto sila sa mga Pilipinong umaalis pagdating sa pag-o-offload pero ang luwang-luwang naman nila pagdating sa mga POGO employees, POGO players, pagdating sa mga pinaghihinalaang espiya o estudyante hindi ba dapat istrikto tayo sa nakakapasok sa ating bansa at maluwang tayo sa kapwa nating Pilipinong nais makipagsapalaran sa ibang bansa dahil wala naman tayong polisiya laban sa pagiging OFW.
CB: So ‘yung pagiging maluwag ng BI, puwedeng pagdudahan, Sir? Mahigpit sa mga Pinoy sa offload pero kapag dating sa mga foreign, mga dayuhan like ‘yon ngang sabi niyo sa POGO, estudyante bakit maluwag. Posible ba nagdudahan kasi sila ay nababayaran?
CHIZ: Cely, ‘di ba pinagdudahan na nga ‘yung mga eskuwelahan sa Cagayan na binabayaran ‘yong diploma? Hindi rin ba ako puwedeng magduda na binabayaran din ng ilang opisyal? ‘Wag nating lahatin, Cely, dahil uulitin ko bago maging issue na maraming estudyante sa Cagayan, ang tanong bakit pinayagan ng Bureau of Immigration na ‘yan ay pumasok dito. Pero Cely, may impormasyon ako—independently—na lumalabas sa mga pahayagan dahil magkakaiba ang datos. Sabi ng isang datos mahigit, kulang-kulang na apat na libo raw ‘yung mga estudyanteng galing sa China na nag-aaral d’yan sa Cagayan. Ayon naman sa mga local officials ng Cagayan, ang bilang ay 300 lamang. Ayon sa Chinese Embassy, ang bilang ay nasa 300 mahigit lamang.
Puwede namang i-reconcile ‘yan, Cely, sa simpleng paliwanag: binuksan mula noong COVID ang tinatawag nating online courses. So posible Cely at ‘yon ang lumalabas talaga umaabot sa kulang-kulang 4,000 ‘yung estudyante sa ilang tertiary colleges sa Cagayan pero karamihan ay online. Ang face-to-face lamang ay mahigit kumulang 300.
Ngayon Cely, ipagbabawal ba natin ‘yung online din? Dahil mayroon tayong territorial dispute sa China hindi ba’t dagdag kita ‘yon sa parte ng paaralan? Ipagbabawal ba natin ‘yon, gigipitin pa ba natin ‘yong private schools na nilibre na nga natin ‘yung public tertiary education ito na lang ‘yung medyo panlaban ng mga pribadong eskuwelahan para may dagdag tuition sila at enrollment? Pati ba naman ‘yan gigipitin pa natin. Sunod Cely, mas pipiliin ko ng may dayuhang estudyante na mag-enroll sa Pilipinas, mag-aral dito, magbayad ng tuition dito, magbayad ng board ang lodging kaysa ine-export natin ‘yong mga English teacher natin na magturo sa ibang bansa at doon sila magbo-board ang lodging, doon sila magbabayad ng pang-araw-araw nilang gastusin at ‘yong tira na lamang at savings na ipapadala sa mga mahal nila sa buhay sa Pilipinas. Mas gusto ko ng nandito ‘yung mga dayuhan. Tayo may hawak sa kanila kaysa nandoon ang mga kababayan natin, sila ang may hawak sa mga Pilipino.
CB: So, Sir, kapag nag-conduct kayo ng hearing primarily ang papatawag niyo ang BI kung walang complaint ‘yong nagsiwalat nitong issue na ‘to, ‘yong CHED hindi niyo puwedeng ipatawag?
CHIZ: Kahit pigain ko, Cely, ‘yung CHED wala silang masasagot sa akin. Hindi kasi nila puwedeng imbestigahan kung walang nagrereklamo pagdating sa bagay na academic freedom, Cely. At uulitin ko, ‘yung nagpa-interview na part time professor ng UP maaari bang maghain po kayo ng reklamo at nang maibestigahan po ng CHED para sa gayon mayroon namang bala, armas at masasagot ang CHED dahil CHED lamang po ang may kapangyarihan mag-compel doon sa paaralan na magpaliwanag at magbigay ng paliwanag. Bagaman kaya din po naming gawin ‘yan, ang pamantayan at panuntunan nanggagaling po sa CHED. At sana, kung talagang nagmamalasakit tayo ‘wag tayong tumigil sa pagpapa-interview lamang. Ituloy naman po natin sa aktwal na paggawa ng mga hakbang na magpapagulong, ika nga, ng bola tungo sa pagkamit ng hustisyang hinahanap daw niya noong siya ay nagpa-interview.
CB: Pero Sir, ang inyong committee, hahanapin niyo siya para paharapin sa Senate hearing?
CHIZ: Well, malamang siya ang ipapatawag namin at hindi ang CHED dahil wala namang isasagot pa sa amin ang CHED. Anong basehan niya, kung pupunta siya, Cely? Maghain nga lang ng reklamo hindi pa niya ginagawa, ano pa kaya ‘yung pumunta sa mismong kumite para iboses ng personal ‘yon? Pero sabagay baka may camera din doon so baka naman mag-attend siya. Pero kapag ginawa naman niya sa CHED at pinagbigay-alam sa media, baka naman subaybayan din siya. Pero ang kailangang ko, Cely, sinabi ko na ‘to last week pa at kahapon ng umaga kausap ko si Chairman Popoy De Vera, tinanong ko kung may naghain na ng reklamo, wala pa rin ayon sa kanya. Pinadalhan ko na ng mensahe dahil ako ay umuupo ding miyembro ng board of regents sa UP, Cely, at part-time UP professor daw ito sa ewan ko kung saan actually, sa Manila ba o sa Diliman o sa Baguio. Pinaratingan ko ng mensahe ang mga relevant na opisyal doon na nakakakilala na maghain siya ng reklamo. Hindi ako takot na imbestigahan ‘to at wala akong pinoprotektahan, gusto ko lang maayos at hindi ‘yung bara-bara.
CB: Pero ini-encourage niyo pa rin po ang CHED na motu proprio, tingnan ito the mere fact na may nagsalita.
CHIZ: Hiniling ko na, Cely, ‘yan. Sabi sa akin ni Chair Popoy, kailangan base sa kanilang regulasyon may reklamo dahil sensitibong bagay ito,
CB: So, Sir, kung sakaling mai-refer ‘yan sa inyo on Monday kasi ‘di ba limited lang ‘yung session niyo, end of May?
CHIZ: Cely, narinig ko ‘yung sinabi mo, alam ko next week pa ang sesyon namin hindi pa itong darating na Monday.
CB: Sir, sa Monday na, April 29.
CHIZ: April 29 na ba kami?
CB: Yes.
CHIZ: Talaga?
CB: April 29.
CHIZ: Alam ko, hindi.
CB: Sir, sa Monday na ang session niyo at tapos mag-aano kayo, mag-a-adjourn yata kayo May 22. So ibig sabihin parang almost one-month lang ang inyong sesyon. So immediately ba i-schedule mo ang inyong hearing ukol dito?
CHIZ: Depende. Kailan ba ire-refer sa akin, Cely? Uulitin ko, hindi naman prayoridad ‘yan, Cely, dahil wala pa namang imbestigasyong isinasagawa ang CHED.
CB: At wala kayong nakikitang—
CHIZ: Sorry, Cely, zero backlog ang aking komite so hindi ‘yan issue ng marami akong ibang ginagawa gusto ko lang gawin ng tama kung saka-sakali ang bagay na ‘yan at hindi ko luluksuhan ‘yan dahil tila popular o may nag-aakusa na hindi pa naghahain ng pormal na reklamo.
CB: Pero wala kayong nakikitang pangamba kasi hindi ba kaya lang nalagyan ng kulay na baka may threat sa ating national security dahil doon daw sa Cagayan nandoon ‘yung mga Chinese student alam naman natin na nandoon ‘yung dalawang EDCA sites.
CHIZ: Well, Cely, nais ko ding bigyang-pansin ‘yan kung saka-sakali kung talagang nais nilang imbestigahan ‘yan, kung talagang seryoso sila dahil marami din akong nababalitaan at naririnig na hinaharang ng AFP na mga investments na nagmumula sa China na wala naman tayong pormal na alitan o giyerang dineklara laban sa China. Na pinipigilan nila sa iba’t ibang parte ng bansa at ang ginagamit na dahilan ay may malapit na kampo doon. Nais kong malaman may polisiya na ba talaga ang pamahalaan kaugnay nito?
Pangalawa, anong pakialam ng AFP at anong kapangyarihan ng AFP pagdating sa mga namumuhunang negosyante na dayuhan dito sa ating bansa kaugnay ng kanilang mga malapit sa kampo, malapit sa ganito? Sa dami ng EDCA sites, Cely, ang daming lugar na hindi puwedeng pasukan ng mga dayuhan kung saka-sakali. At bakit nila nililimitahan lamang sa bansang China? Kalaban natin, may issue tayo pagdating sa, nabasa ko ‘yung komentaryo ni Justice Carpio na nalilito raw ako sa maritime at territorial dispute. Para niyo na pong awa Justice, ang territorial dispute patungkol po ‘yan sa maritime at island dispute tayo ay may island dispute at territorial dispute sa China. Tayo ay may territorial maritime dispute pagdating naman sa Vietnam, sa Taiwan, kaugnay ng West Philippine Sea.
Ngayon bakit natin sinesentro lamang ‘yan sa China? Kahit na ‘yung the Hague ruling, Cely, hindi lamang ‘yan laban sa China ang the Hague Ruling na pumabor sa Pilipinas ay laban sa lahat ng claimant countries na hindi nakilahok doon. Kaya nga nahihirapan tayong isama ‘yan sa agenda ng ASEAN dahil miyembro ng ASEAN ‘yong ibang claimant countries din diyan sa West Philippine Sea. Pero that aside, ‘wag natin masyadong palakihin o pinapalaki ang issue. Masyado naman tayong nagpapaka—kung sinasabi nila noon na sa nakaraang administrasyon nagpapakatuta tayo masyado sa China—puwes babalik na naman ba tayo sa pagpapakatuta natin sa mga Amerikano na mas rabid pa tayo, mas gigil pa tayo kaysa sa mga Amerikano. Sila ‘yong nagsasabing “we are competitors,” wala namang sinasabing polisiya ang bansa natin na competitor natin ang China, na kalaban natin ang China. Ang nagsasabing we are competitors both China and the US against each other.
‘Wag tayong pumayag na maging pawn lamang tayo. Hindi ako agree, Cely, na magpagamit sa kung sino man kaya nga nakalagay sa ating Saligang-Batas we shall have an independent foreign policy putting the best interest to the Filipinos first and not the interest of any other country or superpower for that matter.
CB: So, Sir, isusulong niyo ‘yong imbestigasyon para pagpaliwanagin ‘yong Armed Forces of the Philippines?
CHIZ: Hindi. Kung ipapasok nila ‘yang bagay na espiya-espiya, ‘di lubos-lubusin na natin hindi ba? OK, kanino ba kayo may dudang espiya, saan ba galing ‘yang espiya. ‘Yan ba ay talagang iniimbestigahan niyo baka mamaya magtago na naman kayo sa confidential, top secret paano naman po tayo naman didiretso diyan gusto niyong imbestigahan bakit dumadami dahil espiya sila? Pero ayaw niyo naman sumagot ng tanong pagdating sa mga detalye kung paano nila nasabing espiya nga ba ‘yan at kung espiya talaga ‘yan bakit nila pinapasok? Bakit hindi sila nagreklamo sa Bureau of Immigrations? Sa Department of Justice? Bakit pinapasok? Pati ba online, bawal na rin? Makakapag-espiya ba sila kapag online, nag-zo-Zoom o nag-a-attend ng klase sa Zoom? Hindi ko alam, Cely. Sa totoo lang, kaya ‘yong mga nagsasampa ng reklamo, naghahain ng reklamo pag-aralan din nila dahil kapag nagkaharap-harap kami, tayo kung nagpatawag ng imbestigasyon sana hindi simpleng haka-haka lamang at sana hindi kayo titigil sa simpleng pag-akusa lamang. Sana mayroong nakapaloob na matibay na ebidensya testimonya, documentary o object evidence na susuporta sa inyong mga akusasyon laban kanino man particular doon sa mga pribadong religious schools pa na inaakusahan doon sa Cagayan, Cely.
CB: Pero, Sir, sa iyo naman, okay ka naman sa mga nagiging hakbangin ng administrasyon na nagkakaroon tayo ng mga joint maritime patrol with US, Australia, Japan tapos nagkaroon pa ng trilateral meeting o summit between US, Japan and Philippines and then ngayon ‘di ba sabi palalawakin na daw ‘yong wargames, isasama na ‘yong Japan tapos itong France yata mag-start na rin tayo magkaroon ng visiting forces agreement, ang Pilipinas with France. Ito ba sa tingin ninyo overacting o tama lang na may ganito tayong ginagawang pagpapalakas?
CHIZ: No harm, no foul para sa akin, Cely, dahil sa totoo lang, wala sa mga bansang ‘yan, ‘yang mga kasama natin sa war games kabilang na ang Pilipinas at China na may gustong magkaroon ng giyera o sumiklab ang giyera o digmaan sa parteng ito ng mundo. Hindi lamang apektado ang mga ekonomiya ng buong mundo, apektado rin syempre ang maraming buhay sa ating mga kababayan at dito sa ating rehiyon wala naman may gusto ng giyera. Ito’y pagpapakita lamang ng pagkakaisa, maaring magsilbing deterrence, ika nga, o maaaring magpakita ng kooperasyon, ng pakikipagtulungan, ng kampihan sabihin mo na pero hindi ko naman nakikitang ito’y darating sa puntong ‘yon. At sana maliwanag din ‘yan sa isip ni Pangulong Marcos, na hindi dapat paratingin sa puntong ‘yon na ‘wag nating masyadong parating sa putong ‘yon kung saka-sakali dahil sa dulo walang panalo kapag sumiklab ang digmaan.
CB: Isang ating kinakaharap na malaking problema ito El Nino phenomenon, more than 107 na yata na municipalities at marami ng probinsya nagdeklara ng state of calamity dahil nga sa sobrang epekto nitong ano. Ano ‘to nakakatakot na ba ito, Sir, tama lang ba na hindi pinayagan ni Presidente na buong bansa ang isailalim sa state of calamity at kanya-kanya na lang ‘yong mga probinsya at mga munisipalidad na magdeklara nito bilang isang dating local official.
CHIZ: Liwanagin natin, Cely, ang pagdeklara ng state of calamity. Ibig sabihin lamang niyan ay puwedeng gamitin ng local government units at ng national government kapag nagdeklara ng national calamity ang calamity funds nila. Kapag walang state of calamity na dineklar, hindi puwedeng gamitin ‘yung calamity funds, ‘yon lamang naman ang ibig sabihin niyan. Pero kung ang pag-uusapan natin ay may epekto pa ‘to sa El Nino ngayon, wala na, Cely, lahat ng paghahanda at preparasyon para sa patubig sana ‘di ba para sa pagtiyak na ligtas ‘yung ating mga kababayan nagawa na sana ‘yan ilang buwan na nakalipas bago sumapit ang El Nino. Ngayon ayuda na lamang ang puwedeng maibigay mo sa mga magkakasakit, sa nawalan ng hanap buhay na magsasaka o mangingisda dahil dito sa El Nino ayuda na lamang ‘yan para sa kanila pero hindi talaga para pigilan ang anumang masamang epekto ng El Nino.
So, Cely fast forward tayo, next year. Ayon sa pag-aaral ng PAGASA, kung El Nino tayo ngayon, La Nina naman tayo next year. Maaari ba ‘wag natin ubusin lahat ng paghahanda natin para sa El Nino lamang dahil next year kabaliktaran ‘yong dapat nating paghandaan, ngayon ang tamang panahon para maghanda tayo para sa parating na La Nina na kung totoo nga na sigurado at tiyak na ‘yan ang nakikitang findings ng PAGASA natin. So, kung ‘yan ang mangyayari ngayon pa lang dahil legal na pwedeng gastusin ang calamity funds ang pondo ng NDRRMC o para sa paghahanda sa isang kalamidad hindi lamang sa aktuwal na kalamidad kapag nand’yan na ‘yan. At kapag dumating na ang katapusan ng taon El Nino man tayo ngayon tatamaan pa rin tayo ng ilan pang bagyo, Cely. Tinataya ng PAGASA na may tatami pa sa ating 5 hanggang 8, 10 na bagyo. Kapag naubos lahat ng calamity fund ng LGUs dito ngayon na Abril pa lamang wala pang Mayo. Wala pang kalahati ng taon baka wala na silang maiwang pondo o sapat na pondo para matulungan ang mga kababayan na maaaring maapektuhan ng masamang panahon bagyo man, o paghangin naman.
CB: Sir, sabi niyo wala na magagawa kundi magbigay ng ayuda. So, sa tingin mo hindi naging sapat ‘yong preparasyon? Alam naman natin na strong El Nino o talagang beyond their control itong ganitong klase ng klima na ating nararanasan?
CHIZ: Hindi kaya, Cely, kulang naman talaga ang pondo palagi para sa mga ganitong uri ng pagbabago sa ating panahon. Hindi naman talaga kakayanin. Sana nga noon pa binigyang luwang na ‘yong pondo na rin ng LGUs para last year sinimulan ng gastusin ito. Isang bagay na puwedeng pag-aralan ‘yan ng DILG ngayon, Cely. Paluwangin ang pag-gamit ng calamity funds ng LGUs sa pagtatapos ng taong ito para sa gayon magamit ‘yan sa preparatory works, preparatory programs at activities and projects para sa parating, ulitin ko kung sigurado ba talaga ang PAGASA na La Nina.
CB: Sir, ang tindi na ng init kung sana na-maximize ‘yong paggamit ng solar energy baka walang mararanansan ngayon na mga laging may red and yellow alert sa Luzon, Visayas, at Mindanao grid.
CHIZ: Cely, hindi siya ganoon kasimple. Cely, dahil wala pang sa pagkakaalam ko, wala pang solar powerplant na tinatawag nating baseload, peaking plants lamang ‘yan. Hindi ‘yan puwedeng pagmulan ng baseload supply lalo na ng grid sa Luzon, sa Visayas o sa Mindanao man. ‘Yan ay pampuno kapag may baseload ka na sa grid mo at sa mga distribution utility na wire. Hindi pa kaya ng teknolohiya dahil ang wind, Cely tumitigil ‘yong hangin. Ang araw tumitigil din maliban na lang kung gamitan mo ng baterya na sa ngayon ay sobrang mahal pa. Kung mas mahal, Cely ang solar kaysa coal ‘di mas lalong mahal ang battery na galing sa solar na inipon mo ‘yong kuryente kumpara sa coal at sa hydro. So hindi ganoon kasimple ‘yong problemang ‘yon pero nagiging problema natin kaya nagye-yellow alert, Cely, maraming unscheduled shutdown ang mga planta.
Alam mo, Cely, sa buong Pilipinas mayroon tayong humigit kumulang na mga ira-round off ko na, Cely, mga 100 planta malaki man o maliit, sa Luzon, sa Visayas, sa Mindanao. Naka-schedule ang pag-shutdown niyan. Anong ibig sabihin ng shutdown? Parang kotse, kailangan i-tune-up, kailangan i-change oil. Maintenance shutdown ‘yan, naka-schedule ‘yan at inii-schedule ‘yan ng DOE para hindi magkulang ang supply. Ang sobra natin na supply sa kada grid, Cely, ay humigit kumulang 1000 to 2000 megawatts lamang. So ‘yon ‘yong sobra so kapag sumobra doon ang magsa-shutdown na planta na hindi scheduled ay magkaka-brownout talaga tayo, magye-yellow alert talaga tayo, baka mag-red alert pa ‘yan pero kaya inii-schedule.
Ngayon ang tanong ko bakit nagkakaroon ng ganyan karami na unscheduled shutdowns ‘yang mga generating companies? Kasi kahit na gaano kagaling ang distribution utility, ang Meralco, ang More, ang Davao Light, ang mga electric cooperatives kahit gaano kagaling ang NGCP kapag wala namang supply ng kuryente galing sa generating company kahit magta-tumbling ‘yang mga ‘yan, kahit magtitiwarik at mag-raindance pa ‘yan wala naman silang kuryenteng maibibigay sa mga consumers. Hindi naman nila puwedeng, hindi naman sila pwedeng mag-imbento at maglikha ng kuryente galing sa hangin, nanggagaling ‘yan sa mga genco. So ‘yon sa paniniwala ko ang dapat tutukan ng Department of Energy.
Alamin ano nga ba kasi, Cely, hanggang sa ngayon na bring up ‘yan sa isang hearing ng Senado, hindi nagiinspeksyon ang Department of Energy o ERC man lang ng mga planta matapos itong mabigyan ng permit na mag-construct para malaman best practices ba? Name-maintain niyo ba talaga ‘yan? Kaya tuloy nagkakaroon tayo ng napakaraming unscheduled shutdowns tulad ng nakikita natin ngayon.
CB: So, kung sino ang may pagkukulang Sir, puwede ba balikan kita kailangan ko lang mag-time check. OK, lang Sir?
CHIZ: Sige lang.
CB: Balikan natin si Senator Chiz Escudero.
CHIZ: Matagal pa ba tayo, Cely?
CB: Kaunti na lang, Sir. So, Sir, sino ‘yung nakikita niyong may pagkukulang o may liability dahil lagi na lang nangyayari taon-taon yung pagsasabay-sabay ng shutdown ng mga planta ng kuryente? Tanong ko nga minsan, bakit luma na ba yung mga powerplant or may palpak ba sa kanila? Sinadya ba nila ito para magtaas sila ng singil sa kuryente?
CHIZ: Well, Cely, may pagkukulang ang pamahalaan. Kung may pagkukulang man ang pribadong sektor, tandaan natin siyempre ang layunin nila’y ay kumita kaya nga private sector ‘yan. Gusto nilang kumita, profit motivated sila. Ang pamahalaan public service-oriented dapat. Ngayon Cely, ang tanong ko, may nagpatayo ng 200MW powerplant ten years ago. Kumbaga bumili ka ng kotse na de’otso, ang tanong ko sa binilang nilang 200MW ‘yan ng DOE, so may 200MW tayo sa kabuuang suplay natin. Makalipas ang sampung taon 200 MW pa ba ang kaya niyan? May pag-aaral ba ang DOE kung hanggang saan na lang ‘yan after 10 years, hanggang saan na lang ‘yan after 5 years, hanggang saan na lang ‘yan after 15 years, may ganoon ba sila Cely? Binabantayan ba nila kung regularly-maintained ‘yung mga planta? Nagtitipid ba sila kaya biglang nagkakaroon tayo ng mga—parang kotse rin ‘yan. Hindi mo chinange oil ng matagal, tatlong taon, limang taon. Hindi mo tinune-up ng dalawang taon. Siyempre titirik ‘yan. Unscheduled shutdown, ika nga. Masisiraan ka ng kotse sa kalye.
Mayroon bang taga-DOE, may departamento ba, may ahensya ba, may opisina ba na nagbabantay sa mga plantang ‘yan at tinitiyak na yung regular maintenance na dapat ginagawa. Tandaan mo, Cely, iba’t ibang teknolohiya ang ginagamit nila may German, may Swiss, may American, may European, may Korean, may Chinese, so siyempre iba-iba ‘yung manual niyan. May record ba at talaan ang DOE nung dapat na maintenance na ginagawa diyan at may taga-sunod ba, may tumitiyak ba na sinusunod ‘yan ng mga pribadong kompanyang ito? At ‘yung 100MW, 200MW ba nila noon nung ‘yang plantang ‘yan ay binuksan at unang nagsuplay ng kuryente ganyan pa rin ba karami.
Ilang simpleng katanungan, Cely, na magandang marinig mula sa DOE ang kasagutan dahil tama ka, bakit ganyang karaming planta ang nag-u-unscheduled shutdown na hindi nila alam. Kung alam nila ‘yan, Cely, ang tawag na diyan scheduled shutdown at napapatama-tama na nila na tipong hoy ikaw huwag muna ngayon sa susunod na linggo ka na dahil may magsha-shutdown ngayon na hindi alam ng DOE. ‘Yan ay ibig sabihin isa lamang, walang may alam din sa kanila ng kasalukuyang kalagayan ng mga planta. Kumbaga parang may big brother na nagbabantay dito sa mga plantang ‘to.
CB: Sa ngayon ba, wala talagang—trabaho ‘yon ng DOE—na magbantay sa mga planta?
CHIZ: Alangan naman DA.
CB: So trabaho talaga ‘yon ng DOE?
CHIZ: So kasi ‘yung mga dam kasi, Cely, may irrigation component din ‘yan. So hindi ‘yan trabaho ng DA. So, kung El Nino tayo ngayon, yung dating 300MW na hydropower plants ay dahil kulang ang tubig siyempre hindi 300 ‘yan. ‘Yon siguro naman may plano ang DOE in coordination with DA. Alam nila na bumababa ang lebel ng tubig kaya hanggang dito na lamang ang mapo-produce niyan. Ang tanong ko, ano opisina ang may hawak nun? Gobyerno ang dapat na gumagawa niyan, Cely. Isipin mo na lang ito. Kumbaga yung mga sasakyan kung mayroong motor vehicle testing ‘di ba bago mo maparehistro yung kotse mo, may ganyan din ba ang mga power plants natin. Hindi man taon-taon, kada-tatlong taon ba mayroon? Kasi ‘yung kotse kada taon ‘di ba bago maparehistro may testing. May ilaw ba lahat kung walang bayaran? Kung walang lagayan umiilaw ba lahat ng break light mo? Mausok ba ‘yan? Maintained ba ng tama ‘yung kotse mo? May ganyan ba sa power plants, Cely?
Magandang malaman mula sa DOE at nasaan ‘yung findings nila ng ganyan kung mayroon man dahil sa dulo ang sinisisi nila palagi NGCP, sinisisi palagi Meralco, distribution utility. Pero nasaan naman ang papel ng gobyerno? Hindi porke’t prinivatize natin, Cely, ang electric power industry, ibig sabihin privatized ang transmission, privatize ang distribution, privatize and generation. Hindi ibig sabihin nun walang papel na gagampanan ang gobyerno. Government still plays the role of regulator. Siya pa rin ang taga-bantay ng interes ng sambayanang Pilipino dahil ‘yung pribadong sektor siyempre yung pangunahing interes niyan ay kita.
Hindi naman nila tinatago ‘yon. Hindi naman sila sumumpa, Cely, sa private sector na pagsilbihin ng tapat ang sambayanang Pilipino. Sila’y pumasok diyan para kumita. So sige alam na natin ‘yon. So dapat may nagbabantay. ‘Yan ang papel ng ERC. ‘Yan ang papel ng DOE. ‘Yan ang papel ng PSALM, ‘yan ang papel ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nagre-regulate. Isa mga heavily regulated pa rin bagaman hindi centralized ang electric power industry.
CB: Sa tagal ko ng nagko-cover sa Senate parang paulit-ulit ‘yung Senate inquiry. Ganyan din ‘yung nagiging problema sabay-sabay ‘yung mga unscheduled shutdown. So ibig sabihin walang nangyaring doon sa mga hearing na ‘yon? Hindi pa rin naging klaro yung trabaho na dapat ginagawa nmg gobyerno like DOE para nape-prevent itong ganito?
CHIZ: Malaki ang pag-asa kay Sec. Lotilla, Cely. Dati ko siyang teacher, dating DOE secretary ‘yan ni Pangulong Arroyo. Alam na dapat niya ‘yan. Ika nga, hindi na kailangan i-memorize ‘yan dapat memorize na niya ‘yan. At umaasa ako na may kasagutang ibibigay si Sec. Lotilla sa atin kaugnay sa bagay na ito. Pero anumang kasagutan niya Cely, ibabangga ko ‘yon sa kasalukuyang sitwasyon. Bakit ang daming unscheduled na hindi niyo alam? Dahil kung may nagbabantay talaga, may tumitingin talaga, may nag-i-inspect at check talaga hindi na unscheduled ang tawag diyan, scheduled ang tawag diyan.
CB: So ‘yon at least si Senator Raffy Tulfo, bilang chairman ng Committee on Energy ay isinusulong na nga niya na magkaroon ho ng Senate investigation dahil sabi niya nakakaalarma na raw itong power supply issues na humahantong na nga sa electricity rates during red and yellow alert.
CHIZ: Isa pang magandang malaman Cely mula sa DOE. Gaano katagal ba silang nagpo-process ng application para magpatayo ng planta? Dahil base sa pagkakaalam ko—pero hindi ko tinitiyak ito, Cely—base sa pagkakaalam ko lamang ito: sa nakaraang limang taon wala pa silang naaprubahan na bagong aplikasyon na power plant. Ang tanong ko, umaakyat ‘yung ekonomiya natin, ‘di ba pinagmamalaki palagi ng Department of Finance ‘yan.
One of the fastest growing tayo sa Southeast Asia ay sumasabay pa ‘yung paglago rin ng suplay ng kuryente dahil kung limang taong walang bago. Tandaan mo, Cely, ‘yung mga bagong in-inaugurate malamang mga pitong taon na ‘yan mula noong naaprubahan kasi humigit-kumulang limang taon magaling ka na niyan para simula sa groundbreaking para i-online na ‘yung power plant. ‘Yung mga in-inaugurate na planta ni Pangulong Marcos inaprubahan ‘yan lahat sa nakaraang administrasyon pa.
Ang tanong ko, sa dalawang taon ni Pangulong Marcos, may inaprubahan na ba ang DOE na panibagong planta? ‘Yung huling tatlong taon ni Pangulong Duterte, may naaprubahan ba ang DOE na bagong planta? Para dapat sana ngayon kung may naaprubahan lang sana sila three years midway through the term of President Duterte, mayroon na tayong in-inaugurate na bagong planta ngayon.
Gusto kong makita ‘yung programang ‘yon. Gusto kong malaman, ilan ba ‘yung nakapila at saan ba. Importante ‘yung saan, Cely, dahil hindi pa naman online ‘yung Luzon, Visayas at Mindanao na grid. May sariling suplay ang Visayas, yung ibang isla nga may sarili pang suplay, may sariling suplay ang Luzon, may sariling suplay ang Mindanao. So saan-saan ba ‘yung mga planta ginagawa?
At Cely, huwag tayong masyadong umasa. Let’s not hold our breath, ika nga. Dahil tandaan mo ‘yung mga nagdaang DOE nag-approve ng pagpapatayo ng power plant ‘yung napakalaking solar power plant dun sa Negros na mahigit pa ‘yung suplay ng power plant na ‘yon kaysa sa ginagamit o kinokonsumo ng Negros na wala namang underwater cable noong mga panahong ‘yon ‘kaya nagbabayad tayo ng systems loss at ‘yon ‘yung binabayaran natin na nagpapataas ng presyo ng kuryente natin ika nga. Bahagi ng systems loss ‘yan, pati na rin ‘yung tariff na sinisingil sa atin noon. So, kung walang ganung klaseng pagpapalano, papaano tayo ngayon? Hanggang ngayon bag anon pa rin tayo o hindi na? Sana nag-improve na tayo kumpara sa dati.
CB: Naku, on that note, Sir, glad to see you. Kasi alam mo naman na nag-alala kami kung anu-ano kasing balita ang lumabas na kesyo in-airlift ka from Sorsogon dahil ganon. So walang katotohanan, Sir, ‘yung mga balitang ‘yon?
CHIZ: Wala ng makuhang flight kaya nanghiram.
CB: Dahil medyo sumama ang pakiramdam mo?
CHIZ: Mataas ang presyon.
CB: Ayon. Anong umabot ang BP mo?
CHIZ: First time.
CB: Anong BP mo? Nag-200 ba ‘yung BP mo?
CHIZ: Daan-daan, Cely.
CB: Daan-daan. So dahil diyan magme-maintenance ka na ulit? Pero alam ko napaka-health-conscious mo pero siguro ano ‘yan part ng—
CHIZ: —Ika nga ng mga doctor, Cely, parang kidlat ito tumatama kahit kanino ang mataas na presyon. At huwag ka magmalaki na kesyo nag-eehersisyo ka, kaysa healthy ka, kaysa ganyan-ganyan parang kidlat. Ika nga, tumatama na lamang at hindi mo alam kung saan, paano, kailan, at bakit.
CB: So at least OK ka na. Nag-alala kasi kami sayo dahil walang sumasagot sa amin.
CHIZ: Salamat sa pag-aalala, Cely.
CB: Maraming salamat at see you on Monday. Baka makalimutan mo, Sir, balik na ‘yung sesyon sa Monday. Mamaya tatanungin ko si Senator Win Gatchalian. Thank you, Sir. Marami pong salamat.
CHIZ: Thank you.