JON IBANEZ (JI): Sa pagkakataon pong ito tayo po ay pinalad na makakausap ang bagong halal na Senate President, si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero. Senate President Chiz Escudero, good morning. Jon Ibanez po. Live na po tayo sa DWIZ Aliw Channel 23.
SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ’ G. ESCUDERO (CHIZ): Jon, good morning. Parang hindi bagay, pero magandang umaga sa iyo at sa lahat ng ating tagasubaybay.
JI: Long time no see, long time no hear, SP Chiz.
CHIZ: Kumusta ka, Jon? I know.
JI: Noong huli tayong nagkita, wala pa akong balbas at bigote.
CHIZ: ‘Di naman, may tumutubo-tubo ng kaunti.
JI: Anyway, medyo pinagagaan ko lang kasi medyo mabibigat ang mga istorya kaugnay sa pagpapalit ng liderato ng Mataas na Kapulungan. And ang unang katanungan ko, Senator Chiz, with your indulgence, OK na ba kayo? Naka-move on na ba kayo at kumusta ang pakiramdam sa bagong mabigat na tungkuling nakaatang sa inyong balikat, Senator?
CHIZ: Patuloy akong nagising sa katotohanan, Jon, na maraming kailangang gawin, hindi lamang bilang senador, kundi bilang ama ng lahat ng opisyal at empleyado ng Senado. So ‘yun siguro ang mas makabago at mabigat na pasanin ko ngayon.
JI: Ano po ang mga priority ng inyong liderato sa pagbubukas muli ng sesyon ng Senado, Senator Chiz?
CHIZ: Well, na mabuo at mabalangkas ang agenda ng Senado na kinabibilangan hindi lamang ng priority measures na inaprubahan sa LEDAC, kundi ang indibidwal na mga priority measures ng mga senador at ng Senado bilang institusyon, priority measures ng Kamara bilang institusyon at priority measures ng mga indibidwal na miyembro din naman ng Kamara at mabuo yan upang mabalangkas naming ang sarili naming tinatawag na na Senate Agenda. Dahil ang 24 hours namin ay parehas ng 24 hours mo, Jon. Hindi naman namin kayang gawin lahat. Hindi naman kami superhero, so kailangan namin planuhin, ayusin at iprioritize ‘yan.
JI: Alright. Pero bago ang lahat, syempre magagawa niyo naman po ‘yan tulong-tulong, pero kung may kooperasyon ng lahat. So Kumusta na po ang relasyon ninyo sa mga kapwa niyo Senador, SP Chiz?
CHIZ: Well, hindi naman kami nag-away kung makikita mo. In fact, ‘yung pangalawa, pangatlong araw yata pinag-preside ko pa si Senator Zubiri sa pagpasa ng panukalang batas na 99 porsyento ay siya ang nanguna at nag-preside sa pagbalangkas nito. Hindi naman kami nagkaaway at matatanda na kami, Jon. Ang pinagdaanan namin at nakita naming ito. Sabay kami pumasok ni Senator Zubiri noong 1998 bilang mga congressman at ‘yan ang Kongreso, Jon, na nagpalit ng Speaker ng tatlong beses sa loob ng tatlong taon, so hindi ito bago sa amin.
JI: Pero ang alam ko, ang natatandaan ko, ang huling nagkaroon ng ganyang kontrobersiya is ‘yung last SONA ni Pangulong Duterte na mismong araw ng SONA niya nagkaroon ng agawan sa House leadership. ‘Yung timing niyo rin kasi sine die adjournment Senator Chiz, ‘di ba?
CHIZ: Magkaiba naman ‘yun, Jon. Ito nga, looking back, ika nga, tila maganda ang timing ng pangyayari para may kaunting panahon para lumamig ang ano mang init para lumipas ano mang meron.
JI: Alright. Marami pong ugong maraming alingasngas kung ano ba talaga ang tunay na dahilan at dumating pa nga sa punto pati ‘yung paa ni Senator Bong Revilla sinabing dahilan. So, sa inyong panig Senate President Chiz, ano po ba talaga ang pinakamalalim na ugat kung bakit kinailangan magkaroon ng palitan sa liderato ng Senado?
CHIZ: Isa lang ang dahilan sa lahat ng pagpapalit ng liderato, Jon, kawalan o kakulangan ng kumpiyansa sa liderato. Kung anuman ang rason sa likod nun indibidwal at kanya-kanya na ‘yun pero kaya kong sagutin at sabihin na ano mang lumalabas na akusasyon o alegasyon ngayon o rason ay hindi ‘yun ang pangunahin at nag-iisang rason dahil pag-aralan at suriin mo ‘yung boto masasagot na hindi totoo ‘yung mga rason na inilalabas sa ngayon.
JI: Alright. At hindi rin po maiaalis, SP Escudero, na may galaw o may basbas ang Malacanang sa mga galawan na ‘yun sa Senado.
CHIZ: Well, unfair din ‘yan at hindi ako naniniwalang manggagaling ‘yan sa miyembro ng Senado dapat dahil, Jon, lahat nang hinahalal, si Senate President Zubiri bilang Senate President wala namang nag-akusa sa kanya niyan wala namang nagsabi niyan. Itinayo namin ang bandera at ipinagtanggol ang bandera ng Senado. Sana ganoon din ngayon dahil ni isang boto wala po ang Malacanang sa 24 na puwedeng bumoto para palitan ang Senate President.
‘Yang pinapakita mong larawan, Jon, hayaan mong sagutin ko ‘yan. pangatlong regular na imbitasyon ng Malacanang ‘yan sa mga senador. ‘Yung unang dalawa hindi ko pinuntahan at hindi ko napuntahan. Ang unang pagdalo ko diyan ay ang pangatlo lamang dahil ang imbitasyon ay sa Senado at mga miyembro nito at bilang bagong tagapangulo siyempre kailangan kong dumalo at magsilbing kinatawan ng Senado. So, ik nga, ‘yung timing man ay ganyan na talaga hindi naman ako ang pumili ng timing at hindi ako ang nag-imbita. Ako ay naimbitahan lamang.
JI: ‘Yun nga po, Senator Chiz, ang sunod kong itatanong ‘yung timing saka bukod po doon sa masarap na dinner na given na ano pa po ang mahalagang nangyari sa Malacanang?
CHIZ: Wala it was purely social event. Halimbawa, si Senator Legarda na hindi kasama sa pagpapalit ng liderato, si Senator Gatchalian ay nandoon din naman. So hindi ‘yun ang rason at dahilan ang pinakamalapit sa trabahong pinag-usapan noong hapunan na ‘yun ay nagkausap si Senator Villar at Pangulong Marcos kaugnay sa RTL. At ayon kay Senator Villar pagkatapos nun, dahil hindi naman ako nanghimasok masyado sa usapan, ay parang may napagkasunduan na sila ni Pangulong Marcos kaugnay sa bersyon ng Senado.
JI: Alright. Binabanggit din po ng iba na kaya sinuportahan ang inyong pagpapalit, ika nga, pagpuwesto niyo sa liderato ng Senado ay may kapalit, meron nga po ba? Bawat senador na nagbigay suporta sa inyo kapalit ‘yung chairmanship or magandang puwesto sa mataas na kapulungan, SP?
CHIZ: Kaunti lang ang ginalaw naming na mga posisyon, Jon, at ulitin ko walang nag-akusa ng ganyan kay Senate President Zubiri nung siya ay naging Senate President. Sana naman ay huwag din gawin ngayon sana naman pangalagaan ng bawat miyembro ‘yung institusyon. Huwag naman ‘yung tayo mismo, kung saka-sakali, ang gumagawa ng isyu tungkol dito. Pero sasagutin na, Jon, ang ibang issue pa para klaro na may kinalaman daw si Speaker Romualdez dito. Bakit yung numero unong kritiko niya na si Senator Marcos, sumama sa amin? May kinalaman daw ito sa “PDEA Leaks” Hearing, bakit chairman mismo ay sumama din sa amin? May kinalaman daw ito sa Charter Change, bakit ‘yung mga kontrang maingay, ako, si Senator Imee ay nandito rin at si Senator Joel na kontra din sa Cha-Cha ay hindi sumam? Sa kaugnay naman sa paa ni Senator Revilla, bakit si Senator Joel na pabor na payagan siyang mag-virtual at ako ang nanghingi ng mosyon na ito ay nasa magkabilang grupo sa isyu na ito? Pwede po silang mag-imbento ng gusto nila kahit sino pa man po gumawa ng intriga at isyu, pero ang simpleng sagot at katotohanan lamang na makikita doon sa boto o, ika nga, doon sa listahan ng Senador na nagnais at hindi nagnanais na magkaroon ng pagpapalit.
JI: Opo. Nabanggit niyo rin lang po ang liderato ng Kamara nakapag-usap na po ba kayo ni House Speaker Romualdez?
CHIZ: Sa telepono noong Miyerkules. Binati niya ako pero hindi pa po kami nagkikita ng personal. Nagkasundo kaming magkita ng personal nitong recess pero hindi pa po nangyayari ‘yon.
JI: And last few questions, with your indulgence.
CHIZ: Okay lang, Jon.
JI: Paano niyo po papatunayan na hindi po kayo rubber stamp ng Malacanang, SP?
CHIZ: Uulitin ko, ‘yung nag-aakusa niyan, nakakalungkot na galing pa sa ibang senador. Walang nag-akusa sa kanila niyan sana huwag din nilang gawin ngayon hindi kailangan patunay sa salita Jon mapapatunayan naman ‘yun sa aksyon at galaw.
JI: At ano po ang maasahan natin sa liderato ni Senator Francis ‘Chiz’ Escudero sa mga susunod na panahon?
CHIZ: Bukas o transparent. Hindi ko itinuturing ‘yung sarili ko bilang amo o boss, kahit nga primus inter pares na first of all o first of many, ang tingin ko nga sa sarili ko tagapagsilbi ng mga miyebro ng Senado, mga opisyal ng Senado at ng sambayanan para magsilbi kaming tagapaghatid ng boses ng ating mga kababayan sa lahat ng issue na kinakaharap natin sa ngayon.
JI: Mapapersonal wala po bang magbabago kay Senator Chiz. In fairness, sumagot ka pa sa text ko after mong manalo bilang Senate President.
CHIZ: Mas busy lang siguro, Jon. Marami nga ang nagtatanong ano bang gimik ‘tong pagt-t-shirt ko. Kayo ang tatanungin ko, tagal ko ng naka-t-shirt ng ganito lang. Kayo ‘tong hindi pumapansin ngayon niyo lang namansin matapos kong mahalal. Pero kung ano ako noon, ganoon pa rin naman ako ngayon.
JI: Ang bagong nakita ko ‘yung hikaw, Senator. ‘Yung hikaw ngayon ko lang nakita.
CHIZ: Mga last year lang ‘to, Jon. Mga bandang June last year kasi nagpabutas si Heart, at least, maranasan ko man lang magkaroon ng hikaw sa pagtanda ko. So sumabay ako sa pagpapabutas. Aba’y masakit pala
JI: Anyway, nasa inyo po ang pagkakataon Senate President Chiz Escudero. Mensahe sa kapwa niyo senador at higit sa lahat sa taumbayan. Go ahead, Sir.
CHIZ: Well, karangalan kong pagsilbihan ang ating mga kababayan bilang tagapangulo ng Senado. Gayundin, pagsilbihan ang aking mga kapwa miyembro sa Senado. Hindi lamang pagkakataon, kung hindi oras at lugar ang hinihiling po naming hindi bilang isang indibidwal bilang isang institusyon na pagsilbihan po kayo kung bibigyan niyo kami ng pagkakataon.
JI: Alright. Hindi po ito ang huli, Senate President Chiz. Tsaka kapag nagkataon, puwede pa tayong magpa-selfie.
CHIZ: Basta may oras, Jon, walang problema. Kasi nagigising ako, madami ako biglang trabaho.
JI: Thank you so much, Sir. Good morning, good luck, at god bless po. Maraming salamat.
CHIZ: Salamat, Jon. Good morning. Sa ating televiewers, good morning.