NETWORK NEWS MORNING EDITION

 

DENNIS JAMITO (DJ): Ngayong araw ng Lunes, mapalad tayong kapiling natin sa linya ng ating komunikasyon ang bagong Senate President ng ating bansa walang iba, Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero. Welcome to the program. Si Bombo Dennis Jamito po ito, together with me, si Bombo Everly Rico.

SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ’ G. ESCUDERO (CHIZ): Bombo Dennis and Bombo Everly at sa lahat ng listeners natin magandang umaga po sa inyong lahat. Dios maray na umaga. Good morning.

DJ: OK. Mr. Senator, maraming excited kung ano ang magiging takbo ng inyo pong pamumuno diyan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso and may mga nabanggit na po kayo na nais niyo pong maisulong ano. Pero sa inyong, kumbaga ay pagtingin, ano ‘yung nais niyong maging prayoridad, lalo’t nakabakasyon po kayo ngayon. Medyo mahaba-haba ‘yung panahon para sa preparasyon. Ano po ang mga prayoridad niyo mismo, Mr. Senator?

CHIZ: Well, maglilinis muna ng bahay, Bombo Dennis, dahil bilang pangulo ng Senado hindi lang naman ‘yung 24 apat na senador ang pinangungunahan at pinangunguluhan ko kung hindi bawat opisyal at empleyado ng Senado bilang isang institusyon. Hindi pa nga ako tapos bisitahin lahat ng opisina ng Senado matatapos ko yan marahil ngayon. At dahil nga ni minsan wala pa yatang Senate President na bumisita raw sa kanilang mga opisina makalipas ang makailang dekada. Importante para sa akin ‘yon upang malaman ang papel na ginagampanan ng bawat isa at kung ano pa ang puwedeng magawa para maisaayos ang serbisyong binibigay ng Senado para sa ating mga kababayan. Ika nga, kung masaya at kontento ang mga empleyado hindi lamang sa kanilang lugar na pinagtatrabahuhan kundi pati sa trabaho na ginagampanan nila walang rason para hindi kami makapagbigay ng dekalidad na serbisyo sa ating mga kababayan.

DJ: Pero Mr. Senate President, nakausap na po ba ninyo ‘yung dating namuno diyan sa Senado, si former Senate President Juan Miguel Zubiri o kung sinuman po sa kanyang kaalyado dahil medyo naging emosyonal sa ilang mga pagkakataon? Nagkaroon na po ba kayo ng tiyansa na makausap personal o kahit tawag sa telepono man lang, Mr. Senate President?

CHIZ: Noong araw mismong ‘yun nagkausap kami. Noong araw pagkatapos noon at noong araw pagkatapos noon hangang mag-adjourn kami nagkausap at nag-uusap kami. Nalulungkot lang ako doon sa mga pahayag kaugnay ng “grupo niya”, “grupo ko”, sinabi ko na yan sa aking talumpati nung ako’y manumpa na iisa lamang ang tingin ko sa Senado. Walang Majority, walangMinority, walang “grupo ko,” walang “grupo niya.” At nagugulat ako sa mga salitang Group of 6”, “Group of 7,” dahil noong siya ang namumuno sa Senado ang tingin naman naming ay iisang grupo kami hindi naming nalaman na may ibang grupo pala sa loob ng grupong ‘yun. At ngayon tila lumalabas na ‘yun nga ang sitwasyon, na hindi maganda at maayos para sa isang institusyon. Majority man o minority, iisang institusyon ang Senado.

DJ: OK. Mr. Senate President, marami din ang interesadong, malaman dahil batid din naman ng nakararami ‘yung inyo pong posisyon dito sa usapin ng Charter Change. May kahihinatnan pa po ba ito or dahil ‘yung kumite na humahawak ng pagdinig dati ‘yung subcommittee, ika nga, ni Senator Sonny Angara ay, well, hindi kayo sang-ayon sa existence po nito. So ano po ang magiging kapalaran ng Charter Change, Mr. Senate President?

CHIZ: Dapat kasi maliwanag, Bombo Dennis, ang papel ng Senado hindi puwedeng kuwestiyonable at duda tayo sa magiging papel ng Senado kaugnay ng pagpapalit ng saligang batas dahil lamang Malabo ang pagkakasulat nito mula sa mga framer ng ating Konstitusyon. Hindi talaga ako sang-ayon diyan at ang pinagkasunduan namin, actually, noon ay hindi na gaano mag-hearing ang kumite na ‘yan. Nagugulat na lamang kami nitong mga nagdaang linggo na biglang dumadami ang hearing at dumadalas ang hearing niyan at umabot pa nga sa punto na pagbobotohan daw maski na matalo. Lalong hindi ako sang-ayon doon. Para sa akin kung maipagpapatuloy man ‘yan, ‘yan ay dapat pangunahan ng chairman ng Committee on Constitutional Amendments na si Senator Robinhood Padilla. Ang pagkuha ng jurisdiction ng isang kumite ay pagpapakita ng tila wala itong tiwala sa kakayahan o sa kapabilidad ng chairman ng kumite na pangunahan ito.

DJ: Mr. Senate President, may katanungan din po ang aking ka-tandem dito si Bombo Everly Rico. Bomb Ever.

CHIZ: Hi, Bombo Everly.

EVERLY RICO (ER): Yes, good morning po, Mr. Senate President. Nabanggit po ninyo na ibig niyo pong makipagpulong kay House Speaker Romualdez para maayos po itong relasyon ng Kamara at ng Senado. Kailan niyo po ito target na aasahan itong pagpupulong na ito at ano po ‘yung mga pagpupulungan pa po ninyo sa pagitan po ninyo ni House Speaker Romualdez?

CHIZ: Sa pagkakaalam ko sa balita ay nagbibiyahe pa yata si Speaker Romualdez. Ako nandito lamang naman ako sa Pilipinas so kung kailan magkatugma ang aming schedule magaganap at mangyayari ‘yan. Inaasahan ko sa loob ng linggong ito. Maliban sa pagsasa-ayos ng relasyon sa Kamara, nais ko rin makita at malaman, ano ba ang prayoridad ng Kamara bilang isang institusyon? Ano ba ang indibidwal na prayoridad ng mga miyebro ng Kamara, upang mabalangkas at mabuo ng Senado ang aming sariling agenda na binubuo ng sariling agenda ng Senado bilang institusyon, mga miyembro, ang priority bills na inaprubahan sa LEDAC upang sa gayon pagsasama-samahin naming ‘yan para makabuo at magbalangkas ng Senate agenda. ‘Yan ang sisikapin kong gawin nitong recess upang sa gayon, pag-resume namin ay mailatag namin ito sa loob ng mga susunod na buwan ngayong taon na ito.

ER: Mr. Senate President, ano naman po ang pananaw po ninyo hinggil po dito sa panibago nga pong polisiya o banta ng China dito sa paghuli daw po sa atin pong mga mangingisda o yung mga illegal po na pumapasok sa kanilang kina-claim po na karagatan doon po sa banda o dako po ng West Philippine Sea, Mr. Senate President?

CHIZ: Alam mo, habang lumilipas ang mga araw, tila patabang nang patabang ang relasyon ng Pilipinas at China. Naniniwala ako na walang anumang hindi pagkakaunawaan na hindi puwedeng maresolbahan sa pamamagitan ng pag-uusap at pakikipag-usap ng dayalogo, ika nga, hiling ko sa pamahalaan gayundin sa bansang China buksan ang iba’t ibang tulay para magkausap at magkaroon ng dialogo at ‘wag ng palalain ang sitwasyong ito. Marahil ang pinakamagandang simula para dito ay pigilan muna ang iba’t ibang nagsasalita kaugnay sa isyu na ito dahil kung mapapansin mo, Bombo Everly, nagsasalita ang Coast Guard, nagsasalita ang Secretary of National Defense, nagsasalita ang Chief of Staff, nagsasalita ang iba’t ibang tagapagsalita ng pamahalaan. Ang huli kong naririnig kong magsalita ay DFA. Sana i-funnel nila sa iisang tagapagsalita lamang kaugnay ng lahat ng issue na bumabalot sa West Philippine Sea pagdating sa posisyon, paniniwala at gagawin ng Executive branch, upang sa gayon hindi maging dahilan ito ng dagdag pang kaguluhan at pag-init sa issue na ito.

DJ: OK. Balik po sa akin, Mr. Senate President, dahil nalalapit na ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at, of course, kasabay po niyan ‘yung pagbabalik ng sesyon ng Kongreso, dalawang kapulungan ‘no. Ano po ang, parang kahit papaano, maasahan ng publiko sa liderato po ninyo bilang bagong Senate President, lalo’t marami ang mga napapaisip na baka ito ang kanyang maging focus? Kayo po, Mr. Senate President, ano po ang inyong assurance sa public na for the welfare of the public ay ‘yung mga bills at iba pa na mga pending po diyan sa Senado ay maasikaso? Mr. Senate President, go ahead.

CHIZ: Well, layunin naming na hindi lamang pantayan kundi higitan pa ang nagawa at hindi makakailang maraming nagawa si Senate President Zubiri noong siya ay pangulo ng Senado. ‘Yan ay nabanggit ko rin noong ako ay, matapos kong manumpa. Ikalawa, ang aking layunin ay tiyakin na ang Senado ay magpapatuloy sa pagtatalakay ng mga panukalang ng may buong ingay. Hindi quantity ang aming habol, Bombo Dennis, kung hindi quality. Kung makikita natin noong nagdaang mga linggo at buwan, napakaraming panukalang batas na tapos na sa bicam, enrolled bill na nga ay ibinabalik pa para may pahabol na pagkakamali, pagkukulang hindi ako sang-ayon dun.

Anumang bagay na minadali natin, madalas hindi maganda ang kinakalabasan. Halimbawa na lamang, pagkain, pagligo o paglakad kapag minadali mo maimpatso ka, hindi mo malilinis ng husto ang pangangatawan mo o baka madapa ka. Hindi pagmamadali ang aking layunin, kundi pagtiyak na tama at ganap na ginagampanan ang trabaho naming bilang inyong mga kinatawan sa Senado at hindi pabaya sa gawaing ito.

DJ: With that, maraming salamat, Mr. Senate President, at good luck po sa inyong pamumuno diyan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso. Good morning.

CHIZ: Bombo Dennis, Bombo Everly, magandang umaga at maraming salamat inyo. Good morning.