SENATE FLAG-RAISING CEREMONY

 

Dalawang-libong opisyal at kawani ng Senado, isang institusyon na kinabilangan ko sa mahigit kumulang labing-apat na taon na, marahil, marami o karamihan sa inyo mas matagal pa ang nilagi dito sa Senado at mas maraming alam kaugnay ng Senado. Ito ang pangunahing rason kung bakit itong nagdaang mga lingo, pinilit kong umikot at ikutin ang kada opisina ng Senado: upang makita kung anu-ano nga ba ang mga opisina mayroon ang Senado dahil ako’y ordinaryong miyembro lamang.

Sa aking pakiramdam at pakiwari, trabaho kong alamin ang bawat opisina, gayundin ang kondisyon ng bawat opisyal at empleyado, upang marinig at mapakinggan din ang inyong mga concern, ang inyong mga ninanais, ang inyong mga mithiin, pangarap at pangangailangan kaugnay ng trabahong marapat at dapat nating gampanan sa ating paninilbihan sa bayan at sa sambayanan.

Nais ko rin gamiting pagkakataong ito para banggitin ang ilan sa mga kakaharapin natin sa mga susunod na buwan at linggo bilang isang pamilya sa ilalim ng institusyon ng Senado. Mag-u-update lang po ako sa ilang bagay. Una, hindi totoo na makakalipat tayo sa bagong gusali, lupa at building ng Setyembre. Hindi rin totoo na aabot tayong makalipat bago matapos ang taon. Kahit hanggang 2025, sa palagay ko’y hindi pa rin dahil marami pang bagay na kailangan ihanda at maraming bagay rin na aming nakita at nagisnan na kailangan pang suriin at pag-aralan. Halimbawa na lamang, kung dito mismo sa ating lumang gusali pinoproblema na natin ang parking. Doon sa lilipatan natin wala rin parking. Mas kaunti pa nga sa mayroon tayo dito. Buti dito may MOA na malapit na puwedeng paradahan, doon ay wala. Kaya dito anong ginagawa natin, sinisikap nating maayos ang parkingan ng empleyado’t bisita ng Senado para sa mas maayos na kapaligiran. Kinuha na natin, hiningi natin at hiniram natin ang lupa gn DPWH sa gawing kaliwa ko para makapagbigay ng humigit kumulang 300 na espasyo para sa parking. Kasalukuyang nakikipag-usap tayo sa SSS para kung makuha naman ang lupa sa likod ko. Sa kabuuan, kaya nating makapagbigay ng mahigit kumulang 1,400 slot para sa mga nagmo-motor at may sasakyan. Singkwenta pesos lang ang bayad. Biro lang. Kaayusan kaugnay sa simpleng paniniwala at prinsipyo ko kapag ka maayos dapat ang lugar na pinagtatrabahuan, kapag ka malinis at masinop madalas o palagi, magiging malinis, masinop at maayos din ang pagtrato natin sa ating kapaligiran na maaapektuhan din ang ating trabaho.

Ano ang nais kong i-review o tignan o suriing muli sa ating magiging bagong tahanan sa BGC? Napagbigay-alam sa akin kasi ang gastos at kosto na kinakailangan para makumpleto ang bago nating gusali. Nang nakita ko ito, medyo nagulantang, nagulat at hindi ko inasahan na ganoon kalaki aabutin ang gagastusin para sa ating magiging bagong tahanan. Sa aking pananaw, masama ito sa panlasa ng karamihan, lalong masama sa panlasa ng mas nakararami nating kababayan, lalo na sa gitna ng krisis sa ekonomiya at sa kahirapang nakikita ng marami sa ating mga kababayan.

Sa ngayon, mula sa orihinal na budget sanang P8.9-B, umakyat na ito sa P13-B. At para raw matapos ito, kailangan pa ng karagdagang P10-B o sa kabuuan P23-B. Para sa akin, medyo mabigat lunukin at kagulat-gulat naman talaga. Inutusan ko na si Senator Cayetano, base na rin sa kanyang rekomendasyon at sulat, na ipagpaliban muna anumang bayarin at gawain hangga’t hindi natin nasusuri at napag-aaralan, tama nga ba ang gastusing ‘yan. May paraan ba para mapababa pa ‘yan? May paraan ba para maisaayos ang ilang pagkukulang din sa building na napagbigay-alam na rin sa amin?

Nakausap ko karamihan sa inyo at nakita ninyo ang lilipatan ninyong mga opisina at, ayon mismo sa inyo, tila mas maliit kumpara sa pinag-oopisinahan niyo ngayon. Bakit pa tayo lumipat sa mas malaki’t mas maganda kung mas maliit din pala at kulang pa rin ang espasyo?

Dagdag pa po dito, nais naming tignan at suriin ang pagkakamaling dinaranasan natin dito na hindi na natin makita doon: bilis o bagal ng internet, koneksyon kaugnay sa trabaho na ating kinakailangan para mas magampanan natin ‘to ng tama at sapat. At iba pang mga bagay na nais naming alamin mula mismo sa inyo upang sa ating paglipat kailan man ‘yon ay tunay na ngang magiging sapat at ganap at tutugon sa ating mga pangangailangan, upang mas lalo nating mapagsilbihan pa ang ating mga kababayan.

Bilang inyong taga-pangulo, magiging bukas ang aming opisina para sa pakikipag-usap at konsultasyon diretso man sa akin o sa pamamagitan ng aming mga staff para tiyak na makarating anumang hinaing at pangangailangan. Iisa lamang po ang maasahan ninyo sa akin, ika nga ni Rey Calinao, “what you see is what you get.” Kung kaya wala naman pong problema kung hindi kaya sasabihin ko rin na hindi kaya. Libre manghingi basta libre ang tumanggi kapag hindi kaya.

Hindi ako naniniwala sa nagpapaasa. Para sa akin, mas malaking kasalanan na paasahin ang isang tao kaysa prangkahin siya at diretsuhin na hangang dito lamang ang kaya. Mas magkakaunawaan tayo at mas magiging malalim ang ating intindihan bilang nabibilang sa iisang pamilya na tinatawag ko nga na Senado. Hindi ko alam kung gaano ako katagal o gaano kabilis na mananatili bilang taga-pangulo ng Senado dahil anumang oras na may sesyon ito ay puwedeng magbago at mapalitan, subalit habang ako’y nandito sisikapin kong gampanan ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya sa pinakamagandang paraan na akin din nalalaman at kinakaya. Hindi ko inaangkin ang lahat ng talino, lahat ng magandang intensyon para sa ating institusyon Kailangan ko po ang tulong ng bawat isa sa inyo kaugnay niyan.

Dalangin ko na sa mga susunod na araw, linggo at buwan, mas magkausap pa tayo, magkaunawaan at hiling ko ang inyong mahalagang mga opinion, kuro-kuro at kuwestiyon kung paano pa natin maayos at maisasaayos ang paninilbihan sa ating mga kababayan. Kung papipiliin po ako gusali o institusyon ng Senado, anumang araw pipiliin ko ang institusyon ng Senado, hindi po ang gusali. Kung papapiliin ako kung building o institusyon, institusyon po palagi at hindi building.

Hindi namin patatagalin itong review at itong inquiry na ito sa pamamagitan ng Committee on Accounts ni Senator Cayetano. Sa lalong madaling panahon, tatapusin namin ito. Gagawa kami ng karampatang rekomendasyon upang ipagbigay alam ito sa Senado mismo at sa inyo na mga kapamilya ko sa Senado. ‘Yun lamang po. Kawawa na ang mga nagpa-derma nabibilad na sa araw. Maraming salamat. Karangalan kong makita at makausap kayo sa umagang ito at magandang umaga sa inyong lahat.