SENATE OF THE PHILIPPINES

 

QUESTION (Q): Sir, ‘yung continuation ng hearing about the New Senate Building tomorrow. Sir, any—

SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ’ G. ESCUDERO (CHIZ): —Mayroon ba?

Q: Sir, mayroon ba kayong directive kay Senator Alan Cayetano? Kasi parang si Senator Nancy, balak niyang bumaba ulit doon sa hearing para lang, Sir, hindi magkaroon ng round two ng sagutan.

CHIZ: Well, nasabi ko na ang pangunahing dahilan at rason kung bakit naghe-hearing kami, dahil hindi cooperative ang DPWH sa review na ginagawa ng Senado. Naging mas cooperative sila pagkatapos ng hearing at sana ay magpatuloy ‘yon. ‘Yung nangyari noong nagdaang hearing sana hindi na mangyari muli sana manalig ang pagiging kalma sa panig at parte ng dalawa naming kasamahan dito sa Senado dahil ulitin ko ang pakay at layunin nito ay simple lamang naman alamin at tiyakin ang gastusin ay maayos, tama at maghanap ng paraan kung paano ito mapapababa.

Q: SP, do you see the need na kausapin si Senator Alan and then si Senator Nancy para hindi sila sa hearing nag-aaway?

CHIZ: Hindi na marahil siguro magla-labindalawang taon na si Senator Nancy dito sa Senado, magla-labinlimang taon na si Senator Alan dito sa Senado—mga beterano na maituturing ang dalawang senador at alam na nila kung ano ang dapat at nararapat at sana kung hanggang kaya, kayang iwasan.

Q: Sir, ‘yung sa ethics complaint ni Senator Nancy, can you walk us through the process paano po ba ‘yon?

CHIZ: Tulad ng ibang ethics complaint sa Senado, may proseso at procedure naman sa Committee on Ethics. Hindi pa nag-o-organize ang Committee on Ethics, pero sa pagkakaalala ko, ang chairman ata ng Committee on Ethics ay si Senator Tolentino so nasa sa kanya kung kailan niya i-organize ‘yung komite at i-schedule ang mga pagdinig pero siyempre magiging pangunahing layunin niya muna bago magkaroon ng pagdinig diyan ay subukin, subukan, subukin na mapagkasundo, maayos ito ng hindi na kailangan dumaan pa sa pagdinig o desisyon o pagpapasya ng Committee on Ethics.

Q: Hindi po public hearing ang Ethics?

CHIZ: Desisyon ng chairman ‘yon. May mga Committee on Ethics noon sa aking karanasan na isinapubliko, may mga Committee on Ethics noon na nag-executive session sila, so depende sa chairman.

Q: Sir, magtatanong lang tungkol kay Mayor Alice Guo. Sir, sabi nung camp niya na parang 50-50 daw ‘yung possibility na um-attend si Mayor Alice. Pakilinaw lang, Sir, kung dededmahin niya, Sir, ‘yung subpoena na in-issue ni Senator Risa kung ganoon ang mangyari?

CHIZ: Kapag nag-issue ng subpoena ‘yan ay under “compulsion of law” na tinatawag. Ibig sabihin, wala sa kapasyahan niya kung siya ay mag-a-attend o hindi. Kapag nag-issue ng subpoena ang husgado man o Senado o ang Kongreso obligado ang testigo na sundin at sundan ito. So hindi ako kumakatig sa kanyang sagot o sa sagot ng abogado niya na desisyon nila ‘yun at call nila ‘yun. Hindi nila call at desisyon ‘yan kapag nag-issue na ng subpoena ang komite. At kung hindi sila dadalo nasa kamay ni Senator Risa kung siya ay magre-request na mag-issue ng warrant of arrest para sila ay puwersahang padaluhin sa pagdinig ng Senado at pipirmahan ko ang warrant of arrest na yon kapag ni-request ni Senator Risa.

Q: Sir, kaso ini-invoke nila ‘yung traumatized daw then ‘yung health issues niya.

CHIZ: Katulad ng ibang dahilan o rason na may kinalaman sa kalusugan kailangang magprisinta ng medical certificate na magbibigay ng sapat na dahilan para hindi dumalo sa pagdinig. Tinatanggap naman ‘yan ng Senado kung ito ay may basehan.

Q: And Sir, kung wala silang makuha na private doctor?

CHIZ: Kung walang makuhang pribadong doctor, na duda ako doon, may doctor ang Senado na puwede silang magpatingin doon o puwedeng ipadala ng Senado para tignan at tiyakin ang kalagayan ng kanyang kalusugan at na siya ay healthy nga ba o hindi na mag-attend ng hearings, base man sa kanyang mental or physical state.

Q: Sir, ‘yun pong arrest order, it’s not necessary that she will be detained here or just to follow po?

CHIZ: Just to compel the attendance in the hearing so ang mangyayari niyan as soon as maaresto siya. Parang kay Pastor Quiboloy, as soon as maaresto mag-schedule agad ng hearing, pero hindi naman agad-agad baka ilang araw bago ma-schedule ang hearing so habang ini-schedule ang hearing siya ay magiging under detention.

Q: SP, magpa-file na raw ‘yung camp niya ng petition for certiorari para ma-settle ‘yung propriety ng pag-attend niya sa hearing. Hindi daw kasi puwedeng pilitin padaluhin si Alice Guo if that only mean testifying against herself.

CHIZ: Karapatan nilang mag-file at magpetition for certiorari pero sa naunang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa mga bagay tulad nito ang sabi ng Korte Suprema ay ito. Totoo nga na may right against self-incrimination ang sino mang testigo na mag-a-appear sa Senado man o sa Kongreso pero ‘yang karapatang ‘yan ay dapat i-invoke kapag may tinatanong na maaaring makapagpa-incriminate sa kanya at hindi pwedeng gamiting dahilan para hindi mag-attend ng hearing ‘yan ang naging basehan at sinabi ng Korte Suprema sa mahaba at maraming desisyon sa nagdaan.

Q: Kung gagamitin niya ‘yung mental health, traumatized siya, nire-require ba ng Senate na magbigay siya ng medical certificate po?

CHIZ: Kung ang gagamitin niya ay ang kalagayan ng kanyang kalusugan syempre ire-require ng Senado ang medical certificate gaya ng sabi ko kung wala siyang makuhang doctor ‘di puwedeng magpadala ng doctor ang Senado para tiyakin at tignan ang kanyang kalagayang medical, psychological man o pangangatawan.

Q: Sir, doon lang sa RAA ‘yung pinasok ng Malacanang at Japan magiging priority ba ‘yun sa iyo?

CHIZ: Oo pero hindi pa sina-submit sa Senado kausap ko kanina lamang nag-courtesy call ang Japanese Foreign minister na pumirma nitong access agreement sa pagitan ng Pilipinas at bansang Japan. Personally wine-welcome ko ang kasunduang ito at isa ito sa mga  kasunduan na magpapalakas sa ating bansa magpapatatag sa ating posisyon  sa rehiyon kaugnay ng issue na kinakaharap natin ngayon sa bansang China sa West Philippine Sea. Pero naniniwala pa rin ako na wala pa rin katapat at wala pa rin kapalit na palakasin natin ng mag-isa ang ating sandatahang lakas bagama’t hindi pa tayo dumarating sa puntong ‘yon ay magandang magkaroon tayo ng kasunduan tulad nito para mapalakas ‘yung ating kasalukuyang kalagayan at sitwasyon bagaman hindi pa dumarating ‘yung aktwal na panahon na minimithi natin na maging malakas na ang ating sandatahang lakas.