PCCI 2ND GENERAL MEMBERSHIP MEETING

 

Maikli lamang ito dahil sabi ko nga kanina, mas nais kong magkaroon tayo ng palitan ng pananaw. Hindi ako narito para magbigay ng mahabang talumpati kundi mas makinig, sumagot sa mga tanungan, bigyang linaw ang ilang agam-agam at dahil isa lang naman yata ang media na nandito. Isa nga lang ba RG? Ikaw lang ‘yung nandito ano? Mas puwede kong sabihin sa inyo ‘yung totoo basta hindi lang niya ire-record.

Sa mga opisyal at miyembro ng PCCI, sa pangunguna ng inyong pangulo na si Ma’am Mina, gayundin sa inyong taga-pangulo na si Sir George, mga iba pang piling bisita, isang maganda at pinagpalang hapon.

Dalawang bagay lamang ang nais kong sabihin. Una, bilang pangulo ng Senado hindi ko tintuturing na lider ako ng dalawampu’t apat na senador. Ang tingin ko sa akin, isa lamang sa dalawampu’t apat na senador, na ang pangunahing tungkulin ay magsilbing tulay at daan para magampanan ng Senado bilang isang institusyon, ang aming mandato at magawa ng dalawampu’t tatlo ko pang ibang mga kasamahan ang kanilang mandato at trabaho bilang kinatawan ng sambayanan. Isang bahagi ng tatlong parte ng Pamahalaan ang Senado, kalahati lamang ng Kongreso. Pangalawang nais kong sabihin at ipabatid, naniniwala akong sa simpleng prinsipyo ng pamahalaan sa mahigit kumulang dalawampu’t anim na taong kong paninilbihan sa gobyerno. Ang papel ng gobyerno ay iisa lamang at simple, gawin at gampanan ang trabahong ayaw at hindi kayang gawin ng pribadong sektor sa abot-kayang halaga. Kung kayang gawin ng private sector, kung gusto niyong gawin at kung abot-kaya ‘yan sa parte ng ating mga kababayan, puwes kayo na ang gumawa niyan. Hindi trabaho ng gobyernong pakialaman, paghimasukan o gawin pa ‘yan. Ang papel ng gobyerno, punuan ‘yung hindi kayang gawin ng pribadong sektor at ialok sa ating mga kababayan sa abot-kayang halaga upang sa gayon sa gayon klaro at maliwanag ang papel na dapat gampanan ng bawat isa sa atin. Nandito ang gobyerno para pumuno, hindi para pangunahan, magdikta, at pagsabihan kayo kung paano kumita ng pera at kung paano palakasin ang inyong mga negosyo at ang ating ekonomiya. Trabaho namin, ibigay sa inyo lahat ng armas at kinakailangan para magawa ninyo ito. Hindi lamang para kumite, kundi para makapagbigay ng karampatang at sapat na trabaho, karampatan at sapat na pangangailangan ng ating mga kababayan. Para imbes na iniaangkat lamang natin mula sa labas, mas ang makinabang at mapakinabangan ay mga serbisyo at trabaho na dito mismo matatagpuan sa ating bansa.

Ang aking pangarap at layunin na sana hindi na kailangan mangibang bansa ng Pilipino para para magkaroon ng sapat na trabahong magbibigay sa kanya ng tamang suweldo at, pangalawa, na ang bawat Pilipino na ipinanganak ng mahirap ay mabigyan ng pantay na pagkakataon sa ating bansa at sa ating ekonomiya.

Tulad nang ipinangako ko, maikli lamang ito, mas gusto kong pakinggan ang inyong mga boses sa pamamagitan ng inyong katanungan. At sa abot ng aking makakaya, sasagutin ko po, kahit English minsan, kung kakayanin ko po. Nakita ko ang aking kaklase sa College of Law si Anton. Hi, Anton. Sa muli, maraming salamat sa pagkakataon and I look forward, answering your questions as honestly and as candidly as I can. Thank you and good afternoon.