Nanawagan si Senate President Francis ‘Chiz’ G. Escudero sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na wakasan ang matagal nang problema ng pagbaha sa Metro Manila matapos malubog sa tubig ang kabisera ng bansa dahil sa bagyong Carina at habagat, na nagdulot ng pagkakaparalisa ng rehiyon.
Nais din ng Senate President na magsagawa ng masusing pagsisiyasat sa flood control projects ng gobyerno sa kabila ng bilyon pisong alokasyon para dito kada taon.
“With Metro Manila now under a state of calamity and the government now working to address the damage wrought by Typhoon Carina, we should also work to determine why—over a decade after Typhoon Ondoy—chronic, severe flooding continues to afflict the nation’s capital,” punto ni Escudero.
Dagdag niya: “Swaths of NCR are flooded so work and classes are suspended; we deploy our frontliners who rescue and evacuate affected families; generous volunteers and groups organize donation efforts and distribute aid; after the rains end, we assess the costs of the damage and evacuees are sent home. Repeat.”
Binigyang-diin ni Escudero na ang paulit-ulit na pagbaha ay isang masakit na katotohanan na mahirap tanggapin, lalo na’t napakahalaga ng Metro Manila sa ekonomiya at ito pa ang sentro ng pamahalaan.
“Ganito na lang ba palagi? Tatanggapin na lang natin na kapag malakas ang ulan, magbabaha at mapaparalisa ang ikot ng buhay natin? Anong nangyari sa ‘building back better’?” tanong ni Escudero.
Sinabi ni Escudero na kailangang makipagtulungan ang DPWH at MMDA sa mga lokal na pamahalaan sa pag-inspeksyon ng mga binahang lugar para makapagrekomenda ng mga medium at long-term na solusyon upang maiwasan at mapigilan ang pagbaha.
“We cannot control the severity and frequency of typhoons and heavy rains, but we must anticipate, adjust, and adapt so that extreme weather phenomena do not unnecessarily disrupt the lives of our kababayan. Sana ang problema na kinagisnan ng ating mga lola at lolo ay ‘wag nang ipamana sa ating mga apo,” ani Escudero.
Kasabay nito, kinuwestiyon din ng Senate President ang pagiging epektibo ng mga hakbang sa pagpigil ng baha at ang paggamit ng malaking badyet na inilaan para sa mga proyektong ito.
Humigit-kumulang sa P255-B ang inilaan para sa flood control projects ng DPWH mula sa P5.768-T National Budget para sa 2024, na nauna nang pinuna ni Escudero dahil sa sobrang laki ang halaga kumpara sa iba pang mahahalagang sektor.
Sinabi ni Escudero na magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Public Works, na pinamumunuan ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., upang matukoy ang mga dahilan sa likod ng tila hindi epektibong mga flood control project sa kabila ng malaking pondo.
Ayon sa kanya, layunin ng imbestigasyon na suriin ang kasalukuyang kalagayan ng mga sistema ng pagpigil ng baha at makabuo ng mga konkretong solusyon upang masiguro na ang malaking pondo para sa mga proyektong ito ay magbibigay ng inaasahang resulta—ang protektahan ang mga komunidad laban sa pagbaha at mabawasan ang epekto ng matitinding panahon.
Sa ginanap na budget deliberation noong nakaraang taon, binanggit ni Escudero na ang P255-B badyet para sa pagpigil ng baha ay higit na mataas kumpara sa mga alokasyon para sa irigasyon (P31-B), sa pagpapagawa ng mga bagong ospital, at pati na rin sa mga gastusin ng Department of Agriculture (P40.13-B) at ng Department of Health (P24.57-B).
Idinagdag pa niya na ang badyet para sa pagpigil ng baha ay mas malaki pa kaysa sa badyet ng ilang departamento, kabilang ang Department of National Defense (P232.2-B) at ang Department of Social Welfare and Development (P209.9-B).