- Thank you, Senate President. Thank you distinguished Majority Floor Leader. I rise to make a brief manifestation in response to the events of recent days.
- Ginoong pangulo, mayroon po tayong kasabihan sa wikang Filipino: kapag nagturo ka ng daliri sa iba, may tatlong daliri na nakaturo palagi pabalik sa’yo.
- Sa mga nakaraang linggo, malinaw na nililihis ang galit ng taumbayan tungkol sa mga ghost at substandard flood control projects— mula sa mga totoong may kasalanan, patungo sa Senado at sa ilang mga miyembro nito. Tila pilit na ginagawang panakip butas ika-nga at fall guy, at dibersyon ang mga Senador, palayo sa Kamara at sa mga tunay na may sala.
- Klarong-klaro po ang script nito: ipitin ang tatlong dating DPWH officials, pakantahin sa kanila, mema- me mabanggit lang na Senador, habang pinagtatakpan ang mga Congressman na tunay na kasabwat nila sa mga lugar na ginagalawan nila.
- Simple ang patunay dito: kapani-paniwala ba na wala silang kinausap na kahit isang Congressmang nakaupo na totoong may hawak ng mga distrito sa lugar na ginalawan nila sa hinaba-haba ng testimonya nila dito o sa Kamara?
- Banggit sila nang banggit, name drop sila nang name drop ng pangalan ng Senador— maski na klara naman kung inyong pakikinggan na wala silang masabing direktang nakausap o binibigyan ng anuman. Lahat ito, para lamang ipako ang mga Senador sa media at sa publiko, at ilayo ang atensyon sa Kamara at mga Congressman.
Bakit nga ba? Dahil tila mas malaking isda ika nga, mas mataas, at mas kilala ang mga Senador kumpara sa Congressman, umaasa sila na maiibsan ang galit ng tao sa kanilang mga anomalya ukol sa flood control, at tuluyan na silang makatatakas mula sa anumang pananagutan.
- Iisang tao lamang, Ginoong Pangulo ang nasa likod ng script at sarswelang ito. Siya ang dahilan ng kaguluhan, pagkaka-away-away, at pagkakawatak-watak na ngayo’y yumayanig sa ating bayan, maprotektahan lamang ang sarili niya.
- Ang pangalan niya ay matagal nang bulung-bulungan sa bawat sulok ng bansa, pero ngayon unti-unti nang sinisigaw na ng taumbayan.
- Pero Ginoong Pangulo, minamahal kong kasamahan bakit tila sa Kamara, dito mismo sa Senado at ang ilang media ay hindi pa din nila kayang sambitin ang pangalan niya.
- Pwes, sasabihin ko: MAR-TIN-ROM-UAL-DEZ!
- Minsan nang binanggit ng mga Discaya ito dito mismo sa Senado ang kanyang pangalan pero agad itong pinabawi nang humarap sila sa Kamara. Binanggit ni Master Sgt. Guteza ang kanyang pangalan, pero ultimo notaryo ay tinunton nila at pinabawi nila ang pagnotaryo. Buti na lang, huli na at nasabi na niya ang pangalan ni Martin Romualdez na pinanumpaan dito mismo sa ating Blue Ribbon Committee.
- Hindi ba’t si Sgt. Ginoong Guteza lamang ang bukod-tanging testigo na walang kinalaman at hindi sangkot sa flood control issue, at walang hiningi na immunity, deal o proteksyon kapalit ng kaniyang pagtestigo? Siya ang kauna-unahang nagtestigo na personal na naghatid ng pera sa bahay mismo ni Martin Romualdez!
- Ang salaysay niya, Ginoong Pangulo ay kumpirmasyon ng matagal nang isinisiwalat nila Congressman Tiangco at Mayor Magalong kung sino ang ulo sa paglilimas sa kaban ng bayan na ating naririnig na rin!
- Ginoong Pangulo, pahintulutan niyo po akong magkwento ng konti upang patotohanan ang mga salitang ito.
- Taong 2023 noong itinalaga si Ginoong Kiko Laurel bilang Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura. Bilang suporta sa kaniyang mandato, tinanong ko noon ang isang simpleng katanungan sa budget process natin: bakit mas malaki ang pondo ng flood control kaysa sa agrikultura?
- Pagkatapos po noon, tinulungan ko siyang bawasan ang flood control budget at idagdag sa 2024 budget ng Department of Agriculture. Aniya, tumawag sa kaniya si Congressman Zaldy Co at pinapatanong daw ni Speaker Romualdez kung bakit binawasan ang pondo ng flood control. Ngunit wala nang nagawa si Congressman Co dahil sinabi niyang pasya ‘yan ng Pangulo.
- Noong termino ko po bilang Pangulo ng Senado, maraming beses po akong tinanong ni Pangulong Bongbong Marcos tungkol sa panukalang budget para sa 2025. Sinabi ko po sa kaniya ang buo at tapat na katotohanan para malaman po niya ang tunay na larawan at sitwasyon ng pambansang budget para sa taong ‘yon.
- Ito marahil, Ginoong Pangulo, Minamahal kong Kasamahan ang isa sa mga dahilan kung bakit pinag-utos ng Pangulo ang pag-veto, pag For-Later-Release o “FLR” at pag-hold ng malaking bahagi ng budget nila.
- Marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit ninais ng Pangulo na matanggal si Congressman Zaldy Co bilang Chairman ng House Committee on Appropriations— dahil sa mga inilahad ko at marahil ay nadiskubre din ng Pangulo sa 2025 budget.
- Hindi malayong, Ginoong Pangulo naganap din ang mga ito noong 2023 at 2024 at mga nauna pang budget kung saan ay napakaraming ghost at substandard projects ayon kay Sec. Vince Dizon at ayon mismo sa talumpati ng ating kasamahan ni Senator Ping Lacson. Ngunit marahil ay walang naglakas loob na sabihin ang katotohan kay Pangulong Marcos, o magsumbong sa kaniya kaugnay sa ilang mga bagay na ito bago ako.
- Nais ko din pong kumpirmahin ang sinabi ni Congressman Toby Tiangco— na ang pag-file ng impeachment complaint laban kay Vice-President Sara Duterte ay ginamit na paraan ni Speaker Romualdez para mag-release ng pondo nila na naka-FLR or naka-“for late release” bago mag-eleksyon, maski na alam po niya na hindi po ito kayang talakayin ng Senado hanggang sa Hunyo pa mula’t mula at mula noong simula.
- Uulitin ko po: ginamit ni Martin Romualdez ang FLR— at ang pangalan ng Pangulong Marcos— upang itulak ang kanilang unconstitutional na impeachment complaint. Sabi nila: pumirma kayo! Dahil kung hindi, hindi ilalabas ang inyong pondo na naka-FLR bago mag-eleksyon.
- Subalit, Ginoong Pangulo hindi ito umubra. Hindi ito umubra dahil tinanggihan ito ni PBBM at sinabi niyang walang ganiyang uri ng usapan at sinabi niyang hindi niya gagawin ‘yon. Kaya’t hanggang ngayon nanatili pa ring For Late Release ang mga kuwestionable na pondo nila.
- And that is why, Mr. President, Distinguished Colleagues, at the height of the impeachment controversy— and amidst the passion of some sectors to remove the Vice-President at all cost, I urged prudence and level-headedness because I knew that greed and not accountability was the reason behind it.
- In the end, Mr. Presdient, the Supreme Court vindicated us by saying, among others: “There is a right way to do the right thing at the right time. This is what the Rule of Just Law means.”
- Ginoong Pangulo, sinisi po sa akin ni Speaker Romualdez ang pagkakatanggal kay Congressman Zaldy Co; sinisi po niya sa akin ang pag-FLR or for late release ng kanilang mga proyekto; sinisi po niya din sa akin ang pag-dismiss sa impeachment complaint laban kay VP Sara na nakikita niyang makakatunggali niya sa susunod na halalan; at sinisi niya din sa akin ang pagkakasira ng kanilang maitim na balakin sa 2025 budget, na nagawa nila nang walang balakid ng mga nagdaang taon.
- Ginoong Pangulo, naging tapat ako at ginawa ko lamang ang aking tungkulin. Kung ano ang tama at nararapat para sa bansa at sambayanan. Subalit, sa kabila po nito, nagsimula na ang lahat ng bira, paninira, at kaso laban sa akin at sa Senado. At ang nasa likod ng lahat ng ito ay walang iba kundi si Martin Romualdez.
- Ika nga ni Mayor Magalong na ngayon lamang sinisiraan na din ngayon: bakit ko ba nilabanan at binisto sila Speaker Romualdez mula noon hanggang ngayon, kung kasabwat at kasapakat nila ako? Hindi ko po gagawin ‘yon.
- Ano nga ba ang ginawa nila sa akin? Una, hinalungkat ang isyu ng campaign contribution na tinanggap ko mula sa isang indibidwal na may-ari ng kumpanyang nakakuha ng kontrata sa gobyerno. Inipit niya ang budget ng COMELEC sa Kamara dahil dito at binusisi ang di-umanong kaso kong ito.
- Subalit, Ginoong Pangulo tulad ng sabi ko nga sa simula ng aking talumpati: kapag nagturo ka ng daliri kanino man, may tatlong daliri na nakaturo pabalik palagi sa’yo.
- Anong nangyari? Hindi ba’t biglang may lumabas na ulat ang PCIJ na ang dami palang opisyal, hindi lang Senador, may mas mataas pa, ay tumanggap din ng ganoong uri ng kontribusyon noong 2022 elections?
- Ang tanong ko ay simple, kung legal at walang mali sa ginawa nila, eh di dapat legal din at tama din ang ginawa ko. Pero bakit ako lang ang iniimbestigahan tungkol dito?
- Higit pa doon, Ginoong Pangulo— hindi ba’t ayon kay Mayor Magalong mayroong 67 na miyembro ng Kamara na “Cong-tractor” ito po ay mga miyembro ng Kamara na may construction firm na nakakuha ng kontrata sa gobyerno. Kung bawal talaga ito big sabihin ba n’yan, bawal na nilang gastusin ang sarili nilang pera para sa kanilang sariling kandidatura? Bakit hindi din ito binubusisi ‘yon, bakit hindi inaalam ‘yon? Ako lang talaga?
- Pangalawa, inintriga ni Martin Romualdez ang dating liderato ng Senado dahil sa pagkakaupo at pagdinig ni Senator Marcoleta sa Blue Ribbon Committee dahil marahil sa pananaw niya ay “hindi siya safe” kay Marcoleta.
- Ngunit, Ginoong Pangulo sahindi niya inasahang pagkakataon noong araw ding iyon, nagsalita ang mga Discaya, pinangalanan ang labing-pitong Congressman na kasosyo niya, kabilang ang pagbanggit ng pangalan ni Martin Romualdez.
- Ito ay isa namang patunay na kapag nagturo ka ng daliri sa iba, may tatlong daliri na nakaturo pabalik sa’yo.
- Pangatlo, sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kung saan ni-name drop ako ni Usec. Bernardo— bagaman inamin niyang personal mismo na hindi niya direkta akong nakausap o binigyan ng anuman — bigla namang tumestigo si Retired Master Seargent Guteza at muling pinangalanan si Martin Romualdez na hinahatiran daw niya ng pera sa mismong bahay nito.
- Gamit ang script niya sa pagturo sa akin ayan na naman may tatlong daliring nakaturo palagi pabalik tuwing ginagawa niya ‘yan.
- Uulitin ko po for the record, Ginoong Pangulo ang sinabi ni Master Seargent Guteza: tatlumput-limang maleta ng pera—na naglalaman ng mahigit kumulang na 48 milyong piso bawat isa o kulang-kulang 1.7 billlion pesos sa isang delivery — ay diumanong hinatid niya sa iba’t ibang bahay sa iba’t ibang pagkakataon ni Martin Romualdez.
- Subalit, sa kabila ng lahat ng ito, hindi ba nakapagtataka kung bakit hindi isinasama si Martin Romualdez sa anumang imbestigasyon ng DOJ man, NBI man, o AMLC man? Noong ako po ay pinuntahan, noong ako po ay dumalo sa imbitasyon ng ICI bilang resource person, banggit ko at tinanong ko ito sa kanila.
- Ganito ba katindi ang kapangyarihang hawak ni Martin Romualdez? Na bagaman hindi siya Speaker, tila “Da Name Dat Cannot Be Mentioned” pa din siya, at nagagawa pa niya ang nais niya kaugnay sa isang mapamiling hustisya o selective justice?
- Halimbawa, bakit ang daming kondisyon bago ipasok ang mga Discaya, na nagpangalan sa maraming Congressman sa witness protection? Pero kapag sila Alcantara, Hernandez, at Bernardo, walang ganoong kaparehong kondisyon?
- Bakit hiniling agad ang freeze order ‘di umano para sa assets ng mga ni-name drop na Senador? Pero, maliban kay Congressman Zaldy Co na mukhang nilaglag na nila, ni isang Congressman, walang request para sa freeze order? Pagdating naman kay Martin Romualdez na dineliveran ng bilyong piso sa bahay niya mismo, ay “we will work on it” lang?
- Bakit interesado ang lahat sa anim na Senador na idadawit kuno ni Brice Hernandez? Na handang-handa tayong alamin sana kung sinu-sino sila para mapag-piyestahan natin sila? Pero nung sinabi ni Brice na hindi pala Senador kundi kundi Kongresista ang papangalanan niya— aba, biglang naglaho na parang bula ang atensyon, parang walang nagtanong, parang wala nang interes para alamin sinu-sino nga ba ‘yang mga ‘yan.
- Nagkataon lang ba, Ginoong Pangulo na ang mga nakaupong Senador na dinidiinan sa ngayon ay ang dating Pangulo, dating Pro-Tempore, dating Punong Mayorya ng Senado— na lahat nagkataon lang din ba na bumoto kontra sa depektibong impeachment kay Vice-President Duterte o talagang tinumbok lang kami?
- In other words, Mr. President: are we truly for transparency and accountability? Or are we merely offering a politically-convenient sacrificial lamb, in an attempt to appease the rage of the people?
- What is painful, Mr. President, is that along the way, reputations have been disparaged and tarnished, innocent persons have been implicated, and the Senate is slowly but surely being destroyed.
- Nagkataon lang po ba ang lahat ng ito, o ito ay sumusunod sa isang script, direksyon at basbas ni Martin Romualdez? Sa kaniyang script na naglalayong ilihis ang galit ng bayan mula sa kaniya, at sa mga kasabwat niya, at ituro ito sa Senado at sa mga Senador?
Ginoong Pangulo, ang script at sarswelang ito ay ‘di uubra dahil napakalayo po nito sa katotohanan, napakasama sa panlasa at, tinitiyak ko sa inyo, hindi po ito matatanggap at lulunokin ng sambayanang Pilipino.
- I have been in public service for 27 years. I have never been accused nor charged of corruption. This is the sterling record which they are trying to tear down and I tell you they will not succeed.
- I will defend myself, Mr. President, against these malicious and false allegations. In fact, I have already filed and will be filing necessary and appropriate charges against my accusers and prove them wrong. And, with the help of the Almighty, I will be vindicated and declared innocent I am sure.
- Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko, Ginoong Pangulo. Ngunit, Ginoong Pangulo, sino po ang nagtatanggol sa ating institusyon?
- Kaya’t ang aking tanging hiling po sana sa inyo, Ginoong Pangulo at sa ating mga kasamahan sa Senado — labanan po ninyo at huwag po ninyong pahintulutan ang mapamiling hustisya na lantarang nangyayari sa harap nating ngayon.
- For what is happening now— selective justice and mob justice. Members of the Senate have been thrown off a cliff and before the court of public opinion— in an attempt to mollify the people’s rage, thereby covering up the real perpetrators and giving them a chance to get away.
- President, I will not allow justice to be weaponized against the innocent to protect the guilty! Because this corrodes the legitimacy of the law before our people’s eyes. Wala pong naniniwala, at bagkus lahat nagtatanong: bakit walang Congressman na kasama sa mga imbestigasyon?
- Ginoong Pangulo, mga minamahal kong kasamahan, huwag po tayong sumunod sa script ni Martin Romualdez. Labanan po natin ang script na ito! Pasagutin at imbestigahan lahat ng ni-name drop at nabanggit na Congressman man, Senador man, at iba pang opisyal— at dapat kasama dito si Martin Romualdez!
- Ginoong Pangulo: hindi ba natin nakikita na pilit tayong pinagaaway-away? Mamamayan laban sa lingkod-bayan; lokal laban sa nasyonal na opisyal; Congressman laban sa kapwa Congressman; at ngayon, Senador laban sa kapwa Senador; pamilya laban sa pamilya; at Pilipino laban sa kapwa Pilipino. Ginoong Pangulo, tandaan po natin, mas madaling manipulahin ang nag-aaway at nagkaka-watak watak na bansa at ito ang eksaktong gusto nilang mangyari.
- Ito, sa aking paniniwala ko, ay bahagi pa din ng script at sarswela na nais palaganapin ni Martin Romualdez, upang lituhin, guluhin, linlangin at sirain ang ating lipunan at bansa para lamang huwag siyang mabisto. Sana ay huwag nating payagang mangyari ito!
- Ginoong Pangulo, tulad ng sinabi ko sa simula ng aking talumpati: sa kada mapang-akusa at mapaghusgang daliri na ituturo ninyo sa inyong kapwa, lalo na kung walang basehan, merong tatlong daliri na palaging nakaturo sa iyo pabalik.
- Sana po maging mapanuri tayo. Huwag dali-daling mag-turo at mag-husga dahil lamang sa napakinggan. Huwag tayong sumabay, kumampi, at magpadala sa script at sarswela ni Martin Romualdez.
- Kung kayo ay kakampi ni Martin Romualdez, sumunod kayo sa gusto nila!
- Maniwala kayo sa sinasabi ng mga testigo niya na nagtuturo sa mga Senador;
- Ibuhos ninyo ang galit sa Senado at mga Senador, at palayo kay Martin at mga Congressmen;
- Pagdudadahan at siraan ninyo si Sgt. Guteza na bukod-tanging na ‘di nakinabang, walang bahid, at walang hininging anuman kapalit sa pagsabi ng katotohanan;
- Huwag ninyong payagan mabanggit man lang ang pangalan ni Martin Romualdez;
- Huwag ninyong payagan na ipatawag si Martin Romualdez sa anumang imbestigasyon;
- At huwag ninyong payagang imbestigahan si Martin Romualdez at mga kasamahan niya saan mang lugar!
- Ako, Ginoong Pangulo? Hindi ako kakampi ni Martin Romualdez! Kaya lalabanan ko siya at lahat ng panglilinlang niya!
- Papatunayan ko na hindi totoo ang mga panggigipit at paninira ng mga testigo niya laban sa akin at mga Senador;
- Tututulan ko ang paglilihis at dibersyon na ginagawa niya, palayo sa kaniya at sa Kamara;
- Hindi ko papayagang siraan ang mga Senador, pagaway-awayin tayo, at sirain ang institusyon ng Senado;
- Pinaniniwalaan ko at saludo ako kay Sgt. Guteza, at iba pang katulad niya, sa paglabas ng katotohanan;
- Hindi ako matatakot na banggitin ng paulit-ulit ang kanyang pangalan Martin Ronmualdez;
- At ipaglalaban kong ipatawag at imbestigahan si Matin Romualdez at lahat ng kanyang kasangkot at kasama.
- Ginoong Pangulo, mga minamahal kong kababayan:
- Kung nais niyong lumitaw ang katotohanan;
- Kung nais niyong panagutin ang tunay na salarin;
- At kung nais makulong ang tunay na may kasalanan;Huwag ninyong kampihan si Martin Romualdez!
- Punitin natin ang script ni Martin Romualdez!
- At higit sa lahat, huwag magpadala, huwag sabayan, at huwag maniwala sa sarswela na nilalako ni Martin Romualdez!
Maraming salamat po Ginoong Pangulo at magandang hapon po sa ating lahat.