STATEMENT OF SEN. CHIZ ESCUDERO ON THE SCHOOL SHOOTING IN ZAMBOANGA

Ipinaaabot ko ang taos‑pusong pakikiramay at panalangin sa pamilya ng mga biktima ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University. Dalawang buhay ng mga menor de edad ang nawala, at may mga nasugatan pa, dahil sa karahasan, at ito ay isang trahedyang lubhang nakababahala at hindi na dapat maulit pa.

Hindi lamang ito nagdulot ng matinding dalamhati sa kanilang mga pamilya, kundi nag-iwan din ng malalim na trauma sa buong komunidad at sa mga batang nakasaksi sa pangyayari.

Ang sunud-sunod na insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan nitong mga nagdaang buwan—mula sa mga kaso ng pananaksak sa Cavite, hanggang sa pamamaril sa Tacloban at Zamboanga—ay malinaw na senyales ng lumalalim na problemang panlipunan. Kabilang dito ang usapin ng gun safekeeping, seguridad sa paaralan, mental health, at ang patuloy na exposure ng kabataan sa mararahas na online content at e‑games. Hindi na ito maaaring ipagwalang-bahala.

Sa kabila ng mabigat na trabaho ng Senado ngayon, kabilang ang pagganap bilang impeachment trial court, at sa dami na rin ng mga panukalang batas na nakapila, hindi maaaring maisantabi ang mga usaping may agarang implikasyon sa seguridad ng kabataan.

Kailangan din natin maisama sa mga priority bills ang pagrepaso sa Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006. May nakapaloob mang mekanismo para sa accountability at rehabilitasyon ng mga menor de edad na lumabag sa batas, ngunit kung may mga puwang sa implementasyon, tungkulin nating tukuyin at ayusin ang mga ito.

We need to act fast. Dapat bukas ang mga mambabatas sa anumang pagbabago at tingnan ang pagkakataon para  ayusin, pabilisin, at tiyakin na mas maayos ang mga batas na ating ipapasa alang‑alang sa interes ng ating bansa at mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan. Kung hindi na tumutugon sa pangangailangan ng panahon, tungkulin naming ayusin at iakma ang mga ito.