ACCEPTANCE SPEECH AS SENATE PRESIDENT

 

Una sa lahat, nais kong pasalamatan si Senate President Zubiri sa kanyang talino, sa kanyang galing, sa kanyang pasensya, sa kanyang kasipagan, sa kanyang hindi mapagkakailang pagmamahal sa bayan, at gayon din sa institusyong ito, at sa ating mga kababayan.

Hindi matatawaran ang ligayang sabihin sa naging talumpati ni Senate President Zubiri ang lahat ng mga tagumpay na nakamit niya sa loob ng mahigit ng dalawang taon at gayundin ang lahat ng mga pagbabagong nagawa para sa loob at labas ng bulwagang ito. Si Senator Zubiri ay nakilala ko noong 1998 kasabay ni Senator Cayetano. Tulad nang sinabi niya, “Spice Boys” ang tawag sa kanila noon, “Bright Boys” ang tawag sa amin noon. Kami kumampi sa kabilang panig. Magkaibang kulay ang aming dinala, subalit sa labas ng ilaw ng kamera, sa labas ng mga debate sa Kongreso, hindi nagbago o nag-iba ang aming relasyon. Minsan sabi nga ni Alan, nagkakainitan, nagdedebate pero kailanman hindi nabago ang relasyong iyon habang dumaloy ang taon.

Magkasingtagal na kami ni Senate President Zubiri sa Senado at sa Kongreso. May kaunti lang ako na papel na ginampanan bilang gobernador sa aming lalawigan ng Sorsogon. My hats off to you, Senate President Zubiri. I salute you, and I hope I will make you proud. You especially, among our other colleagues. And hopefully, you will not leave my side whenever I ask you for guidance. Whenever I ask for help, and whenever I ask for your wisdom. Mas malayo po at mas marami kayong alam sa akin lalo na bilang taga-pangulo ng Senado. Sana magkasama pa tayo sa mga bagay na ‘yan sa mga darating na panahon.

Binabati ko rin ang ating Majority Leader na si Senator Joel Villanueva at ang ibang nagbitiw sa kanilang mga posisyon. Hindi ito ang katapusan ng ating pagtatrabaho ng sama-sama dito sa Senado. Lalo na si Senator Joel, alam ko ay maraming gabi ang kinuha natin mula sa kanyang asawa, mga anak, at pamilya dahil nagsusunog siya ng kila dito sa floor ng Senado para maipasa ang mga mahahalagang panukalang batas na kailangan ng ating mga kababayan.

Walang “my team”, walang “your team” para sa akin. Walang “SP Migz”, walang “Chiz” para sa akin. Ang tingin ko sa bawat isa sa atin ay mga miyembro ng nag-iisang Senado. At kung may kulay man tayong dadalhin, para sa akin, ang mga kulay na ‘yan ay dapat sumasagisag sa bandila ng Pilipinas na hindi naman nagkataon lamang na nasa likod ko at nasa harapan natin ngayon. Kulay na puti na sumasagisag sa pagkakapantay-pantay ng bawat Pilipino. Kulay na pula na handa tayong pumatay, hindi lang palaging mamatay alang-alang sa ating kalayaan ng ating bansa. Asul, pagkakaroon ng Pilipinas ng sariling lahi na kakaiba sa ibang mga lahi kaya walang puwedeng magsabing pabor sinuman sa isang bansa. Tayong lahat, naniniwala ako, pabor sa Pilipino, at sa Pilipinas. At pinakahuli, dilaw ang araw at mga tala. Sumasagisag sa mga mataas na pangarap ng ating mga kababayan. Mataas na pangarap natin para sa ating mga kababayan, upang sa gayon, makamit nila ang matagal nilang minimithi na tunay na tulong at pagkalinga mula sa nasyonal na Pamahalaan.

Nawa’y sa bawat salitang bibigkasin natin dito, awa’y sa bawat gawain na ating gagawin dito,  palagi tayong mapaalalahanan ng mga importanteng bagay na ‘yan ng ating bandila na sumasagisag sa bansa, at sa sambayanang Pilipino. Maraming salamat po muli sa tiwala at nakahanda po akong pagsilbihan kayo sa anumang makakaya natin habang sabay-sabay nating pinagsisilbihan ang bansa at ang samabayanang Pilipino.

Thank you to my colleagues and thank you, everyone.