ANG KABUHAYAN PARTY-LIST, SUPORTADO ANG BALIK-SENADO NI ESCUDERO

 

Idineklara ng Ang Kabuhayan Party-list ang buong pagsuporta nito sa kandidatura ni Sorsogon Governor Chiz Escudero para sa Senado sa Halalan 2022.

Sa isang pahayag, sinabi ng partylist na kaisa ito sa adbokasiya ng beteranong mambabatas na maisulong ang people empowerment sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa micro, small and medium enterprises (MSMEs), kung saan nabibilang dito ang karamihan sa sektor ng agrikultura, na patuloy na nasasapul ng pandemya na halos magdadalawang taon na.

“Pinapapurihan namin si Senator Chiz, lalo na sa kanyang panawagan sa mga dati niyang kasamahan sa Senado na tingnang mabuti ang mga nilalamang ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) Agreement bago desisyunan sa plenaryo ng mataas na kapulungan,” anang Ang Kabuhayan.

Matatandaan na pinaalalahanan ni Escudero, na kumakandidato para sa bagong anim na taong termino sa Senado, ang mga senador na pag-aralan munang mabuti ang mga nilalaman ang kasunduang pangkalakalan bago ito aprubahan.

Nanawagan ang beteranong mambabatas sa mga senador na tingnan ang anumang maaaring pangmatagalang epekto ng RCEP sa agrikultura, lalo na sa mga mga magsasaka at mangingisda na silang pinakamahirap sa Pilipinas.

Pinasalamatan ng Ang Kabuhayan si Escudero dahil sa kanyang pagtatanggol sa MSMEs sa sektor ng agrikultura, na ayon sa partylist, ay may mga pangamba sa nasabing trade agreement.

“Pinasasalamatan namin si Governor Escudero dahil sa kanyang pagtindig na labis naming hinahangaan dito sa Ang Kabuhayan Partylist. Hinahangad namin ang tagumpay ni Senator Chiz sa kanyang balik-Senado at tinitiyak namin ang buong pagsuporta ng Ang Kabuhayan sa kanya,” laman ng pahayag.

Bukod sa Ang Kabuhayan, sumusuporta rin sa kandidatura ni Escudero sa Senado ang mga party-list group na An Waray, ARISE, BHW, Kusog Bikolandia, at Magdalo. Maging ang Federation of Free Farmers, na may 200,000 kasapian sa buong bansa, ay inendorso rin ang beteranong mambabatas.

Si Escudero ay kinuha sa senatorial slates ng mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan, Senator Ping Lacson at Senate President Tito Sotto, at nina Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza. At nitong kamakailan lang, personal din siyang pinili ni UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte at pati na ng mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP.