BAGONG TRADE AGREEMENT, PAG-ARALANG MABUTI BAGO DISISYUNAN NG SENADO – CHIZ

 

Hinihimok ni senatorial aspirant at Sorsogon Governor Chiz Escudero ang mga senador na pag-aralang mabuti ang mga nilalaman ng kasunduan sa ilalim Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) dahil sa aniya’y sa mga nagbabanggaang interes ng mga negosyante at magsasaka sa bansa.

Ang RCEP ay isang free trade agreement na may pinakamalawak na sakop sa buong mundo kung saan miyembro ang 15 bansa na kinabibilangan ng Pilipinas.

Kahit may basbas at pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RCEP at nagkabisa na ang trade pact simula Enero 1, 2022, hindi pa rin ito maipatutupad sa bansa dahil hindi pa ito ratipikado ng Senado.

“Kung tama ang sektor ng agrikultura sa kanilang sinasabi, tama ba na alisin natin ang 75% ng tariff restrictions sa mga produktong agrikultura galing ibang bansa? Ano ang pangmatagalang epekto nito sa ating mga magsasaka at mangingisda, eh sila na nga pinakakawawa?” ani Escudero na isang beteranong mambabatas.

Kanyang binigyang-diin na palagi na lang pag-import ang nagiging takbuhan ng pamahalaan sa tuwing sinasabi nito na may kakulangan sa pagkain. Nito lamang, inihayag
ng Department of Agriculture na mag-aangkat ito ng 60,000 metric tons ng isda dahil kakapusin daw ang bansa nito sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon.

“Hindi ba tayo kaawa-awa nito? Tayo ay isa sa may pinakamalawak na karagatan sa mundo pero nag-iimport tayo ng isda para may makain ang mga Pilipino? Bakit tayo naging ganito? Para sa akin, isa itong palatandaan na hindi talaga napapangalagaan ang mga kapakanan ng ating mga magsasaka at mangingisda. Mas mabuting pag-aralan munang maigi ang lahat ng trade agreements na ating pinapasok, lalo na’t sila ang una-unang nasasapul ng mga ito,” ani Escudero.

Sa mga numero mula sa Philippine Statistics Authority noong 2018, makikita ang pagtindi ng kahirapan sa hanay ng mga magsasaka (31.6%) at mangingisda (26.2%).

“Hindi puwedeng malalaking negosyo lang lagi ang makikinabang. Sa ngayon, ang naririnig natin na nagmamadaling i-ratify ito ng Senado ay malalaking exporters at traders, ngunit patuloy ang oposisyon mula sa mga nasa sektor ng agrikultura. Sa tingin ko ay dapat pagtuunan ng panahon at busisiing mabuti ng ating mga senador ang RCEP. Hindi kailangang magmadali—kailangang maging sigurado,” ani Escudero.

Sinabi ng dating senador na maganda rin ang naging pangako ng World Trade Organization (dating General Agreement on Tariffs and Trade o GATT) noong 1994 subalit hindi naman ito naging katotohanan kung kaya nangangamba siya na posibleng matulad din dito ang RCEP.