Nagdeklara ng pagsuporta ang may 200,000 miyembro na Federation of Free Farmers (FFF) para kay Sorsogon Governor Chiz Escudero na kumakandidato sa Halalan 2022 para sa bagong anim na taong termino sa Senado.
Ayon sa FFF, na itinuturing na isang malaking organisasyon na binubuo ng mga magsasaka, mangingisda, at pati ng mga kasama (tenants) at manggagawang bukid sa bansa, karapat-dapat na ibalik sa Senado si Escudero dahil sa kanyang adbokasiya na maisulong ang mga interes ng sektor ng agrikultura.
Inanunsiyo noong Martes ni FFF board chairman Leonardo Montemayor, na agriculture secretary sa ilalim ng administrasyong Arroyo, ang pag-endorso kay Escudero ng FFF, na isang epektibong non-government organization (NGO) ng mga manggagawa sa kanayunan sa Pilipinas, ayon sa Food and Agriculture Organization ng United Nations.
Ayon kay Montemayor, ibinase nila ang kanilang desisyon sa mga di-matatawarang nagawa ni Escudero pagdating sa serbisyo-publiko at sa masasandigang pagsuporta nito sa sektor ng agrikultura, tulad ng pagtindig nito sa ilang mainit na usapin sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) free trade agreement.
Matatandaan na pinaalalahanan ni Escudero, na isang beteranong mambabatas, ang kanyang mga dating kasamahan sa Senado na pag-aralan munang mabuti ang mga nilalaman ng RCEP bago ito desisyunan sa plenaryo ng mataas na kapulungan.
Nanagawan siya sa mga senador na kanilang tingnan ang anumang maaaring pangmatagalang epekto ng RCEP sa agrikultura, lalo na sa mga mga magsasaka at mangingisda na silang pinakamahirap sa Pilipinas.
Ang mga grupong kasali sa FFF ay tutol sa pagpasa sa nasabing trade pact dahil hindi pa handa ang local producers na makipagsabayan sa ibang sa ilalim ng kalakaran sa RCEP.
Ang FFF ay ang unang NGO na sumuporta sa balik-Senado ni Escudero. Bago ito, inendorso si Escudero ng mga party-list group na Ang Kabuhayan, ARISE, An Waray, Kusog Bikolandia, at Magdalo.
Noong nakaraang taon, si Escudero ay kinuha sa senatorial slates ng mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza.
Personal din siyang pinili ni UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte at pati na ng mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP.