BALITANG SAPOL

 

JUN MENDOZA (JM): Tampok po natin sa ating balitaktakan ang nagbabalik sa Senado, Sorsogon Governor Chiz Escudero sa programang Balitang Sapol.

GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Yes. Jun, Karol, sa lahat ng ating taga-subaybay magandang hapon sa inyong lahat at karangalan kong makapiling kayo sa hapong ito. Pagbati mula sa lalawigan ng Sorsogon.

KAROL DI (KD): Naku sabi, nabanggit po kanina medyo maulan daw po sa Sorsogon. Anyway Gov bago pa po maputol ‘yong ating usapan dahil sa internet connection, kumustahin po muna natin ang inyong kampanya.

CHIZ: Hindi pa nagsisimul, Karol, dahil meron akong trabaho dito sa lalawigan ng Sorsogon tsaka maraming mga bumibisita ritong kandidato na papel kong dapat gampanan ang asikasuhin, alagaan sila ano man ang kanilang partido dahil una ko nang nadeklara, bubuksan ko ang aming lalawigan sa lahat ng kandidato para makilala ng aming kababayan lahat ng tumatakbo sa anumang pwesto national para makapili sila ng tama at wasto. ‘Yong huling bibisita yata sa amin ay sa March 5. So matapos n’on pwede na akong mag-ikot ng weekends. Ako lang kasi Jun at Karol ang tumatakbo na nakaupong gobernador, hindi tulad ng ibang nasa pribadong sektor na pwedeng 24 oras mangampanya. May kailangan akong gawing trabaho dito na hindi ko pwedeng iwanan o pabayaan lamang.

KD:  Pero Governor, so far-

JM: Pero Governor Chiz, partida na ito ‘no sa iba pang mga kasabayan niya ngayong 2022 Election dahil ‘yon nga nakaupo siya, may trabaho pa siya pero sa mga surveys nangunguna kayo at sa katunayan pinagpipilian kayo, Lacson-Sotto, Leni-Kiko meron din Pacquaio-Atienza nililigawan kayo. Sa ngayong ho ba meron na kayo talagang, saan ho kayo mas malapit ho Governor Chiz Escudero, Sir?

CHIZ: Nasa edad na ako, Jun, na kakilala ko, nakatrabaho ko at kaibigan ko ang lahat ng tumatakbo. Kaya hindi ganoon kadaling pumili. Pero gaya ng sinabi ko, ayokong magbigay ng maagang pagpapasya dahil baka mahiya baka hindi na makabuwelo ‘yung mga kababayan nating may napupusuan na sa ngayon. At saka kahit naman kayo Karol, Jun wala namang nagtatanong ng boto niyo kaya nga secret balloting ang tawag sa eleksyon. So, mas nanaisin ko na iboto ‘yung talagang nasa puso ko nang hindi ko naman kailangan isigaw o ipagsigawan ‘yon. Para sa gayon, buwelo ang lahat na makakampanya at buwelo din lahat ng kababayan ko na piliin kung sino talaga ang nasa puso nilang iboto.

KD: Governor, curious lang po ako ‘no kasi meron na pong tatlong tandem na nag-endorso sa inyo pero nabanggit niyo rin po kanina na hindi pa po talaga kayo nagsta-start ng inyong kampanya but anyway kahit anong mangyari, leading pa rin po kayo sa survey does this make you confident that you will get a Senate comeback?

CHIZ: No, Karol. Turo sa akin ‘yan noon pa man ng mga guro ko sa politika at eleksyon, kung sino man ang mataas ‘wag magmayabang, magmalaki at magkumpiyansa at kung sino man ang mababa ‘wag mainip, magalit o maasar. Mahaba pa ang kampanya at marami pang puwedeng mangyari na ikaw ang lamang ngayon o kung sino man ang lamang ngayon, siyempre malaking bagay ‘yon pero hindi ‘yan mananatili kung hindi ka ika nga ‘running scared’, hindi man ako nakakakampanya ng kasing aga nung iba dahil may trabaho ako, sa totoo lang, Karol, mas malaki ang mawawala  sa akin kapag pinabayaan ko ang trabaho ko dito at mapintasan at mapuluan ako na nangangampanya’t namumulitika na lamang at tinalikuran na ang sinumpaang tungkulin ko bilang gobernadora hangang June 30.

Pero kaugnay ng binabanggit mong pag-adopt ng mga kandidato, marami ang nagsasabi, nagkukwestiyon na bakit ‘yan, ano ba naman ‘yan, namamangka sa ilang ilog. Sa akin, wala naman akong ineendorso pa at pangalawa, mas ninanais kong makita na may pinagkakasunduan, may common grounds ika nga ‘yong mga magkakatunggaling kandidato sa pagka-presidente kaysa naman lahat ng bagay ay pinag-aawayan na nila. Kung may common grounds sila ngayon, bago mag-eleksyon baka makahanap din sila ng common grounds o pagkakaisahan nila pagkatapos ng eleksyon dahil sa totoo lang sa laki ng problema ng bansa kailangan natin ng tulong ng bawat isa kakampi man o kalaban sa halalang ito.

JM: Governor, malinaw ho sa mga kababayan natin na tapat kayo sa inyong commitment bilang ama ho ng probinsya up to the last hour ika nga ay gagampanan ninyo ang inyong trabaho bilang gobernador. Ano ho ang nagtulak sa inyo na bumalik sa pagka sa isang national position o bumalik sa Senado. I understand meron ho kayong isa sa mga interviews na nabanggit ninyo na wala na kayong balak na sumabak pa sa national position ho, Governor, Sir.

CHIZ: Tama ka dun pero nangyari ang pandemya Jun at nadiskubre at nakita ko at naliwanagan kaming lahat dito na gaano man kagaling na trabaho ang gawin ko bilang gobernador ng lalawigan, may hangganan lamang ang mararating ng aming probinsya. Kung hindi aangat ang buong bansa mula sa pandemyang ito, kahit anong tumbling ika nga o kahit anong sipag o kahit anong taas ng talon na gawin ko rito para pagandahin ang aming lalawigan, may hangganan pa rin ‘yon kung ang bansa natin ay mananatiling lugmok dulot ng pandemyang ito.

Halimbawa na lamang, sa loob ng dalawa’t kalahating taon, siguro po 80 porsyento ng aming mga barangay nakonekta na namin ang kalye. Nakapag-ISO certification kami 2001-2015 sa lahat ng ahensya ng pamahalaang panlalawigan pati siyam na hospital namin. Sa katunayan, anim sa labinlimang bayan namin dito kabilang ang City of Sorsogon ay ISO certified na rin. Kami ang nangunguna pagdating sa UHC implementation pero may hangganan pa rin ‘yon. At kung hindi aangat ang buong bansa at ekonomiya ng buong bansa, hindi namin mararating din ‘yung gusto naming marating bilang mga Sorsoganon at bilang mga Bicolano.

Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit inaalok ko ang aking sarili para muling maging miyembro ng Senado dahil sa bigat ng problema ng bansa all hands-on deck ika nga. Kung may maiaalok ka, ialok mo na ngayon pa lamang dahil kinakailangan ng sambayanan ang tulong ng bawat isa. Ang inaalok ko Karol, Jun ay ang aking karanasan, kung anumang kaalaman at eksperyensya, kung anumang napag-aralan at anumang nalaman ko mula sa lokal na pamamahala. Ika nga kakayahang magbigay ng siguradong direksyon at solusyon, sana para sa buong bansa at hindi lamang sa aming lalawigan.

KD: Gov, ang isa ko pang question sana is tumakbo na po kayo as vice president noong 2016 and nabanggit niyo rin po na mabigat ‘yung kinakaharap na problema ng bansa lalo pa na nasa gitna pa rin tayo ng pandemya. Why did you not seek for vice presidency or presidency? Why decide for a Senate comeback instead?

CHIZ: Ibalik natin ‘yung tanong sa mga tumatakbo. Sa bigat ng problema ng bansa ngayon, sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung bakit ang daming tumatakbo bilang pangulo at ikalawang pangulo na sana may mga solusyon na maaaring maialok sa ating mga kababayan.

Ang pangunahing dahilan talaga ay personal, Karol. Mahirap naman ‘yung habambuhay kang nangangarap ng mataas na posisyon na naka-suspended animation ang buhay mo. Marapat sa bawat isa sa atin tanggapin kung ano yung kayang marating ng ating mga tala, ika nga, o ng ating kapalaran at huwag ng ipagpilitan ang isang bagay na hindi naman talaga para sa ‘yo. Hindi ko naman kailangang panghawakan o humawak ng mataas na puwesto. Kaya mo naman tumulong sa mas mababa o hindi pa nga kahit walang puwesto nasa pribadong sektor man o sa pamahalaan.

Dalawampu’t isang taon akong nasa lehislatura. Nangyari ang pandemya at may malaki tayong problema, so nais ko muling ialok ang aking nalalaman sa lehislatura hindi lamang para sa aming lalawigan pero para sa buong bansa. Gaya ng sabi ko, kung hindi gaganda ang ekonomiya ng buong bansa may hangganan ang mararating namin dito sa lalawigan ng Sorsogon.

JM: Alright. Ito lang curious lang ako Gov kung mayroon bang nanligaw sa ‘yo na maging ka-tandem na babalik bilang tandem nila sa ngayong 2022 o kung mayroon bang ganoon? Or ‘yung nabanggit ho ninyo, nadala na ba ho kayo nung resulta noong 2016 kaya mas pinili niyo ngayon na tumakbo na lang, bumalik na lang sa Senado?

CHIZ: Walang nag-alok sa akin tumakbo bilang katandem nila. Pangalawa, hindi sa nadala pero ika nga isang daan at sampung milyon na ang Pilipino kung hindi ko pa kayang gawin ‘yon tiyak ko mas may kayang gumawa nun, mas may magaling pa sigurong mas pipiliin ng tao nakaukit sa kanyang tadhana o nakaukit sa kanyang mga palad. Kung hindi para sa akin ‘yon, hindi para sa akin na pilitin din ‘yon. At sa totoo lang para matigil na rin ‘yung mga nangungulit, noy tumakbo ka sayang naman ang galing ganyan-ganyan-ganyan puwede mong idulog. “Tama na, darling. Sinubukan ko na ‘yan. Natalo na ako. Okay na ‘yon.” Huwag na nating pagpilitan pa ‘yung isang bagay na hindi naman talaga nararapat sa kasong ito para sa akin.

KD: Gov. Chiz, you’ve been in the Senate for too long. You know the ins and outs. ‘Yung pagbabalik mo sa Senado, ano ang iyong mga priority na legislation?

CHIZ: Dalawang aspeto ang aking magiging prayoridad. Una, taunang budget. Ang pinakamahalagang batas na ipinapasa ng Kongreso ay ang taunang budget at ang depinisyon ko sa governance ika nga ay simple lamang. Governance is simply about one thing and one thing only. Allocation of scarce resource. If you’re able to allocate scare resource then you govern properly already. Ang tingin ko sa national budget sa GAA, ika nga, ang taunang budget ‘yan ang tulay, ‘yan ang susi, ‘yan ang daan para sa muling pagbangon ng ating bansa. Kung magagastos natin ng tama at maa-allocate ng tama ‘yan, pati ang pribadong sektor sasabay sa muling pag-ikot ng ekonomiya ng ating bansa.

Ang pangalawa ay dulot at karanasan ko bilang local government official. Napakaraming magagandang ginawa, nagawa ang mga lokal na pamahalaan- governor man or mayor ng munisipyo man o ng siyudad sa ating bansa.

Layunin ko kung makabalik muli sa Senado bigyan ng mas malawak at malaki na buwelo ang mga local na pamahalaan dahil sa totoo lang mas alam nila ang kailangang gawin sa kani-kanilang lugar kahit sa sinomang kalihim o national official. Kahit gaano pa siya kagaling o katalino, walang makakatalo sa alam ng lokal na opisyal kung ano ang mga dapat gawin sa kani-kanilang mga bayan at lalawigan.

Halimbawa na lamang itong IATF. Karamihan ng kanilang ipinalalabas ay aplikable lamang sa Metro Manila at hindi aplikable sa mga probinsiya. Kung hinayaan na lamang sana nila kaming gawin kung ano ang tingin naming ay kailangang gawin namin dito, siguro ay mas hindi kami nahirapan na hawakan at kontrolin ang pandemya katulad ng nakita natin sa nagdaang panahon. Ang pangalawa ay bawas bawasan ang hawak at panunupil ng National Government sa mga local na pamahalaan.

Halimbawa na lamang, hindi ko ito nakita noon dahil walang batas dito. Ito ay nasa regulasyon lamang ng COA at DBM at hindi ito batas. Pero, titiyakin ko na hindi na nila dapat na magawa pang muli iyan. Halimbawa, may budget kami galing sa IRA at local revenue. Gumawa kami ng budget para sa probinsiya, alam ninyo na dapat pang aprubahan iyan ng DBM? At kapag hindi nila inaprubahan ay hindi namin puwedeng gastusin sa bagay na iyon iyong perang galing naman sa amin.

Ngayon, kung galing sa National Government iyong pera, ibinigay bilang subsidiya at ‘di sige bigyan ninyo kami ng menu. Pero, kung ito ay pera naming, IRA namin at mula sa local revenue naming, walang pakialam dapat ang DBM o sinumang national government agency kung papaano namin ito gagastusin.

Basta’t susunod kami sa regulasyon ng COA siyempre. Susunod kami sa alituntunin para mapigilan ang korapsyon. Pero, kung ano iyong gagastusan naming, mas alam naman siguro namin iyon kaysa sa kanila. Bakit kailangan pa namin magpaalam? Ang pangalawa pang aspeto na dapat baguhin at requirement naman ng COA, lahat ng dokumento dapat pirmahan ng local chief executives

Bilang Gobernador, Jun, Karol, ga-bundok ang pinipirmahan kong papeles na isang pirma lang ay pwede ka nang kasuhan sa Ombudsman na hindi naman talaga nararapat na. Halimbawa, hindi naman po ako engineer- abogado ako, bakit ko kailangang pirmahan ang program of work at aprubahan iyon> Malay ko ba kung iyong sukat ng kapilya tama. Malay ko ba kung iyong bilang ng supot ng semento ay tama.  Malay ko ba kung tama ang architectural design nun? Pero, kapag inaprubahan ko iyon at may anomalya ang paggawa ng plano, damay ka na agad.

Nag-order kami ng isang libong face mask, dapat pipirma din ang governor. Dumating ang face mask. Umaasa lang naman ako doon sa tao namin sa bodegero namin na mag-inspection na dumating talaga ang isang libong face mask. So, walang butas lahat. Siyempre, kapag pinirmahan mo at ako pa mismo ang nagbilang nun, wala na akong ibang trabahong magagawa.

So, iba’t-ibang bagay na puwede namang ipasa ang accountability sa tao mas responsable naman talaga sa bagay na iyon, imbes na mas lalo pa nating pinapapabigat ang trabaho ng isang local chief executive. Sa totoo lan, hindi naman niya trabahong gawin pa. Sorry, kung medyo mahaba ang litanya ko dahil mahaba naman talaga ang pinagdaanan naming problema, ako bilang isang local chief executive.

JM:  OK, sige, Governor Chiz, ito lang din ang sa akin. Malina who ang inilalatag ninyong legislative agenda kung saka-sakali hong papalarin kayong muli na makabalik sa Senado. Sa mga tumatakbo ngayong tandem na pangulo at ikalawang pangulo, ano ho ang magiging batayan ninyo- na pipiliin ho ninyo na i-endorso o susuportahan ninyo ngayong Mayo 9?

CHIZ: Sa totoo lang, lahat sila ay kuwalipikado at wala kang puwedeng itawag sa inaalok nila sa ating bansa. Iba-iba nga lang. Halimbawa, hindi matatawaran ang karanasan at eksperiyensa at pinagdaanan ni Senator Lacson at Senator Sotto. Sa pagitan nilang dalawa, wala ka na sigurong puwedeng itambal pa na may mahang karanasan at kakayahan sa panggogobyerno. Ika nga, wala ka nang puwedeng ibatong problema sa kanila na hindi pa nila nakita o pinagdaanan.

Sa panig ni Senator Manny Pacquaio, hindi maikakailang nagbigay siya ng inspirasyon sa napakarami sa ating mga kababayan na nanggaling siya sa hirap at naibangon at naitaguyod niya ang kanyang pamilya para marating ang kanyang kinaroroonan ngayon. At hindi rin puwedeng tawaran ang pagiging sinsero ni Senator Pacquiao sa kagustuhan niyang tumulong lamang sa kanyang kapwa lalo na sa tulad niyang mahihirap noong panahon.

Sa parte naman ni VP Leni Robredo, hindi mo rin puwedeng tawaran ang ipinakita niyang gilas at pagtulong sa mga kababayan natin sa gitna mga kalamidad at pandemyang kinakaharap natin. Gayundin ang masinop at malinis niya sa kanyang opisina- sa Office of the Vice President. Na ‘ika nga ay palagi pang awardee ng Seal of Good Governance o ng COA – sa tamang paggastos ng pera.

Sa parte ni Mayor Isko, siya siguro ang pinakamalapit na tumatakbo ngayon bilang pangulo sa akin, hindi matatawaran ‘yung pinakita niyang performance bilang mayor ng Maynila sa maikling panahon halos ‘yun din ang ginawa naming sa aming probinsiya pero siyempre Maynila ‘yun, capital ng ating bansa’t premiere city ng ating bansa kung kaya’t na-highlight at nakita kung sana simple ang kanyang sinisigaw, ‘yung ginawa niya sa Maynila kaya niyang gawin sa buong bansa at sa buong Pilipinas.

Sa parte naman ni Senator Marcos, maliban sa kanyang pedigree o ‘yung ikan ga karanasan sa gobyerno, mula sa pribadong perspektiba at pampublikong perspektiba walang makakatawad at hindi pwedeng tawaran ‘yung kanyang panawagan sa pagkakaisa dahil naniniwala ako, Jun, Karol, ‘yung susunod nating presidente, magiging presdiente siya ng bumoto at hindi bumoto sa kanya, presidente s’ya ng gusto at ayaw s’ya, presidente s’ya ng pinupuri at (inaudible) siya. Kaya importante naman talaga ang pagkakaisa bilang hudyat na tulay para muling makabangon ang ating bansa mula sa pandemyang ito sana lamang bigyan s’ya ng Diyos ng pasensya na sa kabila ng mga pagmumura, pagaalipusta, pang-aaping gagawin ay kaya pa rin n’yang makitang kabutihan sa bawat isa at kung siya nga ang magiging pangulo ng ating bansa, sa lamang n’ya sa survey n’ya ngayon, sana pagisahin pa rin niya at mag-reach out pa rin siya sa bawat Pilipino, kakampi man o kapartido, kalaban man o hindi.

KD: That is very well explained.

JM: sorry Gov, pero parang hindi ko na, hindi nasagot ‘yung tanong ko kung ano ho sa inyo ang magiging panuntunan ninyo sa pagpili ho ninyo sa inyong susuportahan.

CHIZ: Lahat ‘yun kinakailangan sa magiging sunod na pangulo natin pero sa tila wala naman sa iisa ang lahat ng ‘yun. Sana sa susunod na linggo at buwan makita natin na dala nilang plataporma ‘yan dahil sa totoo lang, Jun, Karol, nagsisimula pa lang ang kampanya wala pa namang naglalahad talaga ng kompleto at kongkretong plataporma kung ano ang gagawin nila. Puro pagpapakilala pa lang ang ginagawa nila at sagot sa mga tanong sa porma ng debate pero wala pa namang aktuwal na, ika nga, game plan o plataporma. Ano nga ba ang gagawin nila kapag sila’y naging pangulo ng bansa? Makikita pa lamang natin mangyayari ‘yan sa mga susunod na mga linggo at sana sa hindi malayong hinaharap.

KD: OK, ako naman.

CHIZ: Kaya hindi ko masagot ito!

JM: Sige po.

KD: Sige, Gov.

CHIZ: Sabi ko kaya hindi ko nasagot ‘yung tanong mo dahil wala pa namang plataporma.

JM: Yeah, yeah.

CHIZ: Mga kandidato ngayon at hinahantay natin ‘yan na maibigay ‘yan sa (inaudible) na darating pa lamang.

KD: Pero ako, this is a, parang a frequently asked question sa lahat ng mga popular na political icon na tinatanong lagi sila kung sino ‘yung iboboto nila, pero ‘yung point ni Gov kanina na kaya nga s’ya secret ballot. Even Mayor Vico Sotto ayaw niya rin na sabihin o maka-influence din sa kanya ng mga constituents ‘yung kanyang magiging pasya pagdating sa eleksyon. And the same thing that Governor Chiz Escudero is doing, hinahayaan niyang pumasok ‘yung lahat ng kandidato para makilala ng kanyang mga constituents and I think there is no better way of doing that to educate your voters, ‘di ba? Ako Gov–

CHIZ: Halimbawa na lang Karol, noong February 9 nagpunta dito si Vice President Leni Robredo, hinost naming siya, pinakilala ko lahat ng mga opisyal namin at nagkaroon sila ng forum. Itong darating na ika-21 ng Pebrero darating si Mayor Isko dito, sa Match 3 si Senator Lacson yata, sa March 4 si Senator Marcos, at kaninang tanghali lamang hinost ko ang dalawang kandidato tulad ko sa pagka-senador si Ray Langit gayundin si Grego Belica bagaman, technically pareho kami ng tinatakbuhan, importante pa rin na makita’t makilala pa rin sila ng aming mga kababayan. Dahil, ika nga, pareho man ang puwestong tinatakbuhan namin labing dalawa naman ‘yun, pwede naman akong iboto at iboto rin sila. Puwede rin naman silang iboto at idagdag pa rin ako.

JM: Ito lang Karol at Governor Chiz with the indigence lang kasi ‘yung mainit na issue ngayon ay ‘yung tungkol po sa “Oplan Baklas” na ginagawa ng COMELEC. I’m sure sa inyo ho marami kayong mga supporters na minsan sa kanilang sariling initiative ay naglalagay po ng posters. Ano ho ang pananaw ninyo dito sa usapin po ng “Oplan Baklas” na ginagawa ng COMELEC. especially sa usaping private property na ho ang pinag-uusapan?

CHIZ:  Klaro ang batas kaugnay sa bagay na ‘yan at ‘di ko alam medyo OA lang siguro ‘yung ilang opisyal ng COMELEC sa iba’t ibang probinsiya.  Pag-pribado ang pag-aari at bahay, may karapatan kang pinturahan kung anumang pintura ‘yung pader mo at ilagay kung ano mang gusto mong ilagay sa pader mo.  ‘Yung oversized na posters pinagbabawal lamang ‘yan sa mga pampublikong lugar tulad ng billboard, sidewalk at mga puno.  Pero kung pribadong bahay mo ‘yan, walang puwedeng makatikda sa iyo na huwag mong pinturahan ng pink pader mo.  Huwag mong pinturahan ng green o red pader mo.  Karapatan mo ‘yan.  At dapat maliwanag ‘yan sa ating COMELEC officials.

Kaugnay naman ng malalaking billboard, sa headquarters, pinapayagan ‘yan ng batas.  Puwede ka lang maglagay ng malaking billboard sa pampublikong lugar kapag Headquarters mo iyan.  Kaya kung mapapansin niyo strategy na ng mga pulitiko ‘yan.  Naglipana ang mga headquarters nila kada bayan at probinsiya ng bans para magkaroon ng dahilan na maglagay ng naglalakihang posters sa mga lokalidad sa malalaking siyudad ng bansa.   Jun, Karol hindi ako masyadong apektado diyan dahil kakaunti lang naman ang posters ko dahil ang paniniwala ko hindi naman nakakaboto yung posters.  Kung makakaboto lang ‘yung poster, ‘di magpapaprint na ako ng madami para marami rin akong boto.  Sa dulo ang boboto ang tao at hindi porke’t nakikita ‘yung poster mo iboboto ka na.  Huwag naman nating maliitin din ang ating mga kababayan na ‘yun ang kanilang pagboto sa isang kandidato.

KD: Gov ako last, on my end.  Do you think this is some kind diversion tactics sa government kasi parang noong 2016, 2019 Elections hindi naging isyu itong mga tarpulins.  It is not as big as this na parang lahat ngayon nagko-comment.  Do you think this is a diversion tactics dahil merong glitch or parang merong tensyon sa COMELEC between former Commissioner Rowena Guanzon and Ferolino.

CHIZ:  Karol sa karanasan ko sa eleksyon and I’ve faced 14 elections in my life either as a candidate or as a supporter, palaging may isyu sa “Oplan Baklas” ang pagkakaiba lang ngayon may social media na at mas laganap ang social media.  So ang ginawa sa Santiago, Isabela biglang puwede mo nang makita sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng social media.  Noon kasi ‘yung ginagawa sa mga lokalidad doon lamang naririnig, nakikita, nababalitaan. At kahit magtatalon kami sa Sorsogon, hindi naman kami maririnig ng national media wala namang magko-cover sa aming TV.  Pero ngayon, gamit ang kapangyarihan ng social media sinuman mag-video at mag-film, i-post, mag-share, mag-viral kaya nagiging national issue na siya bigla dahil marahil nangyari ýun sa lugar nila pero ‘yung videong umiikot ay sa Isabela o Santiago, Isabela lamang.  Iyan siguro ang positibo at magandang aspeto ng social media.  Pag may ginawa kang kasamaan tiyakin mo kakalat at malalaman ‘yan sa buong Pilipinas.  Lalo na’t may ginawang kabutihan lumaganap at malaman din hindi palaging masamang balita lamang ang balita.

JM: Alright, very well said Sorsogon Governor Chiz Escudero. Sir, kung may karagdagan pa kayong mensahe sa ating mga kababayan go ahead ho at meron hong nagpapabati ng Happy Anniversary ho sa inyo ho ng inyong kabiyak Ginoong Governor Sir.

CHIZ:  Salamat po.  Anibersaryo namin noong February 15 namin ni Heart.  Pang-pitong anibersaryo namin ng walang kati, ika nga, walang seven years itch.  Una sa lahat, maraming salamat sa pagkakataon, makausap at makapiling kayo sa hapong ito.  Sa pamamagitan ng balita sa Politiko gayundin sa Politiko Live, ang panawagan ko sa ating mga kababayan maniwala at magtiwala po tayo matatapos din, magwawakas din at lilipas din ang pandemyang ito.

At sana sa muling pagbubukas ng mundo, mabigyan tayong lahat nang sapat na lakas para harapin ang iba pang hamon at pagsubok na maaring ibato sa atin ng tadhana bilang isang bansa, bilang isang lahi.  Sa darating na eleksyon, dalangin ko hindi lang tulong niyo pero ang paggamit niyo ng kapanyarihan at kakayahan pumili at piliin ang mga lider na kayang magbigay ng siguradong direksyon at solusyon sa mabibigat na problema ng ating bansa.  Sa muli Karol, Jun maraming salamat at pagbati muli sa lalawigan ng Sorsogon.  Ika nga sa amin, Dios marhay na hapon. Salamatunon tabi. Dios mabalos.

KD:   Maraming, maraming salamat po sa inyong oras at sa pagkakataon Governor Chiz Escudero.  Ingat po kayo.