BANGON NA BAYAN

 

JOEL REYES ZOBEL (JRZ): Nasa linya na po natin si Senator Chiz Escudero, chairman ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education mga Kapuso. Senador, welcome to the show! Salamat ho sa pagtanggap niyo sa aming imbitasyon si Joel Zobel po ito. Hello, Sir!

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Joel, kumusta ka na? Magandang hapon sa ating mga listeners. Magandang hapon din po.

JRZ: Oo. Salamat po at nakasama ka namin sa palatuntunan. Magkano po ba ang alokasyon ng gobyerno sa bawat iskolar po ng bayan?

CHIZ: Walang alokasyon na binigay ang pamahalaan CHED sa para ipaglaban ‘yung free tertiary education, Joel. Ang ginawa ay mula 2021 binaba na ‘yan sa kada state university andcollege. Wala ako sa Senado noon noong ginawa ‘yan.

JRZ: Opo. Pati ba—

CHIZ: Tsaka ‘yung binabayad sa kada Iskolar ng Bayan, ika nga, depende sa sinisingil sa tuition fee sa kada kurso ng kada state university and college. Magkakaiba ‘yan, Joel.

JRZ: Depende-depende ano, Senator. Pero ano pa ‘yung partikular na hinihingi ng Chairman De Vera, ang laki raw ng utang ng gobyerno sa mga SUCs, LUCs?

CHIZ: Ang nangyari noong binaba na ‘yan sa mga state universities and colleges, Joel noong 2021, 2022 at 2023 mayroong cap o ceiling na nilagay ang DBM at bahala na ‘yung mga SUCs na patama-tamain ‘yon, ika nga. Mayroong mga SUCs na sobra ng kaunti, kulang ng kaunti pero ang nangyari ‘yung mga SUCs dahil mataas daw yung demand ay tanggap lang ng tanggap at inisip na babayaran siya ng gobyerno. Ang problema wala namang pondo ang CHED para bayaran ‘yan at panay ang katok nila sa pintuan ng CHED para humingi ng pondo na wala naman silang alokasyon para diyan dahil binaba na nga sa mga state universities and colleges.

JRZ: OK. Hindi ho ba dapat, ewan ko at iniisip ko lang po ito pero hindi ho ba dapat flexible ‘yung budget po naman ng mga SUCs at LUCs, particularly ang CHED considering na hindi mo naman alam kung mababawasan o madadagdagan po ‘yung mga enrollees lalo na after the pandemic marami hong lumipat po talaga sa SUCs?

CHIZ: Kaya nga para sa akin, Joel, mali na binaba sa kanila dahil noong hawak pa ‘yan ng CHED noong panahong bago mag-2021, 2020, 2019, 2018 noong ipinasa namin ‘yang batas na ‘yan ako rin ang chairman ng Higher Education. Nakakapag-adjust ang CHED depende sa enrollment ng isang state university and college. Pero noong binaba, walang pagkukunan, Joel, kung hindi savings at dapat tumakbo individually ang mga SUC sa DBM, tumakbo sa CHED, i-consolidate ng CHED at hingiin ng CHED sa ngalan ng mga SUC mula sa DBM, mula sa savings or mula sa Kongreso kung magpapasa ang Kongreso ng supplemental budget basta’t mayroong sobrang pera ang gobyerno. Alam mo naman Joel, wala namang taong may sobrang pera ang gobyerno.

JRZ: Parati hong may utang. Bakit ganoon ang naging siste? Bakit parang bahala na kayo sa buhay ninyo? Bakit ganon? Sinasabi ba sa batas na ganoon ang gawin?

CHIZ: Well, dalawang bagay ang mali dito, sa parte ng DBM at ng Kongreso. Bakit ibinaba sa mga SUC at saan galing ‘yong drawing nilang amount na ibinigay sa kada SUC? Ano ang basehan noon? Pangalawa, sa parte naman ng mga SUC mali din sila, Joel, dahil binigyan na nga sila ng budget para sa kung ilang estudyante. Bakit sila tumanggap ng sobra doon sa budget na ibinigay sa kanila? Wala namang nakalagay sa batas na singilin ‘yong deperensiya.

JRZ: OK. Kaya lang Senador, ‘di ba kapag nag-enroll sa’yo ‘yan hindi mo naman pupuwedeng palayasin ‘yon o itaboy. So siguro ganoon ang iniisip po ng mga SUC. Tatanggapin naming ito bahala na si Batman kung saan naming kukunin yung pondo para rito.

CHIZ: Well, technically, Joel, puwede naman dahil mayroong holding capacity ang kada SUC kung hanggang ilang enrollees lang sila. Hindi naman sila puwedeng tumanggap ng isang daang libong estudyante kung ang kapasidad ng mga classroom at teacher at klase na puwedeng ituro ng teacher ay halimbawa hangang apatnapung libo lamang.

JRZ: Ay tama naman po ‘yon.

CHIZ: May hangganan naman talaga ‘yan. Ang problema lang diyan sa parte naman ng CHED Joel, hinayaan nila ang kada SUC dahil wala na sa kanila ‘yong pondo hinayaan nila yung kada SUC magdesisyon at magpasa sa sarili nila. So may SUC Joel at nagtanggi ng enrollees, wala silang problema ngayon. May mga SUC na tumanggap ng limitadong enrollees, kaunti lang ang sinisingil nila ngayon. Mayroong mga SUC na binuksan ‘yong pintuan, tanggap ng tanggap at malaki yung sinisingil nila ngayon. Sa kabuuan humigit kumulang Php3.4-B ang sinisingil ng mga SUC mula sa taong 2021 at 2022. Hindi pa kasama ang taong 2023, dahil ang school year Joel tumatawid yan sa isang fiscal year ng taon na 2022, 2021, at 2023.

JRZ: Ano po ang nakikita niyong remedyo dito? Meron bang katuwiran si Chairman De Vera bakit ginawa nila ito?

CHIZ: Well, hindi siya gumawa niyan Joel, Kongreso ang gumawa niyan.

JRZ: Hay naku. Naka dalawa ka na.

CHIZ: Kongreso ang nagbaba ng pondo sa mga SUC imbis na dumaan sa CHED para maitama at maiayos yan.

JRZ: So ngayon pa lang aayusin na po natin ‘yung ano, ‘yung batas? Ganoon ba ‘yon?

CHIZ: Ang solusyon Joel, ‘pag nagpapatawag ako ng meeting sa darating Linggo para pagharapin ang ang DBM, ang COA, ang mga SUC, ang PASUC ‘yung kanilang organisasyon, at ang CHED. Pero Joel, ang lalabas kasi nito, ‘yung sumunod sa patakaran hindi kumuha ng dagdag na enrollee dahil ‘yun lang ‘yung pera, hindi makikinabang. ‘Yung hindi sumunod at walang pakundangan na pinayagan yung enrollees at umasa ng suntok sa buwan na babayaran sila ay sila ang makikinabang. So babalansehin namin ng konti ito para bigyan ng aral ‘yung mga nagabuso pero sa kabilang banda bayaran din naman ng tama ‘yung ikinalulugi ng mga SUC sa ngayon sa bilang ng enrollees.

JRZ: OK, ito ang tanong siguro ngayon diyan Php3.4-B ka niyo utang ng gobyerno po sa kanila. Papano po nila masusustentuhan yung kanilang pangangailangan ngayong kalagitnaan na po halos ng taon? Hindi natin alam kung, ‘di ba saan natin huhugutin po ito? Nakatono na po ‘yung ating pera.

CHIZ: Joel, tinanong ko ang COA sa hearing, utang ba ito o hindi? Hindi nila masagot ‘yung tanong dahil tanda mo ang budget ay authorization para sa gobyerno para gumastos ng pera ng bayan. Gumastos sila ng pera na hindi naman inawtorisa ng Kongreso na gastusin nila. Pero sa kabilang banda may argumento naman kaugnay ng unjust enrichment na tulungan naman ‘yung estudyante, nakapag-aral na yung estudyante ay bakit naman hindi babayaran ng gobyerno. Ito ‘yung dalawang bagay na nagbabanggaan pero kailangan pa rin naming isa—ayos para ito’y hindi lalabag sa anumang alituntunin, batas at regulasyon mula sa COA. So medyo masalimuot talaga ito Joel. May dagdag pang problema—

JRZ: Kailan niyo—ano po ‘yong dagdag na problema Senador?

CHIZ: Dahil ‘yung ipinasa naming batas nilagyan namin ng moratorium ‘yon for 5 years, Joel. Ipinasa naming ‘yan 2018 noong ako pa’y nasa Senado. Binigyan namin ng moratorium ang mga SUC sa pagtaas ng tuition fee, nag-lapse na ‘yan, Joel. So isa-isa nang nagtataasan ng tuition fee ang mga state university and college kaugnay ng inflation na rin na nararanasaan.

JRZ: Opo. Subject din naman po sila sa inflation hindi rin naman maaaring hindi natin pagbigyan ang kanilang hiling na pagtaas dahil lahat po nagtataasan na.

CHIZ: Well, tama ‘yan pero ibig sabihin n’on ay babayaran ng tertiary education sa mga SUC tataas ‘yan at magbabago rin ang computation. So ‘yung pondong inilalaan ng gobyerno kada taon para diyan kailangan ding dagdagan at i-factor in. At dahil ang nagpapasya ng pagtaas ng tuition ay ang kada Board of Regents o Board of Trustees ng kada state university and college. Kailangan siguro magpalabas ng alituntunin ang CHED kung hangang saan lamang puwedeng itaas ito sa subject sa inflation at hindi naman ‘yong sobrang itataas porket libre at babayaran ito ng pamahalaan.

JRZ: OK. Siguro ‘yung budget nila para sa 2024 pag-uusapan pa natin ‘yon, babalangkasin pa pero in the meantime kailan niyo nakikita, kailan ho kayo ulit magpupulong, Senador?

CHIZ: Next week siguro, Joel, magpupulong kami dipende kung handa na ‘yung datos mula sa COA, kung handa na ‘yung datos mula sa lahat ng SUCs dahil hindi ito puwedeng i-produce ng CHED dahil nga ibinaba na ‘yong pondo sa kanila at mula 2021 hindi na ito pinakialaman o inalam ng CHED dahil dinevolve na ito sa mga state university and college.

JRZ: Sige, abangan naming, Senador, ang mga development nito. In the meantime, salamat sa oras mo, sa pagtanggap mo sa tawag namin. Thank you, Sir.

CHIZ: Salamat, Joel. Magandang hapon sa iyo, sa ating mga listeners good afternoon po.

JRZ: Magandang hapon. Si Senator Chiz Escudero chairman ng Senate Committee on Higher Technical and Vocational Education, mga Kapuso.