BANTAY BALITA SA KONGRESO

 

NIMFA RAVELO (NR): Magandang umaga po, Senator Escudero.

ISA AVENDANO-UMALI (IAU): Good morning po.

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Good morning, Nimfa, Isa. At sa ating mga tagasubaybay, good morning po.

NR: Good morning po. Sabi ko kanina, Team Happy Ending. Advance happy birthday kay Ms. Heart Evangelista.

CHIZ: Paparatingin ko, Nimfa. Maraming salamat.

NR: Ayan, Sir, ‘yung sa Charter Change, bukas po ‘yung pangalawang pagdinig ng Senado ukol po doon sa panukalang amiyendahan ang Saligang-Batas. Ang imbitado po bukas, base po sa abiso ng tanggapan ni Senator Sonny Angara, mga ekonomista mula sa economic cluster ng gabinete. Sir, pinasakali ko lang, ito Sir, doon sa, noong Friday sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos, talagang economic provisions lang ng Constitution ang gusto lang niya amiyendahan. Wala ng iba pa, Sir. ‘Yung ganoong statement ng Pangulo, ito ho ba ay nagbibigay ng assurance o nagbubunsod para marami pa tayong itanong? Senator Escudero?

CHIZ: Well, pangalawang beses na niyang binanggit ang kaparehong statement, Nimfa, Isa. Mga isang linggo nang nakakalipas, sabi niya, nais nilang tignan kung kinakailangan, kung ano ang nais nilang baguhin kung ano ang dapat baguhin sa Saligang-Batas kaugnay sa ekonomiya o kung kailangan pa nga bang baguhin sa Saligang-Batas. Halimbawa, Nimfa, Isa, ‘yung sa public utilities, inamiyendahan na namin ang Public Service Act. Nakabinbin nga lang sa Korte Suprema kaya hindi pa nito binubuksan ‘yung pagdaloy ng foreign investment sa public utilities katulad ng telecom. Kaugnay naman ng land ownership, bakit hindi natin tularan ang Vietnam, ang China kung saan nagdadagsaan ang mga foreign investments, kung saan pinapayagan nila ang 99-year-lease? Hindi katulad sa atin na 25, 25 lamang at ito ay may dokumento na nagsisilbing katibayan, ‘yung 99-year-lease na iyon kahit namatay na o pumanaw na ‘yung pumirma ng lease contract. Kung pag-uusapan naman natin ung mga educational system natin, basic education lang, ika nga, pero ang sabi nila except pala basic education, Isa, Nimfa. Meron kang Faith Hill, meron kang ISM, meron kang BSM, ito ay walang Philippine History dito, ni walang Filipino ata dito so nangyayari at ginagawa naman na ‘yan sa bisa ng batas lamang. So ang nais siguro marinig ng Senado sa mga opisyal mula sa Executive Department ay ano ba talaga ang gusto niyo at kailangan ba talaga ‘yan?

NR: Kasi doon sa Resolution of Both Houses No. 6, proposed resolution sa Senate, ang covered lang po ay ‘yun nga   nabanggit ninyo tungkol sa public utilities, advertising, tsaka ‘yung sa education. So, Sir, sa inyo hindi, ano ba ‘yon? Hindi kayo limited dito sa tatlo o may question kayo bakit itong tatlo ang pinagtutuunan?

CHIZ: Well, nais kong pakinggan dahil hindi ko alam kung saan nanggaling ‘yung tatlong ‘‘yan. Alam ko ‘yan ay produkto ng usapan sa pagitan ni Senate President Zubiri at Speaker Romualdez. Hindi ko alam kung may pag-aaral ba ‘yan, may datos ba ‘yan? Sa totoo lang, Nimfa, Isa, wala pa akong nakikitang pag-aaral na nagsasabi na kung bubuksan natin ang advertising industry lalago ang ating ekonomiya at magdadagsaan ang mga dayuhang mamumuhunan sa ating bansa kung ‘yang tatlong ‘yan ang bubuksan natin. ‘Yung public utilities pa, puwede pa. Natural resources, puwede pa. Pero ang binanggit lamang d’yan ay public utilities at hindi natural resources.

NR: Tsaka parang hindi naman ganoon. Well, may mga narinig na akong paliwanag na hindi naman ganoon kalaking industriya ang advertising tsaka ‘yung sa educational institutions na parang pag binuksan mo sa 100-percent foreign ownership, lilikha ng maraming trabaho at makakadagdag sa ating GDP.

CHIZ: Nimfa, tama ka, hindi talaga. Kaya sa totoo lang, ni hindi ko alam kung saan nanggaling ito. Magandang tanong ‘yan sa isang pribadong pagpupulong namin siguro ‘yung tatlong may akda: saan nga ba ito nakuha, sino nga ba nag-suggest nito? At nasaan ang datos na sumusuporta rito? Nagsabi ako noong isang araw, Isa, Nimfa, na sana huwag lamang opinyon ang sabihin noong mga imbitado naming resource person. Sana, kung ano man ang sasabihin nila nakabase sa solid na pag-aaral at solid na datos dahil bawat isa sa atin may kanya-kanya tayong opinyon kung kailangan nga ba amyendahan ‘yan o hindi. Pero sana magkumparahan tayo ng datos at hindi opinyon lamang.

NR: Isa pa ako, Sir, bago ko lang ipasa kay Isa. Doon sa isang hearing ng Senado noong Monday, last week, ang ganda po ng paliwanang ng Ibon Foundation at ng mga kontra Cha-Cha. Meron silang study, meron silang comparison na halimbawa doon sa Singapore kung pag-uusapan economic restrictions, mas mahigpit doon pero dumadagsa mga foreign investment. Mayroong mga ganoong study, Sir. Doon sa mga pabor dito sa Cha-Cha, wala ba kayong nakikita na ganoon na argumento, scientific study?

CHIZ: Well, ‘yung inimbita namin pumapabor sa Cha-Cha, kung maaalala ko si G. Dumdum tsaka si G. Teves, opinyon ‘yung kanilang sinasabi at hindi naman talaga pag-aaral. Maganda ngang pagbanggain kung papakinggan mo ‘yung sinasabi ni G. Africa ng Ibon at ni G. Dumdum, dahil lahat ng sinabi ni G. Africa nakabase sa datos kinumpara sa ibang bansa, ikinumpara sa datos ng economic performance ng iba’t ibansa at ng Pilipinas.

NR: Ibig sabihin, ang challenge doon sa mga nagsusulong nito, mag-present kayo ng pruweba, ng malakas na argumento. Ganoon ho ba, Sir?

CHIZ: Well, alam mo, meron tayong prinsipyo sa batas na sinusunod—lahat ng abogado alam ito—Isa, Nimfa, “he who alleges must prove the same.” ‘Yung nagsasabing may kailangan tayong gawin, siya ang dapat magpatunay na kailangan nga nating gawin ‘yan.

IAU: Senator Escudero, may mga nagmamasid at talagang tumututok dito sa usaping economic Charter Change o Cha-Cha, ay baka may kinalaman ‘yan sa Maharlika Investment Fund kaya naman talaga itinutulak. At kaya naman ‘yung mismong presidente natin, si Pangulong Bongbong Marcos Jr., may pronouncements. Your thoughts po, meron po ba kayong ganoong nakikita?

CHIZ: Well, pinayagan mong pumasok na ang mga dayuhang negosyante sa mga negosyong ‘yan hindi na nila kailangang dumaan pa sa Maharlika Investment Fund, mas magkakaroon ng saysay ang Maharlika Investment Fund dahil Filipino at government-owned corporation ‘yan na maglagak ng puhunan ang mga dayuhang negosyante nang hindi nilalabag ‘yung ating ownership restrictions sa Constitution.

NR: Sir, balikan ko lang doon sa sinabi ni Presidente na, tutal nabanggit po ni Isa, na baka may kinalaman doon sa Maharlika. So sabi niya nga, economic provisions so gusto niyo bang marinig doon sa mga miyembro ng gabinete kung, o dapat ho ba doon sa mga miyembro ng gabinete ‘yung paliwanag kung bakit at kailangan ba magbigay din sila ng statistics kung ilan ba ‘yung nakaabang na mga negosyante, ‘di ba?

CHIZ: Well, unang tanong ko, Isa, Nimfa, nag-usap-usap na ba sila? Baka mamaya hindi pa sila nag-uusap-usap, pupunta sila sa amin na may iba’t ibang opinion, personal na opinyon, at pananaw. Dahil sa gaya nga ng nasabi ko, isang linggo pa nga lang nakalilipas noong sinabi ng Pangulo na pag-iisipan, napag-aaralan daw nila kung ano ‘yung mga probisyon, kung ano ‘yung mga economic provisions na nais nilang baguhin  at kailangan nga ba ng pagbabago sa Saligang-Batas o puwede ng pagbabago lamang sa pamamagitan ng isang batas. Isang linggo pa lamang ang nakalilipas, sa palagay ko, wala pa naman ata silang sapat na pag-aaral kaugnay nito, kaya nga siguro, Nimfa, kagaya ng nasabi mo puro Usec ang pinapadala dahil yung mga Kalihim ay marahil hindi pa alam kung ano ang eksaktong isasagot na may iisang tono, tugtog, at kanta.

NR: ‘Yun nga Sir, pinadala ko kay Senator Chiz kanina ‘yung guest list para bukas, so may mga ekonomista, may mga galing sa pribadong sektor. Tapos ‘yung sa gobyerno Sir, ‘yun nga, undersecretary ng NEDA, undersecretary ng DTI, undersecretary ng Department of Finance pagka-ganito na presidente ang nagpu-push hindi ba dapat mga secretaries? Naalala ko kasi noon nagagalit noon sina, Sir, noong kapanahunan ninyo nina Senator Miriam, Senator Joker, kayo din Senator. Bakit hindi, ano, ‘yung secretary ang pumunta dahil alter-ego ng Presidente? Sir, dito sa Charter Change, dapat ba sila rin?

CHIZ: Well, Nimfa, baguhin ko lang ng kaunti ‘yung pananaw ko sa sinabi ni Pangulong Marcos. Ang sinabi niya, ang dating sa akin ng sinabi niya, pabor sya sa Cha-Cha pero ang papaboran lang niya ay economic provisions. Ni wala siyang dinetalye kung anong economic provisions nga ba ang gusto niya, ulitin ko noong isang linggo lamang ‘yan wala pang isang linggong lumilipas, so sa palagay ko’y wala pa naman talagang pormal pang posisyon ang Executive branch inaantabayanan namin. Siguro opinyon lamang ang ibibigay ng mga undersecretaries pero wala pa talagang solidong posisyon ang Executive branch kung ano ba talaga ang babaguhin at kung kailangan bang baguhin ‘yan o hindi. Dahil ang Pangulo nga mismo, walang nabanggit ano pa kaya ‘yung mga undersecretary.

NR: So paano ‘yon? Anong ginagawa ng Senate, Sir? ‘Di aral-aral lang, makikinig lang muna kayo talaga.

CHIZ: Siyempre, kaya nga resource person ang tawag, Isa, Nimfa, para maging resource sila pero kung opinyon lang ang sasabihin nila. Babasahin na lang namin ‘yung mga opinion column sa mga dyaryo dahil mas maliwanag naman ang mga opinyonista natin sa pahayagan.

IAU: ‘Yun nga po, Senator Escudero. Bukas, pangalawa pa lang, ‘di ba, na pagdinig ng Senate para sa economic Charter Change o Cha-Cha tapos ‘yun nga po wala pang solidong posisyon ‘yung government natin regarding po dito. Sa House leaders po kasi, talagang umaasa sila na by March sana ipasa na ng senado itong RBH number 6. Papaano po ‘yun?

CHIZ: OK lang naman. Libre lang naman umasa. Libre lang naman mangarap, Isa, Nimfa.

NR: Parang sa pag-ibig lang.

CHIZ: Bahagi ng totoo at tunay na interparliamentary courtesy, ang hindi mo pinapakialaman ang agenda ng Kamara o ng Senado at kaya nga magkahiwalay ‘yan. May sariling kapangyarihan gumawa ng rules at agenda ‘yang mga ‘yan. Hindi ko aalisin sa kanila na mainip sa mga kagusutuhan nila pero marami din namang kagusutuhan ang ilan sa amin na marahil ay hindi tatalakayin ng kamara. Isa na diyan, halimbawa, Isa, Nimfa, ‘yung legislated minimum wage. Hindi ko alam kung anong posisyon ng Kamara diyan pero hindi namin sila mamadaliin kaugnay niyan. Ito ay opinyon ng mas nakararaming senador na magkaroon tayo ng legislated minimum wage. Ayaw ng gobyerno ‘yan, ayaw ng economic managers ‘yan pero kung susundan sila ng Kamara dahil mayorya naman ang Kamara ay kakampi sa administrasyon. Magkakaroon din ng panukalang batas na hindi ginagalaw ng Kamara, pero hindi tulad nila, wala akong planong manduhan sila sa bagay na ‘yan. Gagalangin ko ang opinyon nila kung hindi ‘man sila sumang-ayon diyan.

NR: Kaya kayo minamadali kasi ang gusto nilang mangyari, ‘di ba, July mayroon ng plebesito tsaka ho para din makapunta na sila ‘dun sa fallback nila. Ang sinasabi ho kasi nila, kapag ka hindi, ‘di ba, mayroon silang sinasabi, Isa, na sabihin na ng mga senador kung anong stand Ninyo.

IAU: Yes, kung pabor ba kayo or kontra.

NR: Oo, kasi kung kontra talaga kayo hindi niyo aaprubahan itong Resolution of Both Houses No. 6 mag-PI, ‘di ba? People’s Initiative po ‘yung option.

CHIZ: Sinagot ko na rin ‘yan, Isa, Nimfa. Bago nila kami paaminin ng posisyon namin sa Cha-Cha, puwede ba umamin muna sila na sila ‘yung nasa likod ng PI. Dahil noong una, wala silang kinalaman, sunod facilitator lamang hindi naman orchestrator, sunod kapag pinasa niyo ‘yang RBH 6 ititigil naming ito. Ano ba talaga? Hindi ko na maunawaan at maintindihan kung saan nga ba nanggaling itong PI habang kontrolado naman pala nila base sa mga statement na binibitiwan nila. Dagdag pa diyan, Nimfa, Isa, anumang bagay na minadali mo pagligo, pagkain, paglakad. Kapag naligo ka ng minadali baka may parte ng katawan mo na hindi mo nakuskos, mangamoy pa. Kapag ikaw ay nagmadaling kumain baka ma-impatso ka. Kapag nagmadali ka mag lakad o tumakbo baka madapa ka hindi ka makarating nais mong paroroonan. May tamang panahon sa lahat ng bagay at kinakailangan natin, ika nga, ang Cha-Cha man o pag-ibig o anuman. Isa,Nimfa nasa tamang panahon lahat ‘yan.

NR: Sige.

IAU: Pero sa palagay niyo, Senator Escudero, kasi nga nandoon ‘yung nakikita ng ating mga kababayan na may pagmamadali sa panig po ng Kamara. Sa palagay niyo po ba, natanong na rin namin po ito before kay Senator Imee Marcos. Pero sa inyo pong personal na pagtingin gusto talagang ihabol ng mga kongresista sa susunod na SONA ni Pangulong Marcos ito pong economic Cha-Cha.

CHIZ: Wala naman sa Bibliya o sa Saligang-Batas ‘yan na may kailangang petsang marating. Siguro ang hinahabol nila ay gusto nilang gawin ito bago mag-Nobyembre dahil ayon mismo sa COMELEC Chairman, hindi pupwedeng isabay ang plebesito sa pagpapalit ng Saligang-Batas sa eleksyong regular sa 2025. May pinagbabasehan siyang Supreme Court decision na nagsabi, dapat nakatuon ang pansin ng mga tao sa synchronized elections sa pagpili ng mga leader natin at hindi ito puwedeng haluan ng iba pang katanungan sa isang plebesito or referendum.

NR: So paano po ‘yung—ang nakikitang timeline kasi ni Senator Angara—puwede kayong matapos by October, tapos praktikal na isabay nga daw doon sa—

IAU: —Para makatipid.

NR: Oo, para makatipid. Although, ang nasa batas po, tama ba, na 60 or 90 days po after ng approval ng Congress doon sa pagbabago ng konstitusyon dapat may plebesito.

CHIZ: Well, tama ka Nimfa, ‘yun nga sinabi pero gaya nga ng sabi ko, Chairman mismo ng COMELEC, nabasa ko sa pahayagan ilang araw na ang nakalilipas, hindi puwedeng isabay sa 2025 Elections ‘yan. Pangalawa, mayroon pa nga kaming kailangang resolbahang isyu sa nagbabanggaang opinyon ng dating mahistrado at chief justice ng Korte Suprema na dapat bang mag-joint session talaga kami na separate voting o pwede bang parang itong ginagawa naming na RBH lang, Resolution of Both Houses lang, ‘ni hindi magkikita ‘ni hindi mag-uusap ‘ni hindi mag dedebate.

NR: ‘Yun nga Sir, ano, buti nabanggit po ninyo ‘yan para po sa listeners natin. Mayroong nagsabi, like si dating Associate Justice Adolfo Azcuna, Sir, sabi niya, hindi kailangan mag sama sa iisang bubong ang Senado at Kamara para ito i-tackle para hiwalay sila. Pero Sir,  ‘yung ibang legal luminaries na humarap sa inyo dapat daw joint.

IAU: Joint.

NR: Pero voting separately, ‘yun ang klaro. So ibig sabihin, kailangan pa itong pag-debatehan, Sir, tsaka bakit ba ayaw ho ninyo na mag-joint session. Meron ho bang apprehension kapag nandoon kayo ma ta-trap na kayo?

CHIZ: Hindi naman sa ayaw, pero ‘yung opinyon na binigay ni Justice Mendoza at former Chief Justice Davide. Dapat daw umupo man lang ng magkasama minsan dahil kung ang ordinaryong batas nag-ba-bicam. Uupo ng sabay ang dalawa lalo na siguro daw dapat gawin ‘yan kaugnay ng pagpapalit ng Saligang-Batas sa pag a-amyenda ng Saligang-Btas. Ang importanteng bahagi kasi, Cely, Isa ay ‘yung debate. Kaya ‘yung sinasabi nilang pagmamadali, kapag minadali ‘yan, baka hindi pa malaman ‘yung talagang intensyon kung bakit natin binabago mag resulta ng napakarami lamang na kaso. Bahagi ng pag-interpreta ng isang batas ang debate sa pagitan ng mga sumulat ng batas. Sabihin natin na ang pag-amiyenda ng Saligang-Batas.

NR: So ibig sabihin po, Senator Escudero, hindi pa realistic ‘yung mga sinasabing timeline ngayon kasi may mga kailangan pang i-resolba batay po dito sa ating pagtatalakayan ‘yung isa kung ano ba talaga ‘yung economic provisions na a-amyendahan dapat, ano ‘yung gusto ni Presidente. Tapos paano niyo ito gagawin? Joint session ba o hiwalay?

CHIZ: Well, kakamadali kakamadali nga kasi, Nimfa, Isa. Problema baka mali pa ‘yung magawa namin. Sabihin sinabotahe pa namin at kapag may nag kuwestiyon sa Korte Suprema ay magsimula uli kami sa simula. Ulitin ko, mas maganda ng tama ang ginagawa na bawat hakbang at maingat kaysa madaliin tapos sa dulo ay babalik lamang tayo sa pinag simulan nating lugar.

IAU: Although laging binabanggit, Senator Escudero, ng mga House leader, na once na ipasa ng Senado willing silang i-adopt itong RBH number 6. Wala na daw usap-usap Wala na daw kahit ano. Basta i-adopt nila, ‘yun yung kanilang declaration. Hindi pa ba sapat ‘yon para sa inyo po?

CHIZ: Alam mo, noong una, Isa, sinasabi nila tamad kami at hindi naming ginagawa ang trabaho namin. Tapos sa dulo kami pala ang gagawa ng lahat ng trabaho at i-adopt lamang nila. So maaari ba kung hindi na nila pag-aaralan, hindi na nila babasahin man lang at i-adopt na lamang nila. Bigyan naman kami ng panahon na gawin ng tama ‘yong trabahong ‘yon.

NR: Tsaka Sir, ako naman mabanggit ko din ito. Kasi ‘di ba Sir, mayroong mga panukalang batas na si Kamara muna ang mag-approve kapag mga tax measures, ‘di ba sila muna? Although puwedeng sabayan ng mga committee hearing ng senate. Ito namang Cha-Cha, so hindi babagsak sa kategorya na ito ‘yung ano ChaCha. Ngayon Sir, ang pinagtataka ko naman, bakit ‘yung sinasabi nila, “O, sige. Tatanggapin na lang namin na a-amyendahan.” Bakit hindi na lang sila ‘yung maunang mag-approve? Hindi ba?

CHIZ: Ang alam ko, may inaprubahan na sila, Isa, Nimfa.

NR: Pero iba po dito.

CHIZ: May inaprubahan na silang RBH, kaya nga RBH 6 na ‘yan, malamang may na file na silang RBH 1-5. Hindi ko lang alam kung ano ang paksa no’n dahil hindi pa tinatalakay.

IAU: Yes, mayroon na po silang na-approve. Opo.

CHIZ: Ano ‘yon?

IAU: May binabanggit po sila na na-approve na last March 2023. Na RBH din pero iba version. Oo, iba ang laman.

CHIZ: Oo, ‘yun na nga ‘yung problema ko, Isa, Nimfa. Nag-approve sila ng RBH 1-5, ang Senado nag file ng RBH 6. Kung may kapareho ‘yan doon, ‘di sana parehong numero na lang ang ginamit ng Senado. Dahil ibang numero ang ginamit, malamang iba ang laman ng RBH 6 doon sa naunang inaprubahan nila. At hindi ba mas nakakatakot ‘yon ng kaunti? Iba pala ‘yung inaprubahan nila sa inaprubahan namin. Iba pala ‘yung pinag-aralan at pinagdebatehan namin. Tapos, ganoon na lamang kadali para sa ilang mga mambabatas sa kamara na sabihing i-a-adopt na lang namin ‘yan kung anuman ‘yan. Ganoon? Hindi ba dapat pinag-aaralan din ng magkabilang Kamara, baka naman may mali din naman kaming ginawa. Baka naman may kulang kaming ginawa. Kaya nga dalawa, two heads are better than one, ika nga. So, mas magandang pag-aralan pa rin at huwag madaliin. Baka mamaya minamadali nila kami, pagdating sa kanila ayaw pala nila ‘yung inaprubahan namin,‘di mas tatagal pa. Eh ‘di maganda na, na gawin sa tama lahat nang ginagawa namin sa ngayon kaugnay ng planong  pagpapalit ng Saligang-Batas.

NR: Ayon. And then Sir, doon sa naging mahigit isang buwan na bangayan po ng Senado at Kamara, ngayon tahimik kasi weekend.

IAU: Baka daw bukas ulit.

NR: Baka bukas ulit. Oo. So, ito, ito bang ganitong mga bangayan sa matagal na ho na ninyong karanasan sa gobyerno, ito ba nakakaapekto din sa atin pong ekonomiya ikatataboy ba ito ng gusto nating imbitahin na investors via Cha-Cha?

CHIZ: Well, lahat ng ingay sa pulitika sa anumang bansa, Nimfa, Isa, nagbibigay ito ng takot at pangamba sa sino mang negosyante na maglagak ng mas malaking puhunan sa ating bansa o bagong puhunan sa ating bansa. Hindi kaila sa marami sa ating mga negosyante na may mga partner na dayuhan na concern nila ito, pero hindi lamang, ayaw kong limitahan lamang sa bangayan sa pagitan ng Kamara at ng Senado o ng ilang miyembro ng Kamara at ilang miyembro ng Senado. Isama na rin natin syempre ‘yung patutsada ni dating Pangulong Duterte kay Pangulong Marcos, ‘yung medyo iringan sa pagitan ng Speaker at ng Vice President kabilang na lahat yan sa nagbibigay ng pangamba at marahil takot sa ilang negosyanteng dayuhan o negosyanteng Pilipino na dagdagan ‘yung kanilang puhunan at taya sa negosyo dito sa ating bansa at marahil ay hihintayin nilang matapos muna ‘yan, humupa muna ‘yan, malampasan muna ‘yan bago sila all the way, ika nga, na mamuhunan dito.

NR: Ayon. In the meantime, makikinig ho tayo doon pa sa pagdinig bukas pangalawang pagdinig tungkol sa Cha-Cha.

IAU: Pero sana, hopefully, sa susunod na hearing mga secretary na ‘yung haharap kasi mas maganda ‘yung siya ‘yung magsasalita kung ano ‘yung position nng gobyerno, ‘di ba.

NR: Oo. Tsaka mag-rereflect supposedly, Sir, ‘di ba, ‘yung kung anong gusto talaga ni Presidente sila yung alter ego.

CHIZ: Ang tingin ko nga kasi, wala pa. Wala pa talagang position dahil kasasabi lamang niya noong nakaraang Huwebes. Wala pa naman akong narinig na pagpupulong na tinatawag kaugnay niyan at masyadong mabilis yung panahon na dumaloy at lumipas para magkaroon ng konkretong plano. May mga ilang kalihim akong nakausap kaugnay ng bagay na ‘yan pero sila ay kumakalap pa ng impormasyon, nag-aaral, nag-reresearch pa at tinitingnan kung ano nga ba ‘yung mga options at dapat nilang gawin.

NR: So, isa na lang, pero kung liliwanagin ng Presidente ano yung gusto niyong madinig po ano ‘yung gusto niyong ma-enumerate nila, pagdating sa sinasabi nilang economic provisions.

CHIZ: Hindi ko alam. Ayaw kong pangunahan ang Pangulo. Para sa akin, gaya ng sinabi ko sa ‘yo kung education ‘yan, mayroon na tayong mga foreign educational institutions dito. Kung advertising ‘yan, ganoon ba kalaki ‘yung papasok na pera? Kung public utility ‘yan inamyendahan na naming ‘yung Public Service Act, hintayin na lamang siguro natin ‘yung Korte Suprema o kalabitin nila ‘yung Korte Suprema na agahan ‘yong desisyon, pabor man o kontra. Kung land ‘yan matinding debate ‘yan. Ewan ko kung kasama ‘yan sa plano ni Pangulong Marcos. Pero may option ka nga na 99-year lease. Mahaba pa yan sa buhay ng tao, so parang pag mamay-ari na rin yan kung sakasakali. At ‘pag pinag-usapan naman natin ‘yung natural resources at minerals, hindi pa binabanggit ‘yan doon sa RBH6. Marahil isa ‘yan sa lima na ipinasa ng Kamara. So, ulitin ko unti-unti pa lang nabubuo ‘yung issue. Unti-unti pa lamang napagsasamasama ‘yung mga kagustuhan ng iba’t ibang grupo at sektor. So, iisa-isahin namin hihimayin ‘yon, titingnan, at pag-aaralan.

NR: Siguro, makakakalma dito sa isyu ng Cha-Cha kung mag-rurule na ang Supreme Court, Sir, ano, doon sa Public Service Act.

CHIZ: At least menos na ‘yon. Tama ka, Nimfa. Pero para sa akin, mag-rule man ang Korte Suprema o hindi, umabot man ng Hulyo o hindi, hindi maganda para sa dalawang institusyon na magpatuloy ‘yung nakita nating bangayan at personalan, ika nga, ng ilang myembro ng Senado at ilang myembro din ng Kamara. Para sa akin, sana huminahon ang lahat at hayaan ang prosesong tumuloy at dumaloy lamang ng may paggalang at pag respeto hindi lamang sa mga indibidwal pero pati na rin sa mga institusyon na kinabibilangan ng magkabilang panig Senado man o Kamara.

NR: Baka makurot ang puso dahil Love Month.

IAU: Mag Va-valentine’s day naman.

CHIZ: ‘Yun! Tamang-tama mag Va-valentine’s Day naman ang hirap naman makipag away sa Valentine’s Day.

IAU: Correct. Tama. Ay Senator Escudero lipat lang po kami ng ibang paksa kasi noong nakalipas na araw ang binabanggit po ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ‘yun pong panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na secession o ‘yung pagkalas ng Mindanao sa Pilipinas doomed to fail. Kahit ‘yung Department of Justice naglabas na rin sila ng pahayag ng kumukontra po dito sa isinusulong na pagkalas ng Mindanao. Pero ang tanong, Senator Escudero, ano ba talaga ‘to? Seditious ba talaga ‘to? Although sabi ni President Duterte, nothing illegal naman daw sabi niya.

CHIZ: Ang kinakailangan ay hindi lamang kaisipan, opinyon, o pananaw, kung hindi, overt acts, ika nga, Bago maging sedisyon ‘yan, bago maging rebelyon, bago maging insurrection. In fact, doon sa parehong press conference sinabi ‘yan ni dating Pangulong Duterte, ang sinabi nya ay kabisado nitong si dating Speaker Alvarez ‘yung proseso kung papaano gawin ‘yan sa United Nations mapayapang proseso hindi naman paggamit ng dahas o armas ang binabanggit ni Pangulong Duterte. Pangalawa, aminado din si Pangulong Duterte bilang isang abogado na wala legal na proseso at pamamaraan sa ilalim ng saligang batas natin o  umiiral na batas na puwedeng ihiwalay mo parte ng Pilipinas na nakalagay sa Article 1 ‘yon sa ating Konstitusyon. “National Territory” ang Article 1, dahil kabilang at kasama sa requirements para maging estado ang isang bansa ay territory, people at sovereignty. Mawala ang isa, mabawasan ng isa, mababawasan din ‘yung pagiging estado ng isang bansa.

NR: Tsaka Sir, nakita niyo ba na sincere siya doon sa proposals si dating Pangulong Duterte o dahil na buwisit lang siya dahil, ‘di ba, tina-target daw siya ng ICC o marami silang hindi pinagkasunduan po. Well, meron siyang mga ikinagagalit sa administrasyon o kay Presidente Marcos.

CHIZ: Well, posible rin pero ‘yung mga nagsalita noong naunang araw wala namang ibang nagbanggit non si Pangulong Duterte lamang. So, siguro ‘yung suporta kaugnay niyan mula sa kakampi o kaalyado talaga ni Pangulong Duterte ay hindi pa naman solid o buo maliban kay dating Speaker at ngayon ay Congressman Bebot Alvarez. Dahil kahit ‘yung mga anak niya wala namang binanggit kaugnay sa kagustuhan niyang ‘yun.

NR: Pero Sir, hindi ba delikado din ‘yung ganoong pinalutang niya? Kasi syempr, Sir, merong mga nakaisip din o na-revive ‘yung ganong kaisipan na dapat ihiwalay na lang ‘yung Mindanao ‘di ba, kasi nananahimik na ‘yung Moro Islamic Liberation Front, Moro National Liberation Front. Meron ng mga peace agreement ang gobyerno, hindi ba, Sir, parang nakakaudyok pa ‘too nakakasindi ulit ng kanilang desire na humiwalay. Kasi alam ko, Sir, kung hindi ako nagkakamali, may mga grupo din doon o ‘yon ang pinush po dati ng mga rebeldeng Moro ‘yung secession ng Mindanao.

CHIZ: Well, hindi naman dahil nagsalita mismo mga official ng BARMM, ‘di ba, na tutol sila doon sa panukala ni Pangulong Duterte.

NR: Yes Sir, tutol sila. Pero, ‘di ba, ‘yung mga leaders, Sir, tutol sila pero baka mamaya may umusbong. Hindi ba ‘yon, Sir, makaka-ignite ng curiosity o interest ulit?

CHIZ: ‘Yon na nga ‘yung pagkakaiba kung saka-sakali dahil kung maalala mo ang MILF at MNLF noon, ninais ang paghihiwalay ang Mindanao gamit ang dahas, gamit ang armas, baril, bala at bomba. Pero si Pangulong Duterte ninanais ay tingnan ‘yung legal na pamamaraan sa pamamagitan ng United Nations. kung halimbawa, MILF at MNLF, dinaan na lamang sa OIC tulad nga ng pagtulong ng OIC sa kanila ‘yung organization ng Islamic States. Wala namang problema, pero noong gumamit sila ng baril, bomba, bala at kung anu-ano pang kagamitan para sa karahasan doon na naging rebelyon ‘yon. Pero naging rebelyon man, Isa, Nimfa, wala namang leader yata na MILF at MNLF ang nakulong. Hindi ba puro peace agreement ang ginawa ng gobyerno sa kanila. Peace agreement sa MNLF noong umusbong ang MILF, peace agreement naman sa MILF. So, siguro bilang leksyon ng kasaysayan sana ‘yan ang hikayatin ng pamahalaan na makipagkasundo, makipag peace ika nga kay dating Pangulong Duterte imbes na tatakutin nating aarestuhin o tatakutin natin kung ano mang karahasan na nagmumula sa gobyerno na hindi naman nagmumula sa kanya.

NR: Actually, ‘yon ‘yung sinabi ni Senator Imee Marcos, Sir, na isa ‘yan doon sa mga iritante isa ‘yan sa ikinagagalit ni Former President Duterte na ‘yung iba-iba daw ‘yong statement daw nang administrasyon pagdating sa ICC. Ito ‘yung sabi ni Presidente hindi na papapasukin pero ‘yung DOJ sinabi na o pagka merong dumaan sa legal na proseso papasukin nagbibigay ng mixed signal.

CHIZ: Ulitin ko, Nimfa, Isa, ang MNLF at MILF aktuwal na nakipaglaban sa pamahalaan hindi lamang salita kung hindi sa gawa pero nakipagkasundo tayo medyo nag bend over backwards. Medyo kinalimutan na tinalikuran na ang nagawa noon at nakipagkasundo tayo sa kanila ito’y salita pa lang naman. Tama ka, baka naman galit lang o medyo mainit ang ulo noong mga panhong ‘yon pero naniniwala ako may puwang para makapag-usap ang dating pangulo at kasalukuyang angulo upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.

NR: Lastly on my part, Isa. So Sir, doon sa proposal o mga pinag usapan na ihiwalay ang Mindanao mula sa Pilipinas. Ano ‘to Sir, ito’y issue ba na dapat isantabi na lang natin, after all sabi ni Presidente hindi naman siya papayag dito.

CHIZ: Well, maliban sa hindi siya papayag kahit nga gusto pa kahit nga si Pangulong Duterte kaya nga siguro hindi nya naisulong nya noon. Dahil walang legal na paraan kahit na pangulo ka pa ng ating bansa na magawa ‘yan. Puwede lamang magawa ‘yan, hindi ko nga kabisado ‘yung proseso at procedure, siguro sa pamamgitan nga ng United Nations. Dahil ‘yon naman pinagmulan ng pagkakatatag ng iba’t ibang bansa sa mundo. Pero hindi ko nga lang kabisado kung ano ‘yung mga requirement na kinakailangan tiyak ko na hindi lamang simpleng signature campaign ‘yan kung saka-sakali

NR: Hindi sya madadaan sa People’s Initiative. With that Sir, maraming salamat po sa inyo.

IAU: Thank you so much po. Happy weekend!

CHIZ: Isa, Nimfa. Sa muli, maraming salamat. Magandang tanghali sa inyong lahat at sa ating taga-pakinig.