JONEL GANIO (JG): Let us welcome, Governor Chiz Escudero dito po sa ating probinsya ng Isabela. Sir, magandang umaga po.
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Bombo Jonel, magandang umaga sa lahat ng listeners ng Bombo Radyo dito sa Cauayan at buong lalawigan ng Isabela. Naimbag nga bigat. Good morning! Karangalan kong muli na muling makabalik at makabisita dito sa Cauayan at sa Isabela.
JG: Senator Chiz, halos nangalahati na nga po ang campaign period?
CHIZ: Maayos naman kanina ay galing kami sa lalawigan ng Cagayan. Kahapon galing kami sa Bataan at sa Zambales. Subalit hindi katulad ng ibang kumakandidato, dalawa hanggang tatlong araw lamang ako nakakapag-ikot para mangampanya dahil nananatili akong gobernador, ama ng aming lalawigan, at may tungkulin pa rin akong dapat gampanan doon sa Sorsogon.
JG: Senator Chiz, consistent ho kayo sa mataas sa mga iba’t-ibang surveys. Halos tiyak na nga po ba ang inyong panalo? Ano po sa mga karanasan mo bilang gobernador ang maari ninyong madala at maging adbokasiya sa pagbabalik po sa Senado?
CHIZ: Sana magdilang anghel ka. Ang dala ko ay ang karanasan ko bilang gobernador, bilang local chief executive. Sa muli kong pagtakbo bilang miyembro ng Senado, madalas ko ngang sinasabi ako ay nag-a-apply para maging kampeon ng lokal na pamahalaan sa Senado. Marami akong nakikitang deperensya at problema kaugnay ng pakikialam ng National Government sa mga dapat gawin at kayang gawin ng lokal na pamahalaan.
Bilang isang halimbawa, bakit nga ba dapat pakialaman ng national government kung paano gagastusin ng probinsya at siyudad ang IRA at local-generated revenue nila. Malayong mas alam ng gobernador, mayor kung ano ang kailangang gawin sa kanyang lugar kaysa sa sinumang National Government official na nandoon lamang naman sa malamig na air-conditioned na kuwarto ng kanyang opisina. Ni hindi man lamang bumibisita sa ating mga lugar. Marapat na dapat na bigyang buwelo. Tanggalin ang mga tanikala, tali, at kadena nagpapabigat sa ginagawa at puwedeng gawin ng mga lokal na pamahalaan.
JG: Senator Chiz, congratulations nga po pala sa successful re-opening ng Sorsogon sa mga turista dito naman po sa Region II ay unti-unti na rin nagbubukas ang aming mga tourist destinations. Ano po ba ang mga tips na puwede ho ninyong i-share para ho sa ating matagumpay na pagbabalik-turismo?
CHIZ: Noong nakaraang taon pa kami nagbukas subalit nung dumating ang Omicron, tumaas ang bilang ng kaso sa aming lalawigan. Umabot kami ng walong daan sa populasyon na mahigit 1.1 million. Bukas na ang turismo namin so ang ginawa ko, na lockdown lamang ako ng weekend. Ibig sabihin, Sabado at Linggo lang naka-lock down hanggang bumaba ang kaso pero ang mga turista, ang mga bisita, ang mga dayuhang Pilipinong dumadayo sa aming lugar, pinayagan ko pa ring lumabas ng Sabado’t Linggo. Ang mga nagtatrabaho sa tourism sector, pinayagan ko rin lumabas. Binawasan lamang namin ng 28 porsyento, dalawang araw sa pitong araw ng isang Linggo para mabalanse namin ang kabuhayan, pagbubukas ng turismo sa aming probinsya, at kaligtasan ng aming mga kababayan.
JG: Sir, marami ho sa ating mga kababayan dito ay nagtatanim ho ng tabako. May mga pangamba po sila sa rekomendasyon ng DOF na panibagong pagtaas buwis daw po, kasama na rito ang sin tax sa sigarilyo. Ano po ba ang masasabi nyo?
CHIZ: Pinapangako ko po sa inyo, kung muling makakabalik ako sa Senado, hindi ko papayagan ang anumang pagtataas ng buwis na magpapabigat sa dati nang mabigat na pasanin ng ating mga kababayan kasama na ang mga nagtatanim ng tabako. Hindi ito tamang estratehiya, sa totoo lang. Walang bansa sa mundo ang nagtaas ng buwis sa gitna ng pandemyang kinakaharap nating lahat. Maling estratehiya, maling plano at hindi ko po papayagan ‘yan kung may magbalak man na gawin po ‘yan sa darating na administrasyon.
JG: Sir, pinakahuling tanong din po, napakataas ng presyo ng abono pero mababa ang bentahan ng palay, Sir. Ano po ba ang mungkahi ninyo sa problema pong ito?
CHIZ: Dapat dagdagan ng gobyerno ang pondo ng agrikultura. Php80-B lamang ang pondo ng agrikultura sa taong 2022. Ikumpara mo ‘yon sa pondo ng DPWH na nasa mahigit Php800-B. Wala pang 10 porsyento ng pondo ng DPWH ang pondo ng Department of Agriculture. Paano ho gaganda ang pondo ng agrikultura sa ating bansa? Ang pinakamahirap na Pilipino, nasa sektor na ‘yan. Tumatanda na ang ating magsasaka’t mangingisda. Ang average age ng magsasaka’t mangingisda sa Pilipinas ay 58-years-old na. Dalawang taon na lang senior citizens na sila.
Dapat patunayan natin na puwedeng kumita ng tama at sapat ang mga magsasaka’t mangingisda natin dahil sa ibang bansa hindi naman mahirap ang magsasaka, hindi naman pobre at pulubi ang mangingisda basta’t mabigyan sila ng sapat na tulong ng pamahalaan. Dagdag pa siguro dito marapat at dapat maipakita natin ang ating magsasaka dahil kung hindi wala silang anak na gustong sumunod sa yapak nila. Karamihan ng magsasaka’t mangingisda ang pangarap sa kanilang mga anak maging doktor, maging engineer, maging abogado, maging pulis, maging titser. Sinong papalit sa kanila na maghahatid ng pagkain sa ating mga la mesa? Panahon na para pakitain natin ang tama at sapat ang ating magsasaka sa tulong sa ayuda at malaking pondo ng pamahalaan. Layunin ko, gawing Php400-B ang dating Php80-B lamang na dinala ng gobyerno para sa agrikultura.
JG: Bilang panghuli, Senator Chiz, maraming salamat po any message sa ating listeners and viewers sa atin ngayong umaga.
CHIZ: Pagbati na lamang po muli. Karangalan ko muling makapiling at makausap kayo sa pamamagitan ng Bombo Radyo, gayundin makabalik dito sa siyudad ng Cauayan at lalawigan ng Isabela. Dalangin ko po muling pagtulong, suporta, paniniwala at pagtitiwala ninyo. Sa muli kong pagharap sa dambana ng balota para maging kinatawan po ninyo muli, maging miyembro muli ng Senado. Ang aking iniaalay siguradong direksyon at solusyon para harapin ang mabibigat na problema na kinakaharap po ng ating bansa ngayon bilang isang Lahi. Sa muli, Jonel, maraming salamat at magandang umaga at pagbati sa ating mga kababayan.