CHIZ: AMYENDAHAN ANG ELECTION CODE PARA TANGGALIN ANG SUBSTITUTION, WITHDRAWAL PROVISION

 

Itinutulak ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pag-amyenda sa Omnibus Election Code para maisaayos ang isang probisyon dito ukol sa “withdrawal” at “substitution” ng mga kandidato.

Ginawa ni Escudero ang pahayag makaraan ang kaguluhan sa pag-atras ng mga placeholder at pagpalit sa kanila ng mga kandidato bago ang nakatakdang deadline nito noong November 15.

“Maliban sa pagbabawal sa voluntary withdrawal/ substitution, dapat balik na lang tayo sa dating panuntunan na hindi na puwedeng palitan kung sino ang nag-file ng COC (certificate of candidacy),” anang beteranong mambabatas. “Mas resonable at mas rasyonal ito kaysa sa nangyari noong ‘last day of filing.’”

Dati nang inihayag ng dating senador na nabalewala ang October 8 deadline sa paghahain ng COCs para sa 2022 elections dahil sa panuntunan sa ilalim ng Omnibus Election Code kung saan pinapayagan ang “substitution of candidates.”

Nasasalaula rin dahil dito ang pagiging sagrado ng halalan, pagbibigay-diin niya.

Pinahihintulutan sa ilalim ng Omnibus Election Code ang “substitution of candidates” kung namatay, na-disqualify o nag-withdraw ang mga indibidwal na nagnanais kumandidato subalit nung panahon ng paghahain ng COC, ibinunyag mismo ng aspirante at partido na tumatakbo o may pinatatakbo sila bilang “placeholders.”

“Ang paghahain ng COC ay dapat ituring na isang sakripisyo sa layong mapaglingkuran ang mga mamamayang Pilipino at hindi upang gamitin lang ng sinumang tao o grupo para lusutan ang proseso,” ani Escudero.

Ayon kay Escudero, pabor naman siya na mayroon pa ring “involuntary substitution of candidates” para maiwasan ang mga karahasan at patayan tuwing eleksiyon. Aniya, nangyayari ang “involuntary substitution” kung namatay o nagkasakit ang isang kandidato at hindi na siya makakatakbo.

Si Escudero, na naglingkod sa Senado mula 2007-2019, ay muling tumatakbo sa pagka-senador sa May 2022 National Elections sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC).