Pinangunahan ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pagbubukas sa probinsiya ng kauna-unahan nitong isolation at treatment facility kontra COVID-19 at iba pang nakahahawang sakit upang mas mapalakas ang patuloy na pagtataguyod ng kalusugan ng mga mamamayan sa lugar.
Sa inaugurasyon ng Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF) ng Sorsogon Provincial Hospital (SPH) kamakailan, sinabi ni Escudero na tinatanggap lamang ng pasalidad sa ngayon ang mga pasyenteng may COVID-19 subalit magsisilbi rin ito kinalaunan bilang isang isolation center para sa ibang sakit na nakakahawa.
“For now, ito ay magsisilbing karagdagang pasilidad ng probinsya para sa treatment at monitoring para sa mga COVID cases. Mas pinatitibay rin nito ang ating COVID response strategy dahil sa pagbubukas nito mas matutugunan at mapipigilan natin ang posibleng pagkakaroon ulit ng surge ng COVID cases,” ani Escudero.
Unang naisip ang TTMF, na may 17 hospital beds, para magsilbing isolation area ng SPH para sa mga pasyenteng may tuberkulosis, tigdas, at iba pang nakahahawang sakit.
Muli niyang pinaalalahan ang mga Sorsoganon na patuloy na mag-ingat at sundin ang health protocols kahit bumababa na ang bilang ng mga impeksiyon nitong mga nakaraang linggo.
“Ang peak ng Sorsogon na nangyari sa taong ito ay tinalo pa ang unang dalawang taon. Umabot tayo ng mahigit 800 positibong kaso na active. Sa ngayon ay nasa mahigit 200 na lamang tayo makalipas ang mahigit 10 days at nagkakaroon na rin ng mas mataas na bilang ng mga nagre-recover kumpara sa nagpopositibo,” pagbabahagi ni Escudero.
Kasabay nito, pinapurihan ng gobernador ng Sorsogon ang lahat ng mga doktor, nars, at manggagawang medikal ng pamahalaang probinsiya dahil sa mahusay nilang pagtatrabaho sa paglaban sa COVID-19 pandemic simula nang unang mag-lockdown noong 2020 maging kapalit man nito ang kanilang buhay.
Inanunsiyo rin ng dating senador sa mga opisyal at tauhan ng SPH na tuluy-tuloy lang ang renobasyon at konstruksiyon ng mga karagdagang pasilidad ng ospital, cancer center, dialysis center, at oxygen generating plant, dahil ang pamahalaang probinsiya ay may inilaan nang dagdag-pondo para sa mga ito na nagkakahalaga Php150 milyon.
“Good news dahil sa taong 2022, napa-release na namin ang karagdagang balanseng kinakailangan para tapusin na ang kabuuan ng SPH sa halagang Php150 million on top of initial funding of Php100 million in 2021,” aniya.