Sinabi senatorial aspirant at Sorsogon Governor Chiz Escudero na pabor siya sa paggamit ng lahat ng posibleng opsyon sa pagpapaunlad ng plano para sa enerhiya upang masiguro na magkakaroon ang bansa ng pangmatagalang suplay ng naaangkop, ligtas, at abot-kayang kuryente.
Sa isang senatorial forum noong Linggo, sinabi ni Escudero na dapat hanapin, pag-aralan, at gamitin ang lahat ng maaaring panggagalingan ng kuryente, kabilang ang nuclear energy, upang makamit ang seguridad sa enerhiya nang hindi binabalewala ang kaligtasan ng publiko at hindi na makadaragdag pa sa mga pasanin ng mga mamamayan.
“Neutral ako sa teknolohiya. Technology neutral pero ang importante lamang na ligtas ito, kayang bayaran ng sambayanang Pilipino, at makakatugon sa problema, sa krisis, enerhiya ng ating bansa,” pagbibigay-diin ni Escudero nang tanungin kung pabor ba siya sa pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Subalit sinabi ng beteranong mambabatas na ang paggamit ng nuclear energy ay hindi lamang dapat matali sa BNPP at maaaring tingnan ang ibang pagpipilian, kabilang ang pagtatayo ng isang bagong pasilidad kung ito’y ligtas at pabor sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
“Kailangan ang opinyon ng eksperto kung mas maganda nga bang magtayo ng bago o i-rehabilitate pa yung nakatayong Bataan Nuclear Power Plant. Alin ba ang mas mura? Alin ba ang mas ligtas? Alin ba ang mas abot-kaya para sa ating mga kababayan?” tanong ni Escudero.
“Hindi natin dapat limitahan sa partikular na opinyon o diskriminasyon ang puwedeng pagkukunan natin ng kuryente. Nitong nagdaang limang taon walang dagdag na kapasidad sa generating capacity ng bansa,” bigay-diin niya.
Ang kabiguan ng pamahalaan na magtayo ng mga karagdagang planta ng kuryente at mapataas ang kapasidad ng suplay sa mga nakalipas na taon ay malaking dahilan kung bakit ganito ang kasalukuyang estado ng enerhiya ng bansa, hinaing ni Escudero.
“Pasalamat nga tayo dahil mahina pa ang takbo ng ating ekonomiya dahil sa pandemya. Pero sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas at ng mundo, sa unti-unting paggulong ng ekonomiya pagkatapos ng pandemya, darating ang panahon na mangangailangan tayo ng higit pa sa kuryenteng mayroon tayo ngayon,” aniya.
Sa napipintong muling pagbubukas ng ekonomiya at pagbabalik na rin ng iba pang sektor, inaasahan ang lalong pagtaas ng pangangailangan para sa elektrisidad at langis kung kaya dapat aniyang paghandaan ito ng susunod na administrasyon, lalo’t malapit na rin masaid ang balon ng Malampaya gas field.
“Umaabot ng apat hanggang limang taon mula mag-financial cost bago matapos ang isang planta na magbibigay sa atin ng bagong energy source. Kaya ngayon pa lamang kung ang tinatayang shortage ay mangyayari sa taong 2027, ang bagong pangulo ay dapat tutukan ang pagkakaroon ng mga bagong planta upang sa gayon bago pa man dumating ang pagkukulang ng kuryente ay mayroon na tayong pagkukunan ng panibagong source,” ani Escudero.