CHIZ: DAPAT BALANSEHIN NG GOBYERNO ANG KALUSUGAN AT EKONOMIYA

 

Inihayag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ngayong araw na dapat ibalanse ng gobyerno ang pagpaparami ng trabaho at ang kaligtasan ng mga manggagawa mula sa coronavirus upang makasulong ang bansa sa ganap na pagbubukas ng ekonomiya.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ng senatorial candidate na si Escudero na may kahirapang gawin ang kanyang panawagan sa pamahalaan subalit ito lamang ang nakikita niyang tanging paraan.

“We must be able to strike a delicate balance between the safety/health of our people and how to bring back jobs/re-open businesses,” paliwanag ni Escudero na palaging kabilang sa mga nangungunang kandidato sa pagka-senador sa mga pre-election survey.

“While it is indeed difficult to balance health and the economy, it is imperative that we achieve it. Our survival as a people and country depend on it!” pagbibigay-diin niya.

Nag-tweet ang beteranong mambabatas matapos iulat ng Philippine Statistics Authority na tumaas sa 8.1% o katumbas ng 3.88 milyong Pilipino ang unemployment rate noong Agosto mula sa 6.9% noong Hulyo.

Matatandaan na inilagay sa enhanced community quarantine ang National Capital Region noong isang buwan upang maiwasan ang pagkalat ng mas nakakahawang Delta variant at makontrol ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19.