CHIZ: DAPAT MAY SEY ANG MGA TAXPAYERS KUNG SAAN AT PAPAANO GAGAMITIN ANG BINABAYARAN BUWIS

 

Hinihimok ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na pag-aralan ang posibilidad na makapamili ang mga taxpayer kung saan ilalaan ang buwis na kanilang binabayaran sa gobyerno at bilang isang paraan na rin ng pagsasali sa kanila sa pagdedesisyon kung saan papaano gagamitin ang kaban ng Bayan.

Ibinulalas ni Escudero ang kanyang ideya sa kanyang pakikipag-usap kamakailan sa mga blogger na taga-Mindanao kung saan dito’y natalakay ang isang bagong BIR memorandum circular na nagpapaalala sa mga social media influencer na magrehistro bilang mga taxpayer at bayaran ang kanilang mga obligasyon.

Ayon sa dating senador, ang kanyang panukala ay magbibigay-kapangyarihan sa mga taxpayer, kabilang ang digital personalities, na makapamili kung saan gagamitin ang kanilang buwis – maaaring ito’y para sa edukasyon, imprastruktura, agrikultura o puwede ring sa mga rehiyon o probinsiya na gusto nila.

“This kind of system will work especially for the bloggers because at the end of the day, you will get to see where your money is going,” paliwanag ni Escudero.

“Mas masarap at masaya ang pakiramdam kung ang bawat taxpayer ay may sey kung saan gagamitin at paano gagamitin ang ambag niyang buwis sa kaban ng bayan,” aniya. “Inclusive ito, lahat kasama at walang etsapwera sa pagdedesisyon.”

Sa nasabing meeting, inihayag ni Escudero na kanyang sinusuportahan ang naging hakbang ng gobyerno na buwisan ang kita ng mga social media influencer at content creator subalit kanyang pinayuhan ang BIR na maging maingat sa pagpapatupad ng bagong labas nitong memorandum upang mahimok na sumunod ang mga nasabing online personality.

Sinabi ni Escudero na dapat magsagawa ang BIR ng isang diyalogo kasama ang mga blogger at vlogger upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at kalituhan tungkol Revenue Memorandum Circular 97 na inilabas ng ahensiya noong Agosto 16.

“Tama lang naman na buwisan (sila),” ani Escudero patungkol sa mga social media influencer. “Ang problema lang dapat i-recognize nila (the BIR) ang tinatawag nating tax treaties at ang Constitution mismo ang sinasabi na bawal ang double taxation,” dagdag niya.

Aniya, dapat i-check ng magkabilang partido kung may nakaltas nang buwis ang mga kinauukulang digital platform sa bansa kung saan nakabase ang mga ito.

“For example, kung ang buwis sa Amerika ay 30 percent at kung ang buwis dito sa Pilipinas ay 25 percent, wala ka nang kailangan bayaran sa BIR. Ipakita mo lang ‘yung ebidensya na nagbayad ka sa Amerika,” paliwanag ni Escudero.