CHIZ: DAPAT NANG BAGUHIN ANG LOCAL GOV’T CODE

 

Isinusulong ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pag-amyenda sa 1991 Local Government Code para umangkop ito sa pangangailangan ng panahon dahil aniya’y may mga probisyon ang batas na nakasagabal sa pagdedesisyon ng maraming pinuno ng lokal na pamahalaan at sa implementasyon ng mga proyekto sa harap ng nangyayaring pandemya.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga blogger na taga-Mindanao noong Sabado, ipinaliwanag ni Escudero na mas namalas sa kasalukuyang pampublikong krisis pangkalusugan ang pangangailangang baguhin ang ilang probisyon ng Republic Act 7160 para magawa ng local government units (LGUs) ang tungkulin nang malaya at epektibo ang mandato na hindi nakabase lang sa mga pambansang polisiya na hindi naman tunay na sumasalamin sa mga nangyayari sa ibaba.

“Ang una kong nadiskubre ay marami pala kaming batas na pinasa noong matagal nang panahon na hindi na applicable sa panawagan ng panahon at dapat gawin ng isang LGU,” ani Escudero na isang beteranong mambabatas. “Mas alam ng local government chief executive ang kailangan ng kanyang lugar kaysa sinumang kalihim na tinatanaw lang tayo mula sa malayo.”

Aniya, kahit binibigyan ng awtonomiya ang LGUs sa ilalim ng “devolved government system” na siyang isinasaad ng batas, lumalabas na kinakailangan pa ring hingin ng mga local government chief executive ang pag-apruba ng mga government line agency, lalo na sa mga usapin ng budget, hiring, health, at iba pa.

“Yung Local Government Code parang nilagay o nilagyan ng tanikala o chain ‘yung mga local government units at local chief executives. Hindi kami maka-decide na akala ko ba eh debolusyon ‘yan?” tanong niya.

Para ipakita ang kanyang punto, binanggit ni Escudero ang kaso ng budget appropriation kung saan sa isang banda’y kinakailangan pa rin ang pag-apruba ng pambansang gobyerno kahit galing din naman sa LGUs ang pera, kabilang dito ang Internal Revenue Allotment.

Binanggit din niya na kinakailangang kunin muna ang pag-apruba ng Civil Service Commission kung magdaragdag ng mga manggagawa at empleyado ang isang lokal na burukrasya at hindi rin aandar ang pagpapatupad ng mga serbisyong pangkalusagan kung walang go signal mula sa Department of Health (DOH).

“Nag right-size kami, kailangan aprubahan pa ng Civil Service. Devolved ang health pero dinidiktahan kami ng DOH bawa’t galaw namin. Dinedemanda at kinakasuhan pa kami. Hindi ko maintindihan ‘yon,” pagbulalas ni Escudeo. “Kung sakaling ako ay makabalik sa Senado, palalakasin ko ang mga lokal na pamahalaan dahil sa paniniwala ko base na rin sa aking karanasan.”

Sa nasabing meeting, sinabi ni Escudeo na pagsasamahin niya ang kanyang karanasan sa executive at legislative para makapagpasa ng mga batas na may consensus para palakasin ang ekonomiya at matulungan ang LGUs na makabangon nang unti-unti mula sa napakalaking pinsala ng pandemya na aniya’y lalo pang lulubha sa susunod na taon kumpara sa nararanasan ngayon ng mga Pilipino.

“Next year, mas masama ang ekonomiya kumpara this year. Hindi lang natin mararamdaman sa unang mga buwan dahil election period. So, tatakbo ang ekonomiya pero dahil lang sa pulitika. Makalipas ang pahanong ‘yan pagkatapos ng Mayo doon mararamdaman ang paghihigpit,” aniya.