CHIZ: HABAAN ANG KULONG, TAASAN ANG MULTA KONTRA PHISHING SCAMMERS

 

Dahil sa isa na namang panloloko kung saan naaapektuhan ngayon ang mga public school teacher na may mga payroll account sa pag-aari ng gobyerno na Land Bank of the Philippines (Landbank), sinabi ni senatorial aspirant at Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat baguhin ang ilang batas upang mapatawan ng mas mabigat na parusa at multa ang mga online scammer.

“Naging mas mapangahas at mas sopistikado na ngayon ang Phishing scammers, talagang sinasamantala nila ang kakulangan sa digital literacy ng mga Pilipino. Madalas, tulad sa insidenteng ito sa Landbank, ang mga biktima pa ng mga panloloko ang nasisisi sa nangyari at hindi lang pera ang nawala sa kanila kundi pati ang kompiyansa nila sa mga banko na dapat na nag-iingat ng kanilang suweldo at savings,” ani Escudero na pinamunuan dati ang Senate Committee on Banks and Financial Institutions.

Sinabi ni Escudero na dapat gawing isang prayoridad ng susunod na Kongreso ang pag-amyenda sa Access Devices Regulation Act of 1998 at Cybercrime Prevention Act of 2012 para habaan ang parusang pagkakulong at taasan ang multa laban sa mga hacker at scammer, lalo na ang mga gumagawa ng mga iskema na phishing, smishing (SMS phishing), at vishing (voice phishing).

Sa paglabag sa Access Devices Regulation Act, maaaring maparusahan ang sinumang lalabag ng anim hanggang 20 taong pagkabilanggo at multang Php10,000 o doble ng kinuhang halaga habang sa Misuse of Devices sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, nasa di-lalampas sa Php500,000 naman ang multa at parusang pagkabilanggo na anim hanggang 12.

“Dapat tratuhin natin bilang major criminal offenses ang online scams at tumbasan ito ng matinding kaparusahan at multa kung saan magdadalawang-isip muna ang mga scammer bago biktimahin ang nagbabanat ng buto nating mga kababayan. Tulak nang tulak ang pamahalaan para magkaroon tayo ng isang matatag digital economy, dapat tulak din nang tulak ang ating mga mambabatas ng mga naaangkop na batas para maitaboy ang mga kriminal palabas mula sa importanteng ekonomiyang ito,” ani Escudero.

Hindi bababa sa 20 public school teachers mula Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol, at Western Visayas ang nagsabi na nawalan sila ng pera sa kanilang mga Landbank account subalit sinabi ng banko na matibay ang imprastruktura nito at posibleng nabiktima ang mga guro ng phishing scams.