Sinabi ni senatorial aspirant at Sorsogon Governor Chiz Escudero na huwag kapitan ng pamahalaan ang pagpapataw ng mga bagong buwis para lamang mabayaran ang lumalaking pagkakautang ng Pilipinas na siyang ipinanunukala ng Department of Finance (DOF).
“Totoo rin naman na kailangan ng gobyerno ng mas malaking koleksiyon subalit hindi ito ang tamang panahon para magpataw ng mga bagong buwis o mag-tax hike lalo’t nasasapul pa rin tayo ng mga epekto ng pandemya. Ngayon pa nga lang halos nakakabawi ang mga Pilipino sa kanilang kalusugan at kabuhayan. Gagawin pa ba ng gobyerno na maging napakahirap ng ating pagbangon gayung mahirap na ito sa ngayon?” ani Escudero.
“Hindi pa nga tayo nakakatayo, ibabaon na naman ba natin ang ating sarili sa mga bagong bayarin?” aniya.
Para makalikom ang gobyerno ng pambayad-utang, sinabi ng DOF na pinag-aaralan nito ang pagpapataw ng mga bagong buwis; pag-alis sa exemptions sa 12% value-added tax (VAT); at ang pagtaas sa excise taxes sa sigarilyo, alak, at softdrinks.
Noong 2021, nasa P11.73 trilyon na ang pagkakautang ng Pilipinas na kumakatawan sa 60.5% ng gross domestic product ng bansa na pinakamasama sa nakalipas na 16 taon.
“Kailangan natin magbayad ng utang pero huwag naman natin kuhain sa mga seniors, PWDs, mga naghihingalong exporters at iba pang mga VAT-exempt ang pambayad ng utang ng gobyerno. Mag-isip tayo ng paraan para matugunan ang ating responsibilidad ng hindi pinapahirapan ang mga tao,” ani Escudero.
May VAT exemption ang nasa 10 milyong senior citizen at 1.4 milyong persons with disability (PWDs). Noong Disyembre 2021, binigyan din ng Bureau of Internal Revenue VAT exemption ang lahat ng mga rehistradong exporter na tumatangkilik ng mga produkto at serbisyo ng mga lokal na supplier.
Imbes na magtaas ng buwis, sinabi ni Escudero na pag-aralan ng gobyerno ang pagbebenta ng ilang ari-arian nito at mas palakasin pa ang public-private partnerships (PPP) para mapondohan ang paghataw sa pagtatayo ng mga imprastruktura.
“May ibang paraan naman para magkaroon ng espasyo o makahinga tayo sa pagbabayad ng utang at hindi lang ang pagbibigay ng mga panibagong pasanin sa mga Pilipino. Isa rito ang PPP. Sa long term, dapat talaga na malabanan ang korapsyon sa gobyerno kung saan P700 bilyon ang nasasayang dito taon-taon na napakalaking halaga na puwedeng ipampatayo na lang sana ng 1.4 housing units,” ani Escudero.