Nananawagan si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa mga awtoridad na gumawa ng plano para sa pagbabakuna sa mga homeless o walang tirahan at batang lansangan na gumagala sa mga lungsod at ibang parte ng bansa upang masiguro na ligtas at protektado rin sila laban sa COVID-19 virus.
Binigyang-diin ni Escudero na lalong nagiging kapansin-pansin ang presensiya ng mga nasabing marginalisadong grupo tuwing Kapaskuhan, partikular sa Metro Manila, na nanghihingi ng tulong sa mga motorista at pasahero at dahil dito’y maaari silang maimpeksiyon ng coronavirus.
Kahit may herd immunity na ang National Capital Region dahil bakunado na siyento porsiyento ang target population nito, sinabi ni Escudero na hindi pa rin dapat pabayaan at maiwanan sa programa sa bakuna ang mga Pilipinong naninirahan at namumuhay sa mga lansangan.
“Gusto kong malaman kung ang ating mga kababayan na nabubuhay sa kalsada, kasama na ang mga batang kalye, ay nababakunahan o nabakunahan na? Hindi sila dapat kalimutan dahil mahalaga rin ang kanilang kalusugan,” ani Escudero na kumakandidato sa pagka-senador sa May 2022 National Elections.
“Bagama’t kailangan ng pangmatagalang solusyon upang sila ay maialis sa kalsada, we have to make sure that the government is looking after their protection which, of course, includes the much-needed COVID-19 vaccines,” dagdag niya.
Base sa mga datos, halos 4.5 milyon ang walang tirahan o impormal ang paninirahan sa bansa at halos 3 milyon dito ang nasa Metro Manila habang nasa 1-3% naman ang mga batang lansangan mula sa hanay ng kabataan sa iba’t ibang malaking siyudad sa Pilipinas.
Sa NCR lang, mayroong tinatayang 30,000 batang lansangan mula sa kabuuang bilang na 250,000 sa buong Pilipinas.
“Sa paglilimos nila sa kalsada ay nalalagay na sila sa panganib, lalo na ngayon na may banta pa ng coronavirus,” ani Escudero kasabay ng kanyang pag-apela sa mga lokal na pamahalaan at Inter-Agency Task Force on COVID-19 na tingnan ang kalagayan ng lahat ng mga naninirahan at namumuhay sa kalye.
“Dapat isama sa pagbabakuna ang mga batang kalye at mga walang natutuluyan dahil sila rin ay parte at bahagi ng lipunan at kasama sa pagbangon ng buong bansa sa pandemya,” aniya.