CHIZ: I-RELEASE AGAD ANG QUICK RECOVERY FUND NG FIRST RESPONDER AGENCIES SA MGA LUGAR NA WINASAK NG ‘ODETTE’

 

Dahil sa maladelubyong epekto ng super typhoon Odette, nanawagan si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa Department of Budget and Management (DBM) na pabilisin ang paglalabas ng Quick Recovery Fund (QRF) ng mga ahensiyang nangunguna sa pagtugon sa sakuna at kalamidad, ani Sorsogon Governor Chiz Escudero.

Sinabi rin ni Escudero na dapat armasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan sa paggawa ng isang Local Disaster Risk Reduction and Management Plan (LDRRMP) upang mas epektibong magamit ng mga ito ang disaster fund.

“Dapat luwagan ng DILG at DBM ang LGUs sa paggamit ng kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) sa tuwing may sakuna at kalamidad at huwag sikilin ang mga national agencies sa paggamit ng kanilang QRF para sa rehabilitation and repair,” ani Escudero na tumatakbo para sa bagong termino sa Senado.

Kabilang sa tinatawag na “first responders” ang Department of Social Welfare and Development, Department of National Defense, Department of Health, at National Electrification Administration.

Lalo’t mahigit 200 siyudad at bayan ang pawala-wala pa rin ang kuryente at patuloy na kinakapos sa suplay ng pagkain hanggang ngayon matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette, binigyang-diin ni Escudero ang pangangailangang gamitin ang LDRRMF sa pagbili ng mga kagamitan at sa pagtatayo ng mga imprastruktura na makakatulong upang maiwasan ang malalang epekto ng matitinding kalamidad.

Sinabi ni Escudero, na palagi ring binabagyo ang pinamumunuang probinsiya, na sadyang isinabatas ang LDRRMF upang siguruhing may pondo ang mga lokal na pamahalaan para sa pag-iwas at paglunas sa sakuna at kalamidad, kahandaan, pagtugon, rehabilitasyon, at pagbangon.

“Big believer po ako ng preparedness and prevention at nakakabahala na nangyayari ang ganitong klase ng pagkawasak sa tuwing may malakas na bagyo, na napakapeligro para sa isang bansa na nakararanas ng 20 bagyo taon-taon,” ani Escudero.

Naniniwala ang senatorial aspirant na kailangang magkaroon ng malaking pagbabago sa disaster management kung saan mas dapat na tutukan ang pag-iwas sa sakuna kaysa ang pagtugon dito matapos ang pananalanta, halimbawa, ng isang malakas na bagyo.

Ayon sa Department of Agriculture, hindi bababa sa Php8 bilyon ang naging danyos ng Bagyong Odette sa agrikultura at imprastruktura ng Visayas at Mindanao, habang 500,000 kabahayan naman ang nagiba at nasawi ang 397 katao batay sa datos ng pamahalaan.